Friday, February 4, 2022

SAWING KAPALARAN



Hindi ako malakas, mahina ako. Hindi ako magaling, ako ay kapalpakan at sino ang nagsabi na masaya ako, patuloy akong nalulungkot sa aking puso. Nagpapanggap lamang na malakas, nagkukunwaring mahusay at nagpapakita ng may katapusang kasayahan: oh malungkot na ngiti. Dahil sa dangal ay nagpapakunwari na walang pinagdaraanan upang maiwasang tulungan kahit nangangailangan. Nagpakamalakas ako upang hindi kaawaan ng mga tao, sapagkat kung ako ay kaawaan pa ano na lamang ang magiging tingin sa akin ng sarili kong mga mata. Dahil sa hiya ay nagpapanggap ako na malakas kahit sa katotohanan ay mahinang patpat. May nakarinig ba na humihingi ako ng tulong? Iniiwasan kong magsabi ng bigat sa kaninoman lalo na sa mas mahina, kung aking nalalaman, at sa may mas mahirap ang pinagdaraanan. Kung marinig man ako na dumadaing ay tunay nga na mabigat ang dalahin. Sapagkat ang daing na lumalabas sa akin ay ang mga umapaw na daing na hindi na kayang dalhin ng malaki kong saloobin. Ayoko sanang tumanggap ng anoman lalo na sa mas nangangailangan, ang gusto ko ay magbigay kaysa tumanggap. Kaya kahit gutom ay aariin kong ako ay busog huwag lamang tumanggap ng anoman mula sa mas nahihirapan. Hindi sa ayaw kong tumulong sila kundi ayaw kong maging pabigat pa. Nangangailangan ako ng masasandalan ngunit hindi kaya ng kalooban na may mahirapan o mabigatan dahil sa aking kahinaan. Hindi bale na ako ang mahirapan huwag lamang ang aking mga minamahal. Sa gayong paraan ay mas gagaan ang aking kalooban. Babagsak na lamang ako ng biglaan at hindi nila mamamalayan. Kung ako ay bumigay, doon sa dakong walang nakakaalam upang hindi magdala ng balisa sa kaninoman. Kaya kung marami nang daing ang nailalabas at hindi na kayang magpanggap ay inaasahan na ngang iiwas. Ngunit kung minsan kailangan mo lang lumayo at kung mahalaga ka sa isang tao ay mapapansin niya ito at kung hindi, mauunawaan mo ang halaga mo. Datapuwat may mga pasan na kapag hindi na kayang dalhin ay dapat nang bitawan, hindi para pabayaan kundi dahil may ibang magpapasan. Mahina man ako at hindi mahusay ay may pananampalataya ako. Ito ang nagpapanatili sa akin na tumayo. Kung maaari lang tuldukan ang nasimulan ay nagawa na ngunit dahil sa kaalamang taglay ay walang magawa kundi maghintay. Sapagkat mahirap gumawa ng isang bagay laban sa iyong karunungan. Kung maaari lang akong bumigay ay bumagsak na ako ngunit dahil sa mga nakasandal ay hindi maaaring tumumba baka sila rin ay magiba. Sapagkat kung ako man ay babagsak, ako lang magisa at walang dapat maidamay sa aking sawing kapalaran. 


1 comment: