Thursday, March 24, 2022

HALAGA



Ako ay simpleng nilalang na walang ipagmamalaki: mahirap, mahina, hindi kagwapuhan, di katalinuhan at hindi magaling makisama sa iba. Kaya naman nagsikap akong magkaroon ng halaga dito sa mundo baka sakaling panghinayangan ako. Halaga na hindi lamang ang pag iral sa mundo kundi pagiging laman ng puso ng ibang tao. Sinikap kong maging mahusay upang kailanganin nila. Nangarap maging kasangkapan upang magamit nila gaya ng isang tagapaglingkod na susunod sa kanila. Kung kailanganin nila ako ay magkakahalaga ako. Kahit na dahil sa kailangan lang nila ako. Sinikap kong magkaroon ng lahat ng mga bagay sa gayon mayroon akong maibigay baka sakali kapag ako ay kanilang hanapin ay matagpuan nila ang aking halaga. Sinikap kong maging matalino upang sa kanilang mga katanungan ako ay makasaklolo nang kanilang mapagtanto na mahalaga din ako. Sinikap kong maging tagapakinig na dumirinig ng kanilang daing baka marinig nila ang aking saloobin na ako ay may halaga din. Sinikap kong ibigay ang lahat ng mayroon ako upang maging mahalaga ako. Sinikap kong maging mahalaga.

Ngunit tulad ng isang bagay, matapos gamitin ay iiwan na lang; at sino ba ang nagpahalaga sa isang alipin? Napansin nila ako, oo, noong hanap nila ang mayroon ako. Pinaligiran ako ng kanilang katanungan ngunit matapos ang exam ay natapos narin ang pakikipagkaibigan. Kinailangan nila ako noong sila ay may problema ngunit nang ito ay maayos ang halaga ko din ay natapos. Ibinigay ko ang lahat ng mayroon ako ngunit nang ito ay maubos gayon din ang halaga ko. Ang halaga ko ay natatapos sa tuwing ang saysay ko ay nauubos. Kung magkagayon, kinakailangan kong magkaroon ng saysay sa bawat bagay at sa araw araw.

Sa lahat ng mga bagay ay inuna ko ang iba para magkaroon ng halaga. Hindi na bale ako ang mahirapan at masaktan huwag lang ang aking mga pinahahalagahan baka sakali sa aking sakripisyo ay maging mahalaga ako. Ngunit tila hanggang kamatayan ay wala parin akong saysay. 

Tinanong ko ang puso ko kung mahalaga ba ako? Maging ito ay hindi nakasagot sapagkat natuon sa ibang tao. Ano ba ang halaga ko? Kung hindi kayang sagutin ng puso ko kaninong puso ang makasasagot nito? Pinahahalagahan ko ang ibang tao, nakalimutan kong pahalagahan ang sarili ko. Kung sa aking sarili ay wala akong halaga, anong halaga ang makukuha ko sa iba.

Minasdam ko ang salamin at nakita ko ang aking sarili. Narito, aking nasilayan ang maraming kakulangan at marami nang napabayaan. Sinubukan kong gastusan ang sarili ko ngunit nanghinayang ako baka may ibang tao ang mas mangailangan nito. Sinubukan kong paglaanan ng oras ang sarili ko ngunit tila nagsayang lang ako ng panahon hindi gaya ng pagsama ko sa mga nanghihingi ng tulong. Sinubukan kong ibigin ang sarili ko ngunit hindi ako naging masaya dito. Sapagkat ang kasayahan ko ay sa tuwing nakapagpapasaya ng iba. Hanggang sa huli ay nakasalalay pa rin sa iba. Tila yata ang pagkalikha ko ay para sa ibang tao at hindi para sa sarili ko. Ang halaga ko ba ay kung pahalagahan ako ng mga ito?

Narito, ako ay nagpakahulog sa kalaliman ng kalumbayan, sa kalawakan ng karagatan hanggang sa marating ang kawalan. Ni walang nakapansin na ako ay sugatan. Ngunit bago pa man ako malagutan ng hininga at maubusan ng pulang tinta ay isang kamay ang sa akin ay umabot. Tumingala ako at aking nakita ang bughaw na langit. Doon ko lamang napagtanto. Noong ako ay lumuluha mag isa dahil sa bigat na daladala, iniwan at nawalan ng halaga, nasa itaas ko ang langit. Noong ako ay masayang nagpapagamit sa iba nasa ibabaw ko ang langit. Saan man ako magpunta nasa itaas ko ang langit at minamasdan ako. Hindi pala ako nag iisa. Iniisip ko lamang na ako ay nag iisa. At dahil ako ay binabantayan Niya, ako rin pala ay may halaga. Kung paanong hindi ako pinapahalagaan ng mga taong minamahal ko ay naging gayon din pala ako sa Kaniya na nagpapahalaga sa tulad kong aba. Siya na unang nagpahalaga sa akin. Siya na unang umibig sa akin.

Namatay ako, oo, ang dating ako at umahon ang bagong ako. Ako na handang magpahalaga ng ibang tao, pangalawa sa nag ahon ng puso ko. Hindi man nila pahalagahan ay mananatiling nagmamahal. Sapagkat hindi ko na sila minamahal para lang mahalin nila ako, minamahal ko sila dahil mahal ko sila at doon ako ay masaya. Hindi man ako maging mahalaga para sa kanila, sapat na ang halaga ko sa Kaniya. Sapagkat subukan ko man hanapin ang halaga ko dito sa lupa ay hindi ko makikita dahil ang aking halaga ay nasa langit wala sa lupa. Doon ako ay mahalaga. Walang kasing halaga.

Friday, February 4, 2022

SAWING KAPALARAN



Hindi ako malakas, mahina ako. Hindi ako magaling, ako ay kapalpakan at sino ang nagsabi na masaya ako, patuloy akong nalulungkot sa aking puso. Nagpapanggap lamang na malakas, nagkukunwaring mahusay at nagpapakita ng may katapusang kasayahan: oh malungkot na ngiti. Dahil sa dangal ay nagpapakunwari na walang pinagdaraanan upang maiwasang tulungan kahit nangangailangan. Nagpakamalakas ako upang hindi kaawaan ng mga tao, sapagkat kung ako ay kaawaan pa ano na lamang ang magiging tingin sa akin ng sarili kong mga mata. Dahil sa hiya ay nagpapanggap ako na malakas kahit sa katotohanan ay mahinang patpat. May nakarinig ba na humihingi ako ng tulong? Iniiwasan kong magsabi ng bigat sa kaninoman lalo na sa mas mahina, kung aking nalalaman, at sa may mas mahirap ang pinagdaraanan. Kung marinig man ako na dumadaing ay tunay nga na mabigat ang dalahin. Sapagkat ang daing na lumalabas sa akin ay ang mga umapaw na daing na hindi na kayang dalhin ng malaki kong saloobin. Ayoko sanang tumanggap ng anoman lalo na sa mas nangangailangan, ang gusto ko ay magbigay kaysa tumanggap. Kaya kahit gutom ay aariin kong ako ay busog huwag lamang tumanggap ng anoman mula sa mas nahihirapan. Hindi sa ayaw kong tumulong sila kundi ayaw kong maging pabigat pa. Nangangailangan ako ng masasandalan ngunit hindi kaya ng kalooban na may mahirapan o mabigatan dahil sa aking kahinaan. Hindi bale na ako ang mahirapan huwag lamang ang aking mga minamahal. Sa gayong paraan ay mas gagaan ang aking kalooban. Babagsak na lamang ako ng biglaan at hindi nila mamamalayan. Kung ako ay bumigay, doon sa dakong walang nakakaalam upang hindi magdala ng balisa sa kaninoman. Kaya kung marami nang daing ang nailalabas at hindi na kayang magpanggap ay inaasahan na ngang iiwas. Ngunit kung minsan kailangan mo lang lumayo at kung mahalaga ka sa isang tao ay mapapansin niya ito at kung hindi, mauunawaan mo ang halaga mo. Datapuwat may mga pasan na kapag hindi na kayang dalhin ay dapat nang bitawan, hindi para pabayaan kundi dahil may ibang magpapasan. Mahina man ako at hindi mahusay ay may pananampalataya ako. Ito ang nagpapanatili sa akin na tumayo. Kung maaari lang tuldukan ang nasimulan ay nagawa na ngunit dahil sa kaalamang taglay ay walang magawa kundi maghintay. Sapagkat mahirap gumawa ng isang bagay laban sa iyong karunungan. Kung maaari lang akong bumigay ay bumagsak na ako ngunit dahil sa mga nakasandal ay hindi maaaring tumumba baka sila rin ay magiba. Sapagkat kung ako man ay babagsak, ako lang magisa at walang dapat maidamay sa aking sawing kapalaran. 


