Friday, March 13, 2020

KAAKLAT: Kwentong Pananampalataya

 


Nakakilala ako ng katuwiran sa pamamagitan ng aking matalik na kaibigan. Inanyayahan niya ako sa lokal upang makapakinig ng mabuting aral at dahil siya ay aking matalik na kaibigan ay akin siyang pinaunlakan. Hindi ko kilala yaong nagsasalita ngunit naaakit ako sa karunungan kaniyang dala. Bago sa aking pandinig ngunit tila nakikilala na ng aking kalooban ang bawat aral na kaniyang itinuturo. Samakatuwid, ako ay naanib dahil wala rin naman akong maitututol sa aking mga narinig at kinasabikan ko pang mapakinggan ang mga paksa na susunod na pag-aaralan. Naiwan man ako magisa ng aking matalik na kaibigan ay nilabanan ko ang hiya mapakinggan ko lamang ang karunungan na kung sa dating ako ay hindi ko gagawin: ang makihalubilo sa mga hindi ko kilalang tao.

Kay palad ko na kahit isang mahirap ay natawag sa tunay na Iglesia ng Dios. Bagaman natatago ang hirap sa pamamagitan ng mga ngiti nalalaman ng Dios ang aking mga paghihirap at pagtitiis. Hindi Siya nagpapabaya at nadarama ko ang Kaniyang pagkalinga. Sa tuwing wala na kaming makakain ay doon Siya nagbibigay: nagkakataon naaabutan ako ng relief goods ng mga taga lokal. Ilang araw ko bang naging ulam sa kanin ang isang litrong patis na naiabot nila sa akin. Hindi man nila narinig na ako ay dumaing na wala na kaming makain ay kusa silang tumutulong para bang nararamdaman nila ang aking gutom. Ang mga sandaling ito ay aking ipinagpapasalamat sa Dios na sinasagip Niya ako at ang pamilya ko sa gutom sa pamamagitan ng mga kapatid. Ang ganitong gawang mabuti at yaong naramdaman kong pagkalinga mula sa mga kapatid ay tinanim ko sa aking puso upang gayon din damdamin ang maiparamdam ko sa ibang tao lalo na sa kapatid kapag ako naman ang nabigyan ng pagkakataon ng Dios na tumulong.

Nakapagaral ako sa awa ng Dios dahil naging scholar ako ngunit mayroon parin binabayaran. Subalit kami ay walang anuman. Kaya madalas nasasabi ng aking ina na tumigil na ako sa pagaaral, ang katulad kong mahirap hindi dapat mataas mangarap. Madalas wala akong nakukuhang suporta dahil sa halip na ipangkakain na lang namin mahahati pa sa pamasahe ko ang maliit na kita ng aking ama, at hindi gusto ng aking ng ina na walang pera sa bulsa. Pinapaniwala ko na lang ang aking sarili na nasasabi niya ito dahil sa hirap ng buhay, sino ba naman ang makapagtitiis sa araw araw na isang kahig at isang tuka. Mas magaan pa ata sa kalooban ang gamitin ang pera pangbili ng makakain kaysa ang magtiis ng hirap para magpaaral sa walang kasiguraduhan na makapagtatapos. Saksi ang unan at kumot ko sa aking tahimik na pagluha. Ang mga hibik na sa panalangin ko lamang naidadaing, ayos lang yan, sabi ko sa aking sarili, at itinitiwala ko sa Amang mahabagin ang aking mga isipin. Naniniwala na sa kinabukasan ay may maiuuwi ang aking ama na salapi para may maipamasahe ako sa pagsapit ng umaga, makapangyarihan ang Dios para gawin yaon, at gayon nga madalas ang nangyayari. Nagsisikap akong mag-aral hindi para sa aking sariling kinabukasan kundi nagtitiis ako at nagsisikap para itong mga mahal ko sa buhay ay maiahon sa hirap, makita ko man silang nagagaanan sa buhay at makakain ng masarap kahit hindi man nila ako tulungan ay isa nang kasayahan. Baka hindi lang nila nauunawaan na para sa kanila ang aking ginagawa. At ang mga tumulong sa akin ay masuklian ko din naman ng kabutihan. Kaya nagpatuloy ako sa pag-aaral gamit ang binigay na karunungan. Wala man kaming ilaw hindi nagdilim ang aking pagasa. Sa hirap ay pinagkakasya ang isang pritong itlog sa amin magkakapatid at nangunguha na lang ng kabote at talbos ng kamote sa U.P. para may makain. Gumigising ako ng maaga para maglakad papuntang paaralan baon lamang ang isang bote ng tubig. Madalas mag-isa sa eskwela sa gayon hindi mahalata na ako ay wala. Mag-isa ko itong dinala at wala akong madaingan ni mahagkan kahit na mayroon akong mga kaibigan. Sino bang tutulong sa tulad kong aba o sino ang makikinig sa kwento kong madrama, kundi ang Dios na pinaniniwalaan ko na matapos ko lang ang pagsubok na ito, ibibigay Niya ang kasaganaan na hinihingi ko. Kaya kahit na P500 lang ang naibayad ko sa aking pagaaral ay nagpatuloy ako at nagsumikap, ngunit sa likod ng isip ko ang aking plano ay bigla na lang akong mawawala at hihinto sa pag-aaral nang hindi nila namamalayan. Ngunit hindi ko maunawaan, may kalungkutan akong nadarama ngunit para bang hindi malungkot dahil hindi naman ako nawawalan ng pagasa, kaya kahit na alam kong wala naman akong inaasahang pera na ipambabayad sa aking matrikula ay nagpatuloy lang ako sa kung ano lang ang magagawa ko, ang mag-aral at ganapin ang tungkuling ibinigay sa akin. Isang buwan bago matapos ang sem, nang ako ay nakahanda na para tumigil ay isang biyaya ang dumating. Sa pamamagitan ng aking matalik na kaibigan ay naipasok ako sa isang trabaho na naging daan para makapagpatuloy ako sa pag-aaral. Dumating ang tulong sa pagkakataong bibitaw na ako. Hindi ko makakalimutan ang mga taong nagbigay ng kahit pampamasahe lang, ang minsan tulong ay nagiging walang hanggang utang na loob. Iingatan ko ang damdaming ito bilang inspirasyon para makapagtapos. Marami akong nais suklian at tulungan.

