Ngunit tulad ng isang bagay, matapos gamitin ay iiwan na lang; at sino ba ang nagpahalaga sa isang alipin? Napansin nila ako, oo, noong hanap nila ang mayroon ako. Pinaligiran ako ng kanilang katanungan ngunit matapos ang exam ay natapos narin ang pakikipagkaibigan. Kinailangan nila ako noong sila ay may problema ngunit nang ito ay maayos ang halaga ko din ay natapos. Ibinigay ko ang lahat ng mayroon ako ngunit nang ito ay maubos gayon din ang halaga ko. Ang halaga ko ay natatapos sa tuwing ang saysay ko ay nauubos. Kung magkagayon, kinakailangan kong magkaroon ng saysay sa bawat bagay at sa araw araw.
Sa lahat ng mga bagay ay inuna ko ang iba para magkaroon ng halaga. Hindi na bale ako ang mahirapan at masaktan huwag lang ang aking mga pinahahalagahan baka sakali sa aking sakripisyo ay maging mahalaga ako. Ngunit tila hanggang kamatayan ay wala parin akong saysay.
Tinanong ko ang puso ko kung mahalaga ba ako? Maging ito ay hindi nakasagot sapagkat natuon sa ibang tao. Ano ba ang halaga ko? Kung hindi kayang sagutin ng puso ko kaninong puso ang makasasagot nito? Pinahahalagahan ko ang ibang tao, nakalimutan kong pahalagahan ang sarili ko. Kung sa aking sarili ay wala akong halaga, anong halaga ang makukuha ko sa iba.
Minasdam ko ang salamin at nakita ko ang aking sarili. Narito, aking nasilayan ang maraming kakulangan at marami nang napabayaan. Sinubukan kong gastusan ang sarili ko ngunit nanghinayang ako baka may ibang tao ang mas mangailangan nito. Sinubukan kong paglaanan ng oras ang sarili ko ngunit tila nagsayang lang ako ng panahon hindi gaya ng pagsama ko sa mga nanghihingi ng tulong. Sinubukan kong ibigin ang sarili ko ngunit hindi ako naging masaya dito. Sapagkat ang kasayahan ko ay sa tuwing nakapagpapasaya ng iba. Hanggang sa huli ay nakasalalay pa rin sa iba. Tila yata ang pagkalikha ko ay para sa ibang tao at hindi para sa sarili ko. Ang halaga ko ba ay kung pahalagahan ako ng mga ito?
Narito, ako ay nagpakahulog sa kalaliman ng kalumbayan, sa kalawakan ng karagatan hanggang sa marating ang kawalan. Ni walang nakapansin na ako ay sugatan. Ngunit bago pa man ako malagutan ng hininga at maubusan ng pulang tinta ay isang kamay ang sa akin ay umabot. Tumingala ako at aking nakita ang bughaw na langit. Doon ko lamang napagtanto. Noong ako ay lumuluha mag isa dahil sa bigat na daladala, iniwan at nawalan ng halaga, nasa itaas ko ang langit. Noong ako ay masayang nagpapagamit sa iba nasa ibabaw ko ang langit. Saan man ako magpunta nasa itaas ko ang langit at minamasdan ako. Hindi pala ako nag iisa. Iniisip ko lamang na ako ay nag iisa. At dahil ako ay binabantayan Niya, ako rin pala ay may halaga. Kung paanong hindi ako pinapahalagaan ng mga taong minamahal ko ay naging gayon din pala ako sa Kaniya na nagpapahalaga sa tulad kong aba. Siya na unang nagpahalaga sa akin. Siya na unang umibig sa akin.
Namatay ako, oo, ang dating ako at umahon ang bagong ako. Ako na handang magpahalaga ng ibang tao, pangalawa sa nag ahon ng puso ko. Hindi man nila pahalagahan ay mananatiling nagmamahal. Sapagkat hindi ko na sila minamahal para lang mahalin nila ako, minamahal ko sila dahil mahal ko sila at doon ako ay masaya. Hindi man ako maging mahalaga para sa kanila, sapat na ang halaga ko sa Kaniya. Sapagkat subukan ko man hanapin ang halaga ko dito sa lupa ay hindi ko makikita dahil ang aking halaga ay nasa langit wala sa lupa. Doon ako ay mahalaga. Walang kasing halaga.
No comments:
Post a Comment