Kinakailangan bang sumigaw para malaman na mahapdi? Kailangan bang umiyak para malaman na masakit? Nangangailangan bang ipaalam ang bawat bagay para lang malaman.
Hindi ba may kaalaman sa nakikita, may karunungan sa naririnig at kaunawaan sa nararamdaman. Ipinaalam ba ng langit na siya ay bughaw o nalaman mo dahil sa nakita mo na siya ay bughaw? Naunawaan mo na mainit ang araw dahil ikaw ay nainitan o dahil sinabi ng araw? May mga karunungan na hindi na kailangan isigaw sapagkat nakikitang maliwanaw.
Magtatanong pa ba ng kamusta sa taong alam nating malaki ang problema. Hihintayin ba munang bumitaw ang isa tao bago tayo gumalaw. Kung ang puso ay kusang tumitibok bakit hindi gayon ang tibok ng pagibig ng tao?
Hihingi ba ng tulong ang tumutulong sa taong tinutulungan? O kanino iiyak ang taong malakas? Kung dahil sa kahinaan ay maaaring mawala ang mga ipinagkakatiwalang bagay ay hindi na lamang manghihina. Walang pagkakataon lumuha at walang karapatan para panghinaan. Ang taong inaasahan ay kailangan laging malakas baka sa kaniyang pagbagsak madamay lahat ng nagsisihawak.
Saan nandoon ang tungtungan ng mga haligi o saan ito kumukuha ng katibayan para buhatin ang buong tahanan? Kung mayroon lang sanang pangalawang ako na kakalinga sa isa pang ako baka yaong ako ay makapagpatuloy sa pagiging malakas nito. Tunay ngang si Ako ay naroon para sa aking sarili nang walang ngang iba naroon. Ngunit dahil ang pagsuko ay wala sa pagpipilian ay walang magagawa kundi magpatuloy.
No comments:
Post a Comment