NIGHTMARE
presents
A story of a group of friends who ended up blaming each other when one of them commit suicide. They point their finger against one another blaming their friend's death. Guilt consume their hearts creating a trend of suicide.
Is this a psychological trend or a curse of their friend?
SUICIDE TREND
Ang kwentong ito ay kathang isip lamang at naglalaman ng maselang paksa. Anomang bagay na salungat sa inyong paniniwala ay hindi para saktan ang inyong kalooban. Kung may tila naging kahalintulad ng inyong sitwasyon, ito ay nagkataon lamang at walang ibig ipahiwatig ang may akda. Layon lamang nito ay magsaysay ng kwento at magturo. Hanapin natin ang karunungan sa anomang bagay.
-Thursday Night
Isang barkada ng mga kabataan ang nagkatipon sa loob ng Miltihan, lugar kung saan nakakabili ng masarap na milktea. May isang lalaki ang dumating na may ngalan na Lukas ang lumapit sa isang grupo ng mga kabataan.
"Kanina pa ba kayo? Bakit hindi pa kayo umorder?"
"Syempre inaantay ka, wala kaya kaming pangbayad" wika ni Jimmy ang komedyante sa kanila. Nagtawanan ang lahat.
"Ano ba kasi ang mga order nyo?" Tanong ni Racheline. Nangag-usap usap ang lahat.
"Ano ba ang masarap?"
"Basta taro sa akin"
"may nata ba?"
"yung dati parin, yung chocolate"
Sagot ng apat na sina, Jowel, Jimmy, Iraine at Abel.
Sa isip ni Lukas, "ang mga batang ito talaga, makakasama ko ba ang mga ito kung walang ganito?" Napabuntong hininga na lamang si Lukas habang kinakausap ang kaniyang sarili sa isip. "Ang mahalaga ay may matapos kami ngayon para hindi sayang ang oras at pera"
"sinong oorder?" Tanong ni Lukas sa mga ito, sabay labas ng pangbayad.
"Oo na, ako na. Gagamitin nyo na naman ang ganda ko. Samahan mo nga ako Raine" sabi ni Racheline na agad tumayo mula sa kaniyang kinauupuan..
"Ano ba yan" angal ni Iraine na umikot pa ang mata ๐. Tumayo din naman siya at sinabihan pa ni Racheline. "Ano? Ipagkakatiwala mo ako sa mga lalaking yan ๐". Umikot din ang mata ni Racheline sabay irap sa mga lalaking nakaupo na ngumingisi sa kanila.
"Ano ba yan ang tagal umorder" asar ni Jimmy.
"Oo nga" sabat ni Jowel. "oorder na nga lang. Ang dami pang sinasabi" pangasar uli ni Jimmy. Nagtawanan na naman ang tatlong binatilyo.
"Anong sabi mo?!" Hamon ni Racheline kay Jimmy. Ngunit hindi siya sineryoso ng mga ito bagkus inasar pa lalo.
"Anong masarap sa sinabi ko?" "Edi bi-ko" biro ni Jowel. Walang nagawa si Racheline kundi maasar at matawa din. "Tara na nga Ace" paanyaya ng hindi natutuwang si Iraine. Kaya naman umalis sila para umorder ng kanilang inumin.
Samantalang nagkukulitan ang tatlong lalaki, si Jowel, Jimmy at Abel sa mga walang kabuluhang kinatutuwaan ng mga kabinataan ay iniisip naman ni Lukas ang mga sasabihin niya mamaya sa kanilang meeting. Iniisip niya kung paano niya sisimula o kung paano niya gagawing nakakaenganyo ang kaniyang mga sasabihin. Nangangamba kasi siya na dahil siya ay boring ay hindi naman bigyan halaga ang kaniyang sasabihin kahit sa isip niya na may kabuluhan naman ang sasabihin niya para sa gawain ng kanilang samahan na para sa kabataan. Dumating ang dalawang dilag na sina Racheline at Iraine, dala ang order na milktea habang pinag-uusapan ang poging barista sa counter.
"Ayan na ang mga order nyo, nakakahiya naman sa inyo" salubong na bati ni Racheline kasabay ng paglapag niya ng mga milktea. Pagkaupo nilang lahat at pagkakuha ng kanikanilang milktea ay nagpasalamat sila kay Lukas.
"Ayun nakapagmilktea din kahit piso lang ang dala"
"yiee salamat"
"Salamat Lulu-kas"
"salamat mama Lu"
"Ya salamat"
"sige na, sige na ๐คก magmeeting na tayo" pamanhid na sagot ni Lukas para hindi maipahalata na natutuwa siya at napalumanay ang kaniyang isip sa pagiisip ng kung anu ano ang mga maaaring mangyari kapag ganito o ganyan ang kaniyang gagawin.
"May meeting ba?" Sagot agad ni Racheline. "Oo nga, sino ba nagsabi na may meeting?" Dugtong ni Jowel. "Akala ko iinom lang tayo ng milktea" pangasar din ni Jimmy.