Ngunit ang paghihirap ay patuloy lamang maging hanggang sa aking pagtatapos kung saan ang lahat ay nasasabik sa pagdaos. Pinaghahandaan maging ang kanilang kasuotan, samantalang ako, narito, ang sapatos na mula pa elementarya hanggang doon dala dala ng aking mga paa, mga damit galing sa ukay ukay, mga binigay at pinaglumaan ang aking naging kasuotan. At ang ina na ayaw sumama dahil walang pera, walang suporta kung hindi lang napilit ng aking tita. Magtatapos sana akong nag-iisa suot suot ang nakangiti kong maskara.

Kaya naman sa aking pagtatapos ang unang sumagi sa isip ko ay ang magkaroon ng hanapbuhay para yaong mga paghihirap ay hindi na namin maranasan. Ngunit paano maghahanap kung walang panghanap. Ubos na ang natirang pamasahe at lakas ng loob para tanggapin na hindi ako nakapasa. Sinuong ko ang hirap ng pag-aaral ngunit narito, wala parin akong trabaho dahil hindi ako magaling. Anong sumbat na lamang ang uulan sa akin, na yaong mga ginastos para sa akin ay nabalewala, mainam pa sanang ipinangkain na lamang. Ngunit may awa talaga ang Dios nang muntik na akong sumuko doon dumating ang trabaho. Ngunit hindi madali ang naging paghahanap buhay lalo na kung ito ang iyong kahinaan. Nariyan na binubully ako ng aking mga katrabaho, minamaliit at kinukutya ang mga pagkakamali pero kailangan kong magpatuloy dahil sa dala kong pananagutan at hangarin na makita ang aking pamilya na makaranas ng saganang buhay. Umiiyak ako sa pagtatrabaho sa loob ng C.R. dahil hindi ako makasuko, kaya naging sandalan ko ang manalangin sa araw araw na sana maging maayos ang buong gabi ng pagtatrabaho at malayo sa mahihirap na tawag. Tanging ang sarili ko ang kakampi ko, kaya mo yan sarili ko, ang sabi ko. Naging pampagaan ng loob ko ay ang magampanan ang tungkulin ko at makatulong sa mga kaibigan ko. Ngunit sa huli, ako ay bigo. Natanggal at ibinalik pero natanggal parin sa trabaho. Lilitaw at lilitaw na hindi ako magaling.

Ang Dios ay gumagawa sa ikabubuti ng mga nagsisiibig sa Kanya, napagkalooban ako ng trabaho na kinabagayan ko at naging kasangkapan para mas makatulong sa pamilya, sa Iglesia at sa iba. Sa tuwing may pagkakataon na tumulong ay tumutulong ako sapagkat ako man ay tinulungan din ng Dios sa pamamagitan ng ibang tao. Naalala ko nang minsan may nagtanong sa akin kung ano ang trabaho ng aking ama, sagot ko ay wala, anong trabaho ng aking ina, sagot ko ay wala. Kung magkagayon, paano kami nabubuhay. Doon ko mas napagtanto na nabuhuhay kami sa awa ng Dios, na wala man trabaho ang mga magulang ko ay nakakakain kami. Ang naaawa sa dukha ay sa Dios gumagawa. Kaya sinikap ko na ang awa na pinadarama sa akin ng Dios ay laging maisagawa dahil Siya mismo ay naawa at gumagawa para sa akin. Magbigay at huwag hindian ang nangungutang sapagkat tayo man ay tinutulungan din. Dahil sa mga salitang ito hanggat may maitutulong ako ay tumutulong ako kaya madalas nabibigay ko ang lahat at kung minsan ako naman ang nawawalan ng panggastos. Ngunit hindi ako nangangamba dahil may Dios ako, hindi niya ako pababayaan damay na ang aking buong pamilya. Kaya naman sa mga gayong sandali dumarating ang tulong ng Dios. Madalas kasi kapag nagpapautang ako, kinakalimutan ko na sa gayon hindi masakit sa kalooban kapag hindi na maibalik at nagiging biyaya pa kapag isinasauli sa hindi mo inaasahan dahil dumarating sa sandali na walang wala kami. Nanggaling din ako sa wala at alam ko ang pakiramdaman na walang malapitan kaya hindi ko nasa na maranasan din yaon ng iba, ang pakiramdam na nag-iisa at walang mahingan ng tulong. Hindi kasawian palad ang kaawaan kundi isang kapalaran ang kaawaan ng Dios. Ang bilin ko sa aking mga natutulungan ay tumulong din sa iba sa gayon ay lumago ang mabuting gawa. Anong ligaya sa pakiramdam na kami ay maging magkasamasama sa pagtulong sa kapwa.