Saturday, January 15, 2022

Kalungkutan Kalumbayan



Ang kalungkutan ay nararamdaman ng buong katawan. Umuubos ng kalakasan at nagdudulot ng karamdaman. Walang dapat ikasaya at walang dapat ipagdiwang. Ang naghilom na sugat ay nag-iiwan ng bakat. Ngunit ang sugat sa puso ay higit sa lahat. Kung paanong ang sugat sa katawan, isipin man na hindi masakit ay nananatiling masakit. Kahit pilit kalimutan ang sugat ang hapdi ay naroroon parin. Ang sugat sa kalooban ay nananatiling masakit, minsan ay nagpapamanhid, minsan ay nanlulupig at sa kaloob-looban ay nagtatago ang pag-ibig. Sa bawat bahagi ng katawan ay nararamdaman ang pagluha ng walang katapusan at tila hindi mauubusan ng lumbay ang pinanggagalingan. Ang naghaharing takot ay ayaw magpatulog, kumakapit ng mabuti baka magpakahulog, sa hinahangad noon baka hindi na makabangon ngayon.

Kung paano ang paningin sa gabi ay iba sa umaga ay gayon ang tingin at pag-unawa. Ang kalumbayan na tila kamatayan habang nabubuhay sa mata ng nadidiliman ay pag-akay sa naliwanagan. Sa paningin ng nawalan ng pag-asa ay kalungkutan ang lahat ngunit sa isang mayroon nito lahat ng bagay ay may itinuturo. Sa labis na kasiyahan ay walang humpay sa pag-indak hindi namamalayan napapaibang landas. Tanging kalumbayan ang nagpaiwas sa malapit na pagbagsak kung hindi napigilan sa matayog na paghalakhak. Ang kalumbayan ay hindi maiiwasan kaya siya ay aking kinaibigan sa gayon kami ay makapagtulungan at masusing naming pag-isipan ang bawat desisyon sa buhay hanggang sa dumating ang panahon na siyang kalumbayan ay mayroon ng kasayahan. Ang kalumbayan ay hindi masama kung mananatiling may pag-asa na sa kinalaunan ay magiging masaya.

Saturday, January 1, 2022

Living Death






You don't need to die to die.
You just need to live in this selfish world and enjoy all heart aches it offers.

Sunday, December 12, 2021

I WANT TO MEET MYSELF AND BECOME HIS FRIEND


I want to meet myself


I want to hug him tight so he don't need to strive to have one.

I want to take care of him just like taking care of others.

I want to meet him and become his friend so he can be alone; alone with me.

I want to help him endure the pain and carry the burden of the world.

I want to cheer him whenever he feels full of doubts.

I want to think with him and discuss a lot of things.

I want to play with him and enjoy our lost childhood.

I want to love him and love others together.

I want to join him so he don't need to leave alone.

I just need another body to touch and see myself as another human being to love 

But he wake me up and said, stop dreaming.

Wednesday, November 24, 2021

NANGARAP

Libre lang mangarap kaya taasan mo na. Libre lang mangarap kaya damihan mo na.

Hangad ng bata ay simple lamang ngunit sa kanyang pagtanda ang hangarin ay unti unting nawala.

Sa murang edad ay natuto nang maghangad ang munting kaisipan na uhaw sa karunungan at puno ng pagasa at liwanag. Mga mumunting nilanglang ay pumupukaw ng paningin at umaakit ng pagmamahal sa akin. Oh kay sayang makilala ang iba't ibang uri nila at alagaan ang bawat isa sa kanila. Akin silang mamahalin at gayon din sila sa akin sapagkat ako ay magiging tagapagingat ng mga mumunting hayop.

(O ano itong naisip ko, mahilig ba talaga ako sa hayop? Ni wala nga akong naging alaga sa buhay ko, ni marunong man ako magalaga ng kahit mumunting hayop. Naghangad ako noong bata ng isang bagay na hindi ko makukuha. Hindi ko pa nalalaman kung gaano kabigat magaral, ni hindi ko pa alam na hindi naman pala ako makapagaaral. Kakatuwa na naghangad ako maging manggagamot ng mga hayop at ano ako ngayon, napakalayo maging mangagamot.)

Kaya narito, naging mabuti na lamang sa mga hayop dahil kailanman ay hindi magiging manggagamot.

Kung may pangarap pa dito sa lupa ito ay magbigay saya sa iba marahil magbibigay saya sa may akda at mabigyan buhay ang mga likha. Ngunit natutupad ba ang mga ito?

Isa pa sa pangarap ng nilalang ay ang makasama ang sa kaniya ay lumamang. Hindi dahil sa walang kasayahan dito sa lupa kundi ang kaligayahan kasama Siya ang tunay na saya. Dito ay may lungkot na pumapalibot kahit sa puso ng isang musmos. Dito ang tunay na kaunawaan ay hindi naaabot; walang sinoman ang nagkakaunawaan sapagkat ang puso ay malihim at mahiwaga. Maging ang nagmamayari ng puso ay hindi lubos matarok ang kalaliman nito kundi Siya lamang na may likha nito ang makakaabot ng mga bagay na natatago dito. Kaya ang pinakapangarap at natitira pang maaaring maabot ay ito: . . Ngunti kung kailan o kung paano ay hindi ko nalalaman sapagkat hindi ako ang tutupad nito, ang magagawa ko lamang ay idalangin ito na dumating bago lagpasan ang bilang ng isang buwan o lagpasan ang edad sa laman ng aming pinakapanganay. Mainam nga sana ang maging pataba sa lupa kahit hindi naman mataba, mapakanibangan man lang ng namumungang puno hanggang sa huli kong abo, o kundi man malagim ang maging pagkain ng mga nilalang sa tubig maaari din pangyarihin sa gayon sa huli ang katawang patpatin ay pakinabangin. Maaari din gawin kamanghamangha ang huling hininga gaya sa pelikula, sasalo ng bala o magliligtas ng masasagasaang bata. Laging handang ibuwis ang buhay para sa taong minamahal. Naligtas na siya at ang tanging pangarap ay natupad pa. Ngunit ang mga bagay na ito ay malayo sa katotohanan at malabo maisakatuparan. Maging alagaan ang karamdaman ay hindi bahagi ng pagpipilian sapagkat ito ay pinagbabawal. Sa huli babalik sa naunang paraan nang ang pangarap ay maisakatuparan. Narito, ang bawat bagay ay natatapos pagkatapos matapos ang kaniyang katungkulan. Kung magkagayon, kinakailangan lamang matapos ang naiatang na tungkulin para pagpahingahin. At kung paanong ang hanapbuhay na may dobleng kayod ay natatapos ng mabilis gayon din ang tungkulin ng buhay kung aagapang gawin at sasamantalahin. Sapagkat wala nang pangarap ang maaari pang maabot kundi ito kaya ang bawat kilos at takbo ay patungo dito. Hindi mapipigilan kahit hindi maunawaan. Magpapatuloy sa mabuting gawa hanggang Siya ay maawa at ipagkaloob ang matagal nang hangarin. Ang piniling kudlit.