"Ang panget niyo naman lahat, magmeeting na nga tayo" sagot ni Lukas.
"Luh! Kung pangit kami paano ka pa" sagot ni Racheline. "Panget mo naman ka bonding" asar din ni Jowel. Umangal naman si Iraine, "uy magsimula na tayo baka hanapin na ako ni mama ang paalam ko saglit lang ako" "ihatid ka na lang namin" sabi sa kanya ni Racheline. "Tara na, start na tayo, para maaga tayo matapos" singit naman ni Abel.
Kabilang sila sa isang non-government youth organization na ang layon ay makatulong sa mga kapwa kabataan. Dahil dito, ilan sa kanila ay naging scholar nito at nakakapag-aral. Si Lukas ang tumatayong chapter leader nila, na nagpatawag ng pagpupulong para pagusapan ang kanilang isasagawang proyekto. Sa kabila na graduate na siya ay nanatili parin siya sa organisasyon para mamuno at maglinang ng isa sa kaniyang mga kaopisyales na papalit sa kaniya. May naisip na si Lukas na gagawin na proyekto ngunit nais niyang makuha ang opinyon ng bawat isa sa naiisip niyang proyekto sapagkat hindi lamang siya ang opisyales ng kanilang chapter kaya dapat lamang ipagbigay alam niya ang kaniyang mga plano sa kaniyang mga kasama.
Magsasalita na sana si Lukas ngunit naunahan siya ni Jimmy. "Iinum lang ba tayo? Hindi ba tayo kakain Wel?" "Oo nga, nakakagutom pa naman ito. Madalas pa naman hindi na ako kumakain pag-uwi ko sa bahay" parinig ni Jowel. "Oo na ๐" sagot ni Lukas na nalalaman ang gustong ipahiwatig nang dalawa. Si Jowel ang napupusuan ni Lukas na papalit sa kaniya bilang chapter leader, kaya naman mas madalas niya itong nakakasama at napagbibigyan sa mga hinihingi nitong pabor.
"Iba talaga kapag malakas" komento ni Abel na kinilabutan sa kilig. "Mukhang magpapakababoy na naman tayo nito Raine" sabi ni Racheline. "Ikaw lang. Wag mo kong dinadamay" sagot sa kaniya ni Iraine. Tumayo sila at lumipat sa Harvey's, isang restaurant na nagtitinda ng burger at fries na madalas din nilang kainan.
Pagkaupo nila ay nagsimulang magkwentuhan si Racheline tungkol sa mga kamag-aral nila at ilan sa mga guro ng kanilang school. May kamag-aral sila na pataba ng pataba, may mag-asawang guro na laging inaaway ng babae ang lalaking asawa at may isang club na nagtatakipan dahil againts sa rules and regulations ng school. Tumayo si Lukas at umorder habang nakikinig sa mga kwento ni Racheline. Pagkatapos umorder ng burger ni Lukas, sinabi niya na hayaan na lamang ang mga taong iyon sapagkat mag-aaral din naman sila ng school at hindi nagkukulang anh school para magpaalala na sinoman lumabag sa patakaran ay maaaring mawalan ng scholarship o ang mas malala ay ang maexpel. Para mailipat sa ibang usapin ay ipinasok ni Lukas ang paksa ng kanilanh meeting, ito ang proposal project niya para sa samahan nila. Balak niyang magkaroon ng feeding program sa mga dako ng informal settlers at kasabay nito ay tuturuan nila ang mga bata patungkol sa karapatan ng kabataan at kanilang pananagutan o tinatawag nilang CRC training ( Convention on the Rights of the Children). "Ano ba yan, ang sasama kaya ng ugali ng mga bata dun. Ibato pa sa atin ang palugaw mo" angal ni Iraine. "Oo nga, dati nga may nag dirty finger pa sa amin ni Raine baka ganunin ka lang ng mga bata dun, iyak ka" dugtong ni Racheline. "Whe? Buti hindi kinagat ni Ireng" asar ni Abel. "Ang sama ng ugali mo ๐" sagot sa kanya ni Raine. "Basta ako makikikain lang ako jan" sabi ni Jimmy. "Ako din" sagot din ni Jowel. Kung ano ano pa ang mga angal nila na nakakatawa. Nagbuntong hininga na lang si Lukas at inisip ang inaasahan sana niyang mangyari.
(Pagkatapos niyang sabihin na ang kaniyang proposal project para sa kanilang samahan ay feeding program para sa mga batang informal settlers, "Ang ganda ng naisip mong proyekto Ya, napakain na natin ang mga bata, matuturuan pa natin sila ng aral patungkol sa tamang pag uugali" komento ni Abel. "Tutulong ako sa mga gastusin at sa pagtuturo" sabi ni Racheline. "Magbibigay ako ng mga delatang pagkain, marami kami sa bahay" mungkahi ni Raine. "Wala akong maseshare jan, tulong na lang ako sa mga gagawin. " Sabi ni Jimmy. "Ako din, tulong na lang ako sa mga gagawin" dugtong ni Jowel. Nakangiting pinagmamasdan ni Lukas ang mga kasama na masayang nakikipagtalastasan sa mabuting nilang gagawin sa kanilang kumunidad. Pinagmamalaki niya sa kaniyang sarili ang kaniyang mga kaibigan dahil dito, kaya lang...)
