Punitin ang pusong malambot |
Sumusulat ako upang paagusin ang saloobin baka sakali ang hindi makilalang damdamin ay mawala na sa aking piling. Kahit na nalalaman ko na tanging ito lamang ang nananatili hanggang ngayon sa puso ko ay nagnanasa akong kumawala sa matinding yakap nito. Yakap na humihila sa aking kalungkutan at ang nagpapaulan sa aking dungawan. Ngunit nasasabik ang aking kaluluwa sa yakap ng pagmamahal kaya ako rin ay humagkan at nagpakalunod sa dala nitong kalungkutan. Nais kong tumakas ngunit naging kapahingahan ko ang kalumbayan at naging kaibigan ko ang kawalan. Sapagkat wala naman sa aking aagaw ako ay nagpalamon sa kalaliman ng katahimikan doon sa kaibuturan ng kawalan ng saysay. Nagiging habang buhay ang pagkatulala at ang pag iglip ay naging pangarap sa tuwina. Walang maasahang aahon sa kamay ng abang nalulunod kaya natutuhang pakamahalin ang unti unting pagkalubog sa kalaliman ng karagatan hanggang sa ang ibabaw nito ay maging kalangitan at ang buong bahagi ko ay magkapirapiraso na nahahalo sa kasuluksulukan ng mundo. Bibitaw na ako sa pagkakapit sa tumitibok kong puso at maglilingkod sa pantas at matayog. Gagawing bato ang kaloob looban nang walang sibat ang makapasok. Mamamatay sa kawalan ng pakiramdam at mabubuhay sa kawalan ng pakialam. Narito at unti unti nang nauubos ang pinaaagos. Maghihintay sa paglabas ng isang gaya ko ngunit bato.
No comments:
Post a Comment