Wednesday, May 9, 2007

RESPONSABLENG PAGBOTO PARA SA BATANG PILIPINO

Responsableng Pagboto Para Sa Batang Pilipino PAHAYAG NG MGA BATANG MULA SA MGA KOMUNIDAD NG WORLD VISION UKOL SA DARATING NA HALALAN Ang mga nakatatanda ay modelo sa paningin ng mga bata kaya marapat lamang na sila ay maging mabuting halimbawa. Kami ang mga bata mula sa mga tinutulungang komunidad ng World Vision na nagsisilbing tinig ng mga batang Pilipino, mga mumunting tinig na humihiling ng pagbabago. Bata man po kami ay mulat na sa reyalidad ng buhay sapagkat ito po ay aming nararanasan at lubos itong nakakaapekto sa amin hindi lamang sa pamumuhay kundi sa aming pag-iisip, kaugalian, at buong pagkatao. Musmos man po kami sa inyong paningin ngunit bahagi rin kami ng isang malaking pangarap para sa bayan natin. Tunay nga pong minimithi naming ang isang bansang nararapat sa mga bata. Malaki po ang aming paniniwala na ang bansang para sa amin ay bansang para rin sa lahat! Ang pangarap po namin ay isang bansang mapagkalinga sa bata (child-friendly), na may maka-Diyos at tunay na tapat na mga namumuno: “lider” at hindi “politiko” sapagkat ang isang lider ay mapagmahal at hindi makasarili, na ang mga salita ay hindi lamang nanatiling salita kundi isinasagawa at ang mga pangako ay hindi lamang nanatiling pangako kundi isinasakatuparan ang mga ito. Ang amin pong panalangin ay isang malinis, matapat at mapayapang eleksyon. Kaya naman kami, bilang mga bata na may pagpapahalaga sa ating bansa, ay nagtutulong-tulong upang makibahagi sa kaganapan ng panalangin na ito. Umaasa po kami sa inyong suporta sa pagbuo ng isang “bansang maka-bata.” Iminumungkahi po namin na pakinggan ang aming mga opinyon sa pagpili ng mga kandidatong karapat-dapat mahalal. At huwag po sana kayong mabulag sa kinang ng salapi sapagkat ito ay panandalian lamang kumpara sa habang buhay na kahirapan na ating mararanasan. Ang pagtanggap po ng bayad sa boto ninyo ay katumbas ng pagbili sa pangarap at kinabukasan ng bawat batang Pilipino. Sa amin pong pananaw, alam naming makakatulong kami sa pamamagitan ng pagpapaalala sa aming mga magulang, mga kaibigan at mga kakilalang botante ng tamang pagpili ng mga ihahalal. Kasabay po nito ay ang aming taimtim na panalangin na ang mga mahahalal ay tunay na lider na maglilingkod sa Dios sa pamamagitan ng paglilingkod sa mga tao at sa kapakanan ng mga bata. Gayundin, kami po sana ay iyong isaalang-alang sa pagpili ng mga lider na magtataguyod ng aming karapatan upang patuloy na mabuhay ang diwa na kami ang pag-asa nitong ating bayan. Simulan po natin ang pagbabago ngayon sapagkat ang mga nakakatanda ay modelo sa paningin ng mga bata kaya marapat lamang na sila ay maging isang mabuting halimbawa sa mga batang magiging susunod na lider ng bagong henerasyon!