Pagbalik niya sa realidad. "Eh kung kami na lang ang pakainin mo, e di naging masaya pa kami" sabi ni Racheline. "Oo nga para bumilog pa si Ace" pangasar sa kanya ni Jimmy. "Ang kapal mo!" Sagot naman nito. "Mama, kami ang mga anak mo" sabi ni Iraine. "Pano na si Jowel?" "Craving pa naman ako sa nachos" sagot naman ni Jowel sa nagsabi.
"Basta yan ang pwede natin gawing project" paliwanag ni Lukas na hindi na umasang makakakuha ng magandang tugon, sa halip, nasa isip na lamang niya na siya na lang ang bahala sa lahat at iaasa na lamang niya ang mga maliliit na bagay sa kanila para lang magtagumpay ang proyekto. At nakisama din si Lukas sa asaran nila dahil nabigo siyang makarating sa inaasahan niyang resulta kaya inenjoy na lamang niya ang gabi kasama ang kaniyang mga kaibigan at dinahilan sa sarili na hindi pagsasayang ng oras ang pakikipagkasiyahan sa mga kaibigan, ni sayang ang gastos sapagkat nakapagpasaya siya ng kapwa.
Matapos nilang maubos ang kanilang pagkain ay nagyaya nang umuwi si Iraine, kaya sama sama nilang hinatid ito sa kanila. Inihatid din nila si Racheline sa kanilang tahanan ngunit bago pa yun ay iniwan na sila ni Jimmy para umuwi. Sunod nilang inihatid si Abel at nagtakutan pa sila sa madilim na daan. Muling bumalik sa pinanggalingan nilang dako upang ihatid naman ni Lukas si Jowel sa kanila habang nagsasaysay ng kaniyang mga kwento ng kaniyang buhay. Pagkatapos maihatid si Jowel ay naglakad na pauwi si Lukas.
Nakasalubong niya ang isa niyang kaibigan na si Lalou. Si Lalou ay ang nauna niyang naging kalapit ng loob nang siya ay sa nag-aaral pa ngunit simula ng makilala niya ang grupo nila Jowel na bagong hanay ng officers ay malimit na silang mag usap ni Lalou.
"Lou! Kamusta ka na?" Pagbati ni Lukas kay Lalou. "Okay naman, akala ko hindi mo ako babatiin" sagot sa kaniya ni Lalou. "Pwede ba yun." Tugon ni Lukas.
"Saan ka naman galing niyan?" Tanong ni Lalou sa kaniya. "Hinatid ko si Jowel sa bahay nila, nagmeeting kasi kami kanina" "ano ba yan, puro na lang Jowel. Tuwing nagkikita tayo, puro na lang Jowel. Umamin ka nga, may gusto ka ba kay Jowel" angal ni Lalou. Hindi naman naintindihan ni Lukas ang pinanggagalingan ni Lalou. "Huh? Pero sinasagot ko lang naman ang tanong mo. Tas wala akong gusto dun. Mahal ko yung bata pero hindi sa level ng pagkagusto na sinasabi mo" pagliwanag ni Lukas. "Wala lang, iba kasi napapansin ko. Simula nang makilala mo ang grupo nila Racheline, umiiwas ka na sa akin" pagtatampo ni Lalou. "Hindi naman sa ganun, mga kaofficer ko kasi sila kaya siguro sila ang madalas kong kasama. Minsan labas din tayo nila Jowel." Paanyaya ni Lukas. "Tamo yan, si Jowel na naman ang bukang bibig mo. Hindi ba pwedeng walang Jowel." "Ay hahaha, eh kasi dati din tayong magkakasama noon bago pa naging officer si Jowel so akala ko pwede tayong lumabas gaya noon" pagdadahilan ni Lukas. "Hayaan mo na Lukas, hindi na ako interesado. Ayaw ko naman na pinipilit ang isang tao sa akin. Kung sila ang gusto mong makasama. Ayos lang sa akin." sagot sa kaniya ni Lalou. Hindi naunawaan ni Lukas si Lalou. "Sige na, umuwi ka na. Baka abutin ka pa ng dilim. Maglalakad ka pa. Hindi ka man lang hinatid ng mga nilibre mo" sabi pa ni Lalou. "Ano kasi.." "huwag mo nang ipagtanggol, kahit paano man lang. Nilibre mo sila sana man lang hinatid ka pauwi. O sige na, may gagawin pa ako." Paalam ni Lalou sabay hawak sa balikat ni Lukas at bumulong "masaya ka naman ba sa kanila? well, pinili mo sila diba. Dapat masaya ka". Naiwan si Lukas na nagtataka na lang.
