Saturday, January 15, 2022

Kalungkutan Kalumbayan



Ang kalungkutan ay nararamdaman ng buong katawan. Umuubos ng kalakasan at nagdudulot ng karamdaman. Walang dapat ikasaya at walang dapat ipagdiwang. Ang naghilom na sugat ay nag-iiwan ng bakat. Ngunit ang sugat sa puso ay higit sa lahat. Kung paanong ang sugat sa katawan, isipin man na hindi masakit ay nananatiling masakit. Kahit pilit kalimutan ang sugat ang hapdi ay naroroon parin. Ang sugat sa kalooban ay nananatiling masakit, minsan ay nagpapamanhid, minsan ay nanlulupig at sa kaloob-looban ay nagtatago ang pag-ibig. Sa bawat bahagi ng katawan ay nararamdaman ang pagluha ng walang katapusan at tila hindi mauubusan ng lumbay ang pinanggagalingan. Ang naghaharing takot ay ayaw magpatulog, kumakapit ng mabuti baka magpakahulog, sa hinahangad noon baka hindi na makabangon ngayon.

Kung paano ang paningin sa gabi ay iba sa umaga ay gayon ang tingin at pag-unawa. Ang kalumbayan na tila kamatayan habang nabubuhay sa mata ng nadidiliman ay pag-akay sa naliwanagan. Sa paningin ng nawalan ng pag-asa ay kalungkutan ang lahat ngunit sa isang mayroon nito lahat ng bagay ay may itinuturo. Sa labis na kasiyahan ay walang humpay sa pag-indak hindi namamalayan napapaibang landas. Tanging kalumbayan ang nagpaiwas sa malapit na pagbagsak kung hindi napigilan sa matayog na paghalakhak. Ang kalumbayan ay hindi maiiwasan kaya siya ay aking kinaibigan sa gayon kami ay makapagtulungan at masusing naming pag-isipan ang bawat desisyon sa buhay hanggang sa dumating ang panahon na siyang kalumbayan ay mayroon ng kasayahan. Ang kalumbayan ay hindi masama kung mananatiling may pag-asa na sa kinalaunan ay magiging masaya.

No comments:

Post a Comment