Thursday, March 24, 2022

HALAGA



Ako ay simpleng nilalang na walang ipagmamalaki: mahirap, mahina, hindi kagwapuhan, di katalinuhan at hindi magaling makisama sa iba. Kaya naman nagsikap akong magkaroon ng halaga dito sa mundo baka sakaling panghinayangan ako. Halaga na hindi lamang ang pag iral sa mundo kundi pagiging laman ng puso ng ibang tao. Sinikap kong maging mahusay upang kailanganin nila. Nangarap maging kasangkapan upang magamit nila gaya ng isang tagapaglingkod na susunod sa kanila. Kung kailanganin nila ako ay magkakahalaga ako. Kahit na dahil sa kailangan lang nila ako. Sinikap kong magkaroon ng lahat ng mga bagay sa gayon mayroon akong maibigay baka sakali kapag ako ay kanilang hanapin ay matagpuan nila ang aking halaga. Sinikap kong maging matalino upang sa kanilang mga katanungan ako ay makasaklolo nang kanilang mapagtanto na mahalaga din ako. Sinikap kong maging tagapakinig na dumirinig ng kanilang daing baka marinig nila ang aking saloobin na ako ay may halaga din. Sinikap kong ibigay ang lahat ng mayroon ako upang maging mahalaga ako. Sinikap kong maging mahalaga.

Ngunit tulad ng isang bagay, matapos gamitin ay iiwan na lang; at sino ba ang nagpahalaga sa isang alipin? Napansin nila ako, oo, noong hanap nila ang mayroon ako. Pinaligiran ako ng kanilang katanungan ngunit matapos ang exam ay natapos narin ang pakikipagkaibigan. Kinailangan nila ako noong sila ay may problema ngunit nang ito ay maayos ang halaga ko din ay natapos. Ibinigay ko ang lahat ng mayroon ako ngunit nang ito ay maubos ayon din ang halaga ko. Ang halaga ko ay natatapos sa tuwing ang saysay ko ay nauubos. Kung magkagayon, kinakailangan kong magkaroon ng saysay sa bawat bagay at sa araw araw.

Sa lahat ng mga bagay ay inuna ko ang iba para magkaroon ng halaga. Hindi na bale ako ang mahirapan at masaktan huwag lang ang aking mga pinahahalagahan baka sakali sa aking sakripisyo ay maging mahalaga ako. Ngunit tila hanggang kamatayan ay wala parin akong saysay. 

Tinanong ko ang puso ko kung mahalaga ba ako? Maging ito ay hindi nakasagot sapagkat natuon sa ibang tao. Ano ba ang halaga ko? Kung hindi kayang sagutin ng puso ko kaninong puso ang makasasagot nito? Pinahahalagahan ko ang ibang tao, nakalimutan kong pahalagahan ang sarili ko. Kung sa aking sarili ay wala akong halaga, anong halaga ang makukuha ko sa iba.

Minasdam ko ang salamin at nakita ko ang aking sarili. Narito, aking nasilayan ang maraming kakulangan at marami nang napabayaan. Sinubukan kong gastusan ang sarili ko ngunit nanghinayang ako sa pera ko baka may ibang tao ang mas mangailangan nito. Sinubukan kong paglaanan ng oras ang sarili ko ngunit tila nagsayang lang ako ng oras hindi gaya ng pagsama ko sa iba. Sinubukan kong ibigin ang sarili ko ngunit hindi ako masaya kung para lang sa sarili ko sapagkat ang kasayahan ko ay sa tuwing nakapagpapasaya ng ibang tao. Hanggang sa huli ay nakasalalay pa rin sa iba. Tila yata ang pagkalikha ko ay para sa ibang tao hindi para sa sarili ko. Ang halaga ko ba ay kung pahalagahan ako ng mga ito?

Narito, ako ay nagpakahulog sa malalim na dagat at walang nakapansin. Ngunit bago pa man ako malagutan ng hininga ay isang kamay ang sa akin ay humawak. Tumingala ako at nakita ko ang langit. Doon ko lamang napagtanto. Noong ako ay lumuluha mag isa dahil sa bigat ng daladala, iniwan at nawalan ng halaga, nasa itaas ko ang langit. Noong ako ay masayang nagpapagamit sa iba nasa ibabaw ko ang langit. Saan man ako mapunta nasa itaas ko ang langit na minamasdan ako. Hindi pala ako nag iisa. Iniisip ko lamang na ako ay nag iisa. At dahil ako ay binabantayan Niya, ako rin pala ay may halaga. Kung paanong hindi ako pinapahalagaan ng mga taong minamahal ko ay naging gayon din pala ako sa Kaniya na nagpapahalaga sa pag iral ko. Siya na unang nagpahalaga sa akin.

Namatay ako, oo, ang dating ako at umahon ang bagong ako. Ako na handang magpahalaga ng ibang tao, pangalawa sa nag ahon ng puso ko, hindi man nila pahalagahan ay mananatiling nagmamahal. Sapagkat hindi ko sila minamahal para lang mahalin din nila ako, minamahal ko sila dahil mahal ko sila at doon ako ay masaya. Hindi man ako maging mahalaga para sa kanila, sapat na ang halaga ko sa langit. Sapagkat subukan ko man hanapin ang halaga ko dito sa lupa ay hindi ko makikita dahil ang aking halaga ay nasa langit wala sa lupa. Doon ako ay mahalaga. Walang kasing halaga.