Iniwan nga ni Lalou si Lukas na nagugulumihanan. Kaya nalulungkot ito sapagkat naparamdam niya kay Lalou na wala siyang halaga. Ngunit sa kaniyang kalooban ay pinahahalagahan niya ito. Ang pagiging malambing at maalalahanin ni Lalou ang hinahanaphanap niya. Kahit na madalas maingay ang bibig ni Lalou ay maalaga naman ito.
Gaya ni Lukas ay walang kasakasamang kaibigan si Lalou. Iniiwasan siya ng mga estudyante dahil sa mga kumakalat na balita na masamang tao si Lalou at binabalot daw siya ng kadiliman. Ang iba naman dahil daw sa hindi magandang pag uugali ito at hindi marunong makibagay sa kapwa. Napapabalita pa na siya ay mangkukulam kaya siya madalas mag isa. Maraming mga kung ano anong balita kay Lalou at mga haka haka kung bakit siya madalas nag iisa. Ngunit walang malay si Lukas sa mga usap usapang ito kaya nang sila ay naging magkagrupo sa isang school project kasama si Jowel ay naging magkalapit sila ng loob. Madalas sila nagkakakwentuhan sa chat at magkadikit pagnagkikitakita. Hindi pa magkalapat ng loob si Lukas at Jowel nito sapagkat hindi pa niya nakikitaan ng potensyal para maging kapalit niya bilang presidente kaya ang naging una niyang naging kaibigan nang malipat siya sa school na iyon ay si Lalou. Halos sabay na sila pumasok sa school at nagkikita tuwing lunch break kahit magkaiba sila ng level at section. Masayang masaya si Lalou na sa wakas ay nagkaroon siya kahit isang malapit na kaibigan. Ngunit nang magkaroon ng bagong hanay ng officers ang youth organization na pinamumunuan ni Lukas ay natigil ang pag uusap nila ni Lalou at natuon ang kaniyang atensyon sa mga ito. Nawalan siya ng oras kay Lalou at naging masaya kasama ang bago niyang kabarkada. Naiwan muling nag iisa si Lalou. Ngunit inuunawa ni Lalou si Lukas kahit na may pagtatampo siya sa kaniyang puso. Sapagkat hindi naman niya maaaring pigilan si Lukas na makipagkaibigan sa iba kahit na ang mayroon lamang siya ay si Lukas at siya ang unang naging kaibigan nito.
Nakauwi sa kanilang tahanan si Lukas matapos maihatid ang mga kaibigan na pagod at gutom. Naabutan niyang lasing ang kaniyang ina na nagwawala sa labas ng kanilang tahanan at inaaway ang kanilang kapitbahay. Halos ganito palagi ang nangyayari sa kanilang tahanan kaya naman walang kibong pumasok ng tahanan si Lukas at umakyat sa kaniyang silid sa gayon makaiwas siya sa masamang epekto ng kaguluhang iyon. Gustuhin man niyang makialam sa kaguluhan alang alang sa kaniyang ina ay matutulad lang din ito sa mga nakaraan na pangyayari. Iinit lang ang ulo niya at sa huli siya naman ang aawayin ng kaniyang ina kahit madalas ito naman ang mali, kaya nasanay na lamang si Lukas na magwalang kibo para hindi gayon kalala ang epekto sa kaniyang kalooban ang ganitong negativing pangyayari. Matapos ang isang nakakaaliw na pagsasama nilang magkakaibigan ay babalik siya sa tunay niyang dako: sa isang tahanan na hindi talaga isang tahanan. Pinatitigas na lamang niya ang kaniyang puso at inihihiwalay ang kaniyang mundo sa kasalakuyang mundo sa tuwing nakakapasok siya sa kaniyang silid. Wala din makakakain sa dulang sa kabila na nagbibigay siya ng gastusin sa kaniyang ina sapagkat hindi malimit na magamit ng kaniyang ina ito sa inuman. Kaya naman inihanda na lamang niya ang kaniyang tutulugan upang magpahinga at idaan sa tulog ang nadarama niyang gutom at pagod. Nagchat naman sa kaniya si Jowel na kinakamusta ang pinapagawa niyang feasibility study dahil kailangan nang maipasa ang unang bahagi nito. Sasaya na sana si Lukas dahil magbabago muli ang mood ng kaniyang mundo ngunit dahil ang pangangamusta pala ay dahil sa may kailangan ay lumipat sa pagiging work mode ang kaniyang mood.
"Pambihira ka, ang haba ng oras natin kanina bakit hindi mo sinabi agad. Sana yun na lang ang ginawa natin" chat ni Lukas sa kanya. "Nakalimutan ko nga diba" sagot sa kaniya nito. "Sige na, send ko sayo later yung first part. Magpapakapuyat ako para sayo". Sapagkat nauunawaan ni Lukas na wala naman magagawa ang pakikipagdiskusyon kung bakit hindi niya naalala ito o kung pinapahalagahan niya ba ito, ay minabuti na lamang niya na isagawa ang feasibility study agad kahit nagkakagulo sa labas ng kanilang tahanan dahil sa pagwawala ng kaniyang lasing na ina. Hindi rin naman tama na magpakandili sa mas bata sa kaniya kapag nakakaramdam siya ng ganitong kalungkutan kaya naman ang feasibility study ang naging daan niya para makaiwas ang kaniyang isip sa pagtuon sa kaniyang sariling kalagayan.
