Tuesday, May 3, 2022

B- a tree and a vessel

Sino nga ba ang mag aakala na siyang nagbibigay ng takot ay nagbibigay ngayon ng lakas ng loob.

Sa unang pagkasilay, pangamba agad ang naramdaman. Pagitan ay pinapanatilihan at tunay na iniiwasan. Lahat ay handang kausapin huwag lamang siyang kausapin. Kung may pagpipilian ay hindi siya ang lalapitan o kung dumating man ang araw na kinakailangan siyang kausapin, bakit ko siya kakausapin?

Oh mandarayang puso na nagpaparamdam ng takot mula sa hindi kilalang tao. Bakit ka nakadarama nito sa taong hindi gumagawa ng kahit ano? Bakit ang takot na nagmula sa nakaraan ay muling ibinabangon para lamunin ako? Bakit mo ako hinahagkan sa tuwing nakakasalamuha ng hindi kilala? Bakit ka nga ba natatakot sa kanila na may bitbit ng sandata? Kung hindi naman sila gumagawa ng masama bakit inuunahan mong mangamba? Nalalaman ng isip ko na wala akong dapat ikatakot ngunit natatakot pa rin ako. Oh puso na nakadarama ng takot kailan ka mawawalan nito? 

Narito, siyang pinakatatakutan ang siyang naging panibago kong puno. Ang iniiwasan ay siya naging aking dako. Paano ako hihinahon o paano ako babangon? Kung ang puso ay tuluyan nang sumabog sa pangamba, masasabik pa bang gumawa sa dakong kinaroroonan ng kaba? Nais kong umiwas at nais kong lumayo. Ngunit sa aking paglayo ay haharap din sa panibagong takot, sa lugar na hindi kilala at puno ng mga hindi kilala. Kung hindi maaaring lumayo sa pinanggagalingan ng kilabot at kung bahag ang buntot sa pagharap sa takot, kung magkagayon, bakit hindi yaong sisidlan na naglalaman nito ang gawan ng kirot baka sakali ang takot ay mabaon sa pagkalimot. Kung sa nakaraan ng sisidlan nagmumula ang takot anong kinalaman ng kinudlitang puno? bagaman siya ang sanhi sa pagkabuo muli ng takot ay wala siyang pananagutan dito. Narito, napuno nga ng takot ang sisidlan mula sa kaniyang pinaglalagyan na tahanan, takot sa kaninyang puno sa dakong kaniyang pinaghahanapbuhayan, sa tungkulin na dapat niyang magampanan at sa kaniyang sariling pagkatao na naghahangad maging perpekto. Hindi nagkasiya ang takot sa sisidlang hamak kaya naman tuluyan itong nawasak. At ang takot ay nawala ngunit nag-iwan ng lamat. 

Silang hinangad na makaunawa ay hindi nakaunawa, silang inaasahang makatutulong ay lalo pang nanira, at siyang panggagalingan sana ng gaan ng loob ay nagdala ng bigat ng loob. Yaong inaakalang kasama ay hindi pala kasama. Ngunit yaong inaakalang hindi bahagi ang siyang bumahagi.

Nawasak na ang sisidlan at hindi na maaring igiban sapagkat hindi na mawawala ang naiwang lamat. Ano pa ang ihaharap ng sisidlang may sugat? Ano pa ang kaniyang aasahan kundi ang araw ng kaniyang pagkawasak. Wala na siyang laman at wala na siyang kasamang gumawa bagkus sila pa ay patuloy na naninira. Mag isa na lamang at karapatdapat lang.

Ngunit sa kabila ng tila walang kabuluhang paggawa ay mayroong natuwa. Siyang pinanggagalingan ng takot ay nagbigay ngayon ng saya, na para bang may nagawa akong kadakidakila. Muling nakadama ng saya na makapagpasaya. Bakit siya ganito? Bakit dalawang simoy ang lumalabas sa punong ito? At nang lumalaki na ang lamat sa sisidlang hamak na kaunting sandali na lamang para mawasak ay tinapalan ng papuri ng punong tiyak. Kaunaunahan. Ang pagmamalaking ito ay nagpalakas ng diwa ng sisidlang malapit nang bumagsak. Bakit pa sa pinanggalingan ng takot ay may nakukuhang pagpapalakas? Bakit tila lumalakas ako kahit mayroong takot? Narito, nagsisi ang sisidlan, nahiya sa kaniyang sarili kung bakit takot ang nadarama sa punong ito. Ngunit hindi niya mabago ang kaniyang puso. May paghanga man sa puno ay naroon parin ang takot kapag nakalalapit dito. Kaya mula sa malayo ay magmamasid ng walang kibo at pipiliin ang sa ikatututo. Baka sakaling ang basag na sisidlan ay sibulan ng halaman at maging gaya ng punong hinahangaan. Kaya naman bakit aatras kung natatakot? Sino ba ang hindi nakaramdam nito? Kung mayroon sisibol sa sisidlan kahit natatakot ay mas mainam na kung para sa paglago. Baka sakali sa paglago ang takot din ay maglaho. Hindi nga siguro lahat ng kinatatakutan ay sa ikalulugmok sapagkat sa pagkakataong ito ay nakababangon ako. Unang una sa tulong ng Nagtanim sa punong ito. Hindi ko man tiyak kung ano ang maaaring sumibol sa kalagayan kong ito. Ngunit ang tiwala ko ay makababalik ako sa dating ako, hindi, sa mas mainam na ako. Na kayang humarap sa takot at maging sa nanira sa dating ako na may pagibig at ligaya na hindi nakasalalay sa kung sino.


Nakatutuwang isipin nang maalaala ang dating dalangin. Na sana ay mapasailalim sa isang punong magaling, na makikita ang taglay kong galing at kusa niyang lilinangin upang ako ay pakinabangin. Puno na may sandata upang ako ay pasunurin sa kahit na ayaw kong gawain para ako ay maging magaling. Ngunit nang itong puno na binihisan ng kudlit ang dumating, takot ang umigting. Hindi na napansin ang idinaing o ang angkin niyang galing bagkus pinangunahan ng damdamin kaya naghangad tumakas sa mundong madilim. Ngunit sinong mag aakala na maaari pala, na ang bunga ng dalangin ay hindi gaya ng ating inaakalaa. Yaong kinatatakutan ko ay siya palang idinalangin ko na gagabay sa aking paglago. Sino ngang mag aakala na huhusay ako dahil sa kinatatakutan ko. Kaya ngayon ay nagsusumikap para maging isang ganap at manatili sa ilalim ng biyayang tinanggap.