Friday, October 15, 2021

Padaluyin sa Pagsulat

 

Punitin ang pusong malambot

Sumusulat ako upang paagusin ang saloobin baka sakali ang hindi makilalang damdamin ay mawala na sa aking piling. Kahit na nalalaman ko na tanging ito lamang ang nananatili hanggang ngayon sa puso ko ay nagnanasa akong kumawala sa matinding yakap nito. Yakap na humihila sa aking kalungkutan at ang nagpapaulan sa aking dungawan. Ngunit nasasabik ang aking kaluluwa sa yakap ng pagmamahal kaya ako rin ay humagkan at nagpakalunod sa dala nitong kalungkutan. Nais kong tumakas ngunit naging kapahingahan ko ang kalumbayan at naging kaibigan ko ang kawalan. Sapagkat wala naman sa aking aagaw ako ay nagpalamon sa kalaliman ng katahimikan doon sa kaibuturan ng kawalan ng saysay. Nagiging habang buhay ang pagkatulala at ang pag iglip ay naging pangarap sa tuwina. Walang maasahang aahon sa kamay ng abang nalulunod kaya natutuhang pakamahalin ang unti unting pagkalubog sa kalaliman ng karagatan hanggang sa ang ibabaw nito ay maging kalangitan at ang buong bahagi ko ay magkapirapiraso na nahahalo sa kasuluksulukan ng mundo. Bibitaw na ako sa pagkakapit sa tumitibok kong puso at maglilingkod sa pantas at matayog. Gagawing bato ang kaloob looban nang walang sibat ang makapasok. Mamamatay sa kawalan ng pakiramdam at mabubuhay sa kawalan ng pakialam. Narito at unti unti nang nauubos ang pinaaagos. Maghihintay sa paglabas ng isang gaya ko ngunit bato.

Wednesday, September 29, 2021

Alam mo ba

Kinakailangan bang sumigaw para malaman na mahapdi? Kailangan bang umiyak para malaman na masakit? Nangangailangan bang ipaalam ang bawat bagay para lang malaman. 

Hindi ba may kaalaman sa nakikita, may karunungan sa naririnig at kaunawaan sa nararamdaman. Ipinaalam ba ng langit na siya ay bughaw o nalaman mo dahil sa nakita mo na siya ay bughaw? Naunawaan mo na mainit ang araw dahil ikaw ay nainitan o dahil sinabi ng araw? May mga karunungan na hindi na kailangan isigaw sapagkat nakikitang maliwanaw.

Magtatanong pa ba ng kamusta sa taong alam nating malaki ang problema. Hihintayin ba munang bumitaw ang isa tao bago tayo gumalaw. Kung ang puso ay kusang tumitibok bakit hindi gayon ang tibok ng pagibig ng tao?

Hihingi ba ng tulong ang tumutulong sa taong tinutulungan? O kanino iiyak ang taong malakas? Kung dahil sa kahinaan ay maaaring mawala ang mga ipinagkakatiwalang bagay ay hindi na lamang manghihina. Walang pagkakataon lumuha at walang karapatan para panghinaan. Ang taong inaasahan ay kailangan laging malakas baka sa kaniyang pagbagsak madamay lahat ng nagsisihawak. 

Saan nandoon ang tungtungan ng mga haligi o saan ito kumukuha ng katibayan para buhatin ang buong tahanan? Kung mayroon lang sanang pangalawang ako na kakalinga sa isa pang ako baka yaong ako ay makapagpatuloy sa pagiging malakas nito. Tunay ngang si Ako ay naroon para sa aking sarili nang walang ngang iba naroon. Ngunit dahil ang pagsuko ay wala sa pagpipilian ay walang magagawa kundi magpatuloy.