- Friday
Hating gabi na natapos si Lukas sa paggawa ng unang bahagi ng feasibility study ni Jowel at sa wakas nakatulog na sa kalasingan ang kaniyang ina, kaya nahiga agad siya upang magpahinga sapagkat maaga pa ang kaniyang pasok sa trabaho. Maya maya ay tila nanlamig ang buo niyang katawan at hindi siya makagalaw. Bumibigat ang kaniyang dibdib at pakiramdam niya ay tila may nakamasid sa kaniyang paligid. Tanging mga mata niya lang ang kaniyang naikikilos at tumintingin siya sa buong palibot na may kaba at takot. Hindi niya maintindihan kung ano ang nangyayari, pakiramdam niya ay tulog siya ngunit hindi pa siya tulog. Pagtingin niya sa ibabaw ng kaniyang dibdib ay may isang maitim na nilalang ang nakaupo sa kaniyang dibdib. Hindi siya makasigaw o makabangon man lang kahit umaapaw na ang kaniyang takot sa dibdib. Tanging paglaki ng kaniyang mga mata ang kaniyang nagawa na halos maluwaluwa dahil sa halo halong takot, pangamba at pagmamadali na makatakas sa hindi kapanipaniwalang kaganapan ng kaniyang buhay. Pilit siyang pumipiglas upang makabalik sa pagkilos ang kaniyang katawan ngunit wala siyang maramdaman kundi para siyang natatali sa kung anoman. Nang unti unting lumalapit ang madilim na pagmumukha ng nakakatakot na nilalang ay bigla na lang siyang nakabangon na para bang kagagaling niya lang sa isang bangungot ngunit alam niyang hindi siya tulog sa mga oras na yaon kundi gising na gising ang kaniyang diwa. Hindi tuloy niya alam kung itutuloy ba niya ang kaniyang pagtulog o hindi, sapagkat nararamdam parin niya ang pakiramdam ng pagmamanhid ng kaniyang katawan habang gising ang kaniyang diwa. Dumapa na lamang siya upang manalangin muli hanggang sa nakaiglip siya sa pagod.
Maagang pumasok si Lukas sa kanilang opisina upang maipagpatuloy ang ginagawa niyang feasibility study para kay Jowel. Naabutan siya ng kaniyang katrabaho na madaming papeles at seryosong nakaharap sa computer. "Ang alam ko paperless ang trabaho natin pero bakit ang daming tambak na papel sa desk mo?" Tanong nito sa kaniya. "May ginagawa po akong feasibility study eh" "oh? Nag aaral ka?" "Hindi po Kuya Theo, sa kaibigan ko po ito. Tinutulungan ko po siyang gumawa." Sagot ni Lukas. "Hindi sa nakikialam ako ha, ikaw naman yan eh. Pero hindi matututo yang kaibigan mo kung ikaw ang gagawa niyan. Turuan mo kung paano gawin huwag yung ikaw mismo ang gagawa. Pero pag tapos mo diyan gawin mo rin yung sa anak ko" sabay tawa nito sa kaniya. Naunawaan naman ni Lukas ang punto ng kaniyang katrabaho, pero ginagamit kasi niya ang pagka busy niya sa paggawa ng feasibility study para matuon ang kaniyang atensyon doon at hindi sa kalagayan ng kaniyang buhay. Sa gayon paraan ay makakatakas siya sa matinding kalungkutan.
Ibinalita din ng kaniyang katrabaho na mapapalitan na ang kanilang manager, dito ay kinabahan ng husto si Lukas dahil ang manager na papalit ay isang malaking lalaki na puno ng tattoo sa katawan at may intimidating na aura na kaniyang kinakatakutan ng husto. Dahil dito ay huminto siya sa paggawa ng feasibility study at natuon ang kaniyang pagiisip kung papaano niya haharapin ang pagbabagong ito.
Kalahating araw na ang lumipas, hindi parin mapalagay si Lukas sa kaniyang nalaman. Lalo pa nang makita niya na may schedule siya na pakikipagusap sa bago niyang manager. Napansin naman si Kuya Theo na bumubulong bulong si Lukas na may schedule meeting siya sa bago nilang manager na katropa niya. Kaya inasar pa niya ang kinakabahan na Lukas. "Alam mo ba na ang first meeting sa bago natin manager ay sa loob ng room. Tas kakausapin ka niya ng masinsinan." Mas lalong nataranta ang kalooban ni Lukas na para bang gusto na niyang tumakbo pauuwi. Hindi pa siya nakakahinga mula sa pakiramdam na ito nang makita niya ang bago niyang manager na dumaan sa kanilang harapan at tinawag pa ni Kuya Theo para lumapit. Parang gumuho ang mundo ni Lukas sa takot. Ang ingay ng kaniyang paligid ay natabunan ng tibok ng kaniyang puso. Naalaala niya ang takot na naramdaman niya noon siya ay bata pa. Nang maabuso ang kaniyang kamusmusan ng mas nakatatandang lalaki. Ito ang naging dahilan kung bakit takot siya sa mga lalaking mas nakakatanda sa kaniya o mas malakinsa kaniya. Pakiramdam niya ay hindi mapagkakatiwalaan ang mga ito at gagawan lamang siya ng masama.