Ngunit hindi maiiwasan susubukin tayo maging sa gawang masaya mong ginagawa. Dumating ang panahon na may mga natulungan ako na ang ganti pa ay masama. Sinisiraan sa iba at pinag-isipan ng masama, na tinutulungan ko ang aking kapwa dahil mayroon akong pagnanasa. May ilan nagsasalita ng masama kapag hindi natutulungan, inaari akong madamot kapag walang naiabot lalo't minsan akong nakitang kumain sa restau. Animo'y isang karangyaan ang minsan pagkain ng masarap at ang bawat pagbili ng gamit ay tanda ng maraming salapi kawalan ng karapatan tumanggi sa nanghihiram. Ang iba naman ay kinakasangkapan ang aking tulong sa masama na para bang ako pa ang naging dahilan kung sila ay mapapariwara. At silang natulungan, sila pa ang nanumbat na wala akong naipon at naipundar. At bakit nga wala, bakit kaya wala akong naitatabi para sa aking sarili, hindi ba dahil din sa kanila. Hindi sa ako ay nanunumbat dahil ako man ay ayaw masumbatan, ngunit bakit ako binibilangan at hinahanapan? Ginawan ko sila ng mabuti ngunit bakit masama ang kanila ganti? Inakala ko na ang gawin mo sa kapwa mo ang gagawin din nila sa iyo. Ngunit narito, hindi gayon ang nakuha ko. Para saan na lang ang lahat ng paghihirap ko. Maging magulang ko ay niloko ako. Para bang ang naipon ko ganoon lang kadali nabuo. Mas inibig ang ibang tao at binalewala ang paghihirap ko. Wala na nga bang saysay ang lahat ng mga bagay?

Pinagdudahan ko ang aking mga gawa baka gumagawa na ako ng masama. Nasasayang lang ang pagtitiis ko para makatulong sa ibang tao dahil tila walang pinatutunguhan ang pagtulong ko sa kanila. Kaya sa tuwing may humihingi ng tulong ay pinapasok na ako ng duda na baka gamitin nila sa masama, baka ginagamit lang ang malambot kong puso o baka mauwi lang sa wala ang sakripisyo ko. Dahil dito ay humina ako sa pagtulong sa kapwa. Ngunit ang payo ng mangangaral ay magpatuloy sa mabuting paggawa, kung gumawa man ng masama ang tinulungan ay hindi ikaw ang naging masama. Tayo nga ay nilikha sa mabubuting gawa, ito ang landas na inihanda sa atin para lakaran. Kaya dito tayo marapat mabuhay. Makalimutan man natin ang ating sarili sa pagtulong sa kapwa, may Dios na hindi lilimot sa atin. Kung tila baga na parang walang balik ang lahat ng iyong ginagawa, may buhay na walang hanggan na naghihintay sa atin. Nakakapagod ang magtiis, nakakasawa ang magsakripisyo at umintidi sa ibang tao gayon wala naman umiitindi sa iyo. Wala ba ako nararamdaman? Wala ba akong pangangailangan? Ngunit dahil ikaw ay may karunungan, ikaw ang uunawa. Hindi ba mas mainam ang malagay sa umuunawa kaysa sa inuunawa? Kung ang kapalit ng karunungang taglay ay tiisin ang kanilang kalikuan ay aking pagsisikapang panatilihan sa tulong at awa ng Maylika. 

Hanggat mayroong ibinibigay ang Dios ay magpapatuloy ako sa pagtulong. Lokohin man o gamitin man ay ayos lang. Nakatuon ako sa pagtulong dahil gayon na lang ang aking saysay. Hindi man nila ako pahalagaan o iwan man kapag wala nang pakinabang ay hindi parin papipigil na maawa at gumawa. Siraan man nila ang mabuting kong gawa at tingnan ang mali kong nagawa ay hindi ako magsasawa sa aking paggawa. Katangahan man ang umibig sa kapwa, magiging tanga ako, makatulong lang ako hanggang sa huling hininga ko. Hindi ako mayaman para matulungan ang lahat bagkus binigyan ako ng Dios ng pusong mapagmahal para tumulong sa kapwa hanggat makakaya, sa awa at tulong Niya.

-end

No comments:

Post a Comment