"P si Lukas pala" pakilala ni Kuya Theo kay Lukas na hindi man lang niya napansin na namumutla na sa takot. "Kilala ko siya, naririnig ko ang pangalan niya sa mga ibang boss. Nice to meet you Lukas". Parang tunog ng kampana ang mga salita ng mga tao sa paligid ni Lukas at napansin na lamang niya na nakaunat ang kamay ni Patrick na kaniyang manager sa kaniya para sa goose bump. Sa taranta ni Lukas ay nakipag apir siya sa kamao ni Patrick. Agad naman nakipag-usap si Lukas sa tumatawag sa kaniya sa telepono para maputol ang connection niya sa kaniyang manager. Ngunit tumambay pa ito sa tabi niya dahil nakipag-usap pa ito kay Kuya Theo na pinagmamalaki si Lukas dito. Hindi maunawaan ni Lukas ang pinag-uusapan nila pero natutuwa sila habang siya ay nalulunod na sa kaba at ang nasa isip lamang ay ang matapos ang pakikipagusap sa tumawag sa kaniya sa telepono at makatakas sa dakong yaon, malayo sa kaniyang manager. Dahil pinagmamalaki siya ni Kuya Theo sa kanilang bagong manager na sa Patrick ay natutuwa ito sa kaniya. Kaya naman tinapik si Lukas sa balikat ni Patrick. Parang kuryente dumalay sa buong katawan ni Lukas na nagpahina at pangamba sa kaniyang buong katawan. Gusto na ni Lukas na matunaw sa kaniyang kinauupuan. Gusto niyang tumakas palayo pero hindi siya makagalaw. Nais niyang sumigaw at humingi ng tulong ngunit sa anong bagay siya tutulungan. Walang ginagawang masama sa kaniya ang kaniyang manager kundi may mali lamang sa kaniyang nararamdaman. Hindi niya alam ang kaniyang ginagawa kaya nang matapos ang pakikipagusap niya sa telepono ay agad siyang lumabas at nagkulong sa cubicle ng C.R. Doon siya nagpahinahon.
Matapos ang walong oras na pagtatrabaho na tila isang mahabang panahon para kay Lukas dahil sa matinding pinagdaanan niya emotionally ay umuwi na siya agad para makapagpahinga at magsara ng pinto ng kaniyang mundo dahil naubos ang kaniyang lakas sa malaking pagbabago sa kaniyang trabaho. Ngunit muli niyang inabutan ang kaniyang ina na nakikipagtalo ngunit sa kaniyang kapatid naman. Nagsusumbatan ng mga tulong nila sa isa't isa ang mag-ina dahil naghahanap ng pera ang kaniyang ina para makapagbayad sa mga pinagkakautangan dahil nabaon na sa utang sa pakikipaginuman. Sa gulo ng sitwasyon ay hindi na lang kumain si Lukas at humiga na lamang uli sa kaniyang higaan. Natuwa naman ito nang biglang nagchat si Jowel upang kamustahin ang pinapagawa niyang feasibility study. Para bang nahiwalay ang kaniyang mundo sa magulo nilang tahanan at nasanib sa mundo ni Jowel. Inanyayahan din ni Jowel si Lukas na pumunta sa kanilang tahanan para magpaturo sa ginawa niya sa gayon maipaliwanag niya ito kapag siya ay tinanong ng kaniyang guro patungkol dito.
"Chat na lang kita bukas kung anong oras basta umaga para madami tayong magawa"
Agad naman pumayag si Lukas at humingi ng masayang selfie sa kaibigan para ganahan siya sa pagtulong. Hindi man komportable si Jowel sa hinihingi ni Lukas ay nagpadala ito ng kaniyang selfie alang alang sa pinapagawa niyang selfie. Nangiti naman si Lukas, animo'y nakuha niya ang saya ng kaibigan sa pamamagitan ng masayang selfie nito at nakalimutan ang lahat ng kaniyang pinagdaanan sa buong araw. Kaya naman magaan na nakatulog ito kahit hindi pa kumakain at sa labas ng kaniyang silid ay nagtatalo parin ang kaniyang kapatid at ina dahil sa usapin sa pera.
- Saturday
Kinaumagahan ay hindi parin natapos ang bangayan ng kaniyang ina at kapatid. Sinisingil kasi ng kaniyang ina ang kaniyang kapatid na nangako na ibabalik agad ang hiniram nitong pera kaya naman bawat kilos ng kaniyang kapatid ay binubungangaan ito ng kaniyang ina, komo may asawa na ito ngunit sa kanila parin nakikikain at kumukuha ng gamit. Humihiram ng mga kasangkapan sa bahay ngunit hindi marunong magsauli at sa kabila na sumasahod ay hindi nagbibigay ng pera sa kaniya. Kaya naman matapos maligo ni Lukas at uminom ng kape ay dumiretso siya agad sa bahay ni Jowel kahit hindi pa nag aalmusal para maaga niyang matapos ang dapat nilang gawin at makasama ng mahaba haba ang kaniyang kaibigan para sumaya saya naman ang kaniyang araw. Ngunit masyadong maaga ang 8am para kay Jowel at mayroon din itong inaasikaso sa kanilang tahanan. Kaya naman nang magchat si Lukas kay Jowel na nasa labas na ito ng kanilang bahay ay nainis si Jowel sa kaniya sapagkat napakaaga nito at hindi nakinig sa kaniya na antayin siyang magchat bago pumunta. Nasaktan si Lukas sa sagot nito kaya malungkot siyang sumagot sa chat na "edi uwi na lang muna ako" na lalong nagpainis sa natatarantang si Jowel. "Ang drama mo naman. Wala naman akong sinabi na umuwi ka" sa salitang 'ang drama mo' ay natrigger si Lukas at nainis sapagkat tila nakalimutan ng bata na mas matanda sa kaniya ang kaniyang kausap at siya ang nanghihingi ng tulong. Napapaisip si Lukas na mali na ang pagiging maluwag niya sa kaniyang kaibigan ngunit kung pupunahin pa niya ito ay mag-aaway lamang sila at wala silang matatapos. Kaya naman mas pinili na lang niyang balewalain ang tila pagbastos sa kaniya ng kaibigan lalo't may pagkakamali din siya na pumunta siya ng maaga na walang paalam. Inakala niya na matutuwa ang kaibigan dahil mas maaga silang matatapos ngunit tila siya lamang ang makikinabang dahil sa kaniya lamang ang maalwan kung maaga sila matapos sa kanilang gagawin sapagkat magkakaroon siya ng oras para makipagkwentuhan dito. Pinapasok na rin si Lukas ni Jowel sa kanilang tahanan matapos ang higit isang oras na paghihintay, kaya maging ang inis niya kay Jowel ay lumipas na. Parang singaw na natunaw ang inis ni Lukas nang magsimulang mangamusta at mangasar ang kaibigan na si Jowel pagpasok niya sa bahay. At gaya ng isang bata sa halip na magsimula sa dapat gawin, si Jowel ay nagsimulang mangulit na sa isip na Lukas na dapat gawin pagkatapos ng kanilang gagawin. Gayon nagkakainisan at nagkakaayos ang dalawang magkaibigan.
Bago nila sinimulan pag aralan ang ginawang feasibility study ni Lukas ay nagrequest muna si Jowel na umorder ng pizza at milktea para naman habang nag aaral sila ay parating na ang kanilang makakain at ganahan siyang mag aral. Muling pinagbigyan ni Lukas ang paborito niyang officer para naman ganahan mag aral at makinig sa kaniyang itinuturo. Gaya ng isang bata kung turuan si Jowel, ayaw ng paulit ulit kahit hindi pa naman niya lubos na nauunawaan ang itinuturo. Kaya kapag siya na ang nagpapaliwanag ng feasibility study ayon sa itinuro sa kaniya ni Lukas ay ligwak sa mga makikinig dahil kung saan saan patungo ang kaniyang paliwanag. Ngunit ang dahilan ni Jowel ay hindi naman siya tatanungin ng mahirap na tanong ng kaniyang guro dahil senior high school pa lang naman sila. Subalit nais ni Lukas na may matutunan si Jowel sa kaniya para kung dumating ang panahon na wala na siya para tumulong ay kaya na nitong gumawa mag-isa at magpaliwanag ng sarili niyang research. Nagpapaliwanag pa si Lukas nang dumating ang nagdedeliver ng pizza at milktea kaya ang malaking bata na kaniyang tinuturuan ay biglang ginanahan at muling kumulit dahil nariyan na ang kaniyang inaabangan na pagkain. Nagyayang kumain agad si Jowel pagdating ng pizza at walang tutol si Lukas sapagkat hindi parin siya kumakain.
Napag usapan naman nila ang patungkol sa kanila ni Raven. Naipaalam na ni Jowel sa kaniyang mga magulang na ang babaeng nagugustuhan niya ay ang kaniyang kaibigan na si Raven. Ayos lang naman sa kaniyang mga magulang kahit sinong babae, si Jowel naman ang makikisama dito. Ang gusto lamang ng kaniyang mga magulang ay mabait na babae na hindi naman mahihirapan si Jowel na pakisamahan. Ang alalahanin lamang ng kaniyang ina na baka maldita si Racheline gaya ng kaniyang kaibigan na si Iraine, baka sigaw sigawan lang siya nito kapag sila ay magsama na. Samantala ang mungkahi naman ng kaniyang ama na ipaalam ito sa kanilang organisasyon para naman wala silang itinatago at maging maayos ang lahat. May mga patakaran kasi sa grupo ng kabataan na sinalihan nila. Bilang isang ehemplo ng kabataan, ang pakikipagkasintahan ay mayroon proseso para maiwasan ang isa sa malaking problema ng mga kabataan ngayon, ang early pregnancy. Dahil sa bugso ng damdamin at sa kamusmusan ng mga kabataan ay madalas ay padalosdalos sila sa pagdedesisyon kaya nakakapag-asawa ng hindi pa nakahanda. Ang youth organization na sinalihan nilang magbabarkada ay tumutugon sa mga suliranin ng mga kabataan kaya malaking bagay kubg ang mismong opisyales nito ang hindi tutugon sa layunin nito.
Natatawa naman si Lukas sa kwento ni Jowel na parang bata. Tiwala naman siya sa kaniyang kaibigan na si Racheline na hindi naman niya mamalditahan si Jowel kahit na mas angat ito sa halos lahat ng mga bagay. Sinabi pa ni Jowel na balak niyang supresahin si Racheline sa pagpapaalam nito na alam na ng kaniyang pamilya ang namamagitan sa kanila at boto ito sa kaniya. Masaya naman si Lukas sa nalaman, ang kaniyang alalahanin ay kung paano ito ipapaalam sa kanilang organisasyon. Bawal kasi magkaroon ng relasyon ang dalawang officers. Kung malaman ito ng samahan ay maaalis ang dalawa sa pagiging officer, maiiwan na naman si Lukas bilang presidente at ang pinaghirapan niyang linangin na si Jowel bilang kapalit niya sa pagiging presidente ay mababalewala at kailangan na naman niyang maghanap na magiging kapalit niya. Sa madaling salita, mauuwi sa wala ang pinaghirapan niyang pagtuturo dito. Kaya naman iniisip niyang itago na lamang ito, hindi pa naman opisyal na naging sila kundi nagkaaminan lamang sila ng nararamdaman. Hindi pa naman nanliligaw si Jowel. Ito ang mga dahilan sa isip ni Lukas para patigilin ang kaniyang budhi sa pangamba na para bang may tinatago siya sa samahan at kinukunsinte ang dalawang kaibigan. Ayaw rin naman niyang magkagalit galit sila at mas lalong ayaw niyang malungkot si Jowel kapag pinaghiwalay sila. Ayaw din ni Lukas na iwan ni Racheline ang pagiging officer niya na una niyang minahal bago si Jowel. Naiipit si Lukas sa kung ano ang dapat niyang gawin, para bang mas magaan ang takasan na lamang ito ngunit sa huli, siya parin ang may pananagutan dahil nasasakupan niya ang dalawa bilang kaniyang officers. Tatayo ba siya bilang presidente nila sa samahan at ipagpapaalam ang kanilang kalagayan o bilang isang kaibigan na sumusuporta kung saan sila masaya?
Pagkatapos nilang kumain ay bumalik sa pagtuturo si Lukas at sinimulang gawin ang iba pang bahagi ng feasibility study. Habang ginagawa niya ito ay dumating ang ina ni Jowel para magluto ng kanilang tanghalian. Nahahati ang isip ni Lukas sapagkat nakukumpara niya ang kapalaran na mayroon ang kaniyang kaibigan sa kaniyang sariling buhay. Mapalad si Jowel na mayroon mga magulang na mapagmahal at sumusuporta sa kaniya. Pinag aaral na siya at sinusuportahan pa siya sa mga sinasalihan niyang samahan gaya ng youth organization at sports club na kinabibilangan niya. Tila hindi rin nagkakagulo madalas sa kanilang bahay at madalas palabiro ang ama ni Jowel. Maayos din ang kanilang buhay ay walang suliranin sa pera dahil mapagsumikap at masipag ang kaniyang mga magulang. Mayroon pa siyang Raven na nagmamahal at kaibigan na gaya niya na handang tumulong sa kaniya anomang oras. Samantalang si Lukas, hindi niya alam kung handa din ba ang mga kaibigan niyang ito na tulungan siya kung mangailangan siya. Kaya naman bumaba ang mood ni Lukas at unuwi na lang pagkatapos nilang magtanghalian.
Pagdating ni Lukas sa kanilang tahanan ay naabutan niya ang kaniyang ina at kapatid na kumakain. Hindi na ito nag aaway bagkus nagkukwentuhan na lang. Sa wakas payapa ang bahay nila at matiwasay siyang makakapagpahinga. Napag usapan ng kaniyang ina at kapatid ang nangyayari sa kanilang kapitbahay, na bigla daw itong naging parang baliw. Gumigising daw ito ng maaga para mag alay sa katapat nilang poste ng pagkain. Tila sinasamba nito ang poste sa kanilang harapan. At ang anak ng kanilang kapitbahay ay bigla bigla na lang nagwawala pagka gumigising na tila binabangungot dahil nagsisisigaw at humihingi ng tulong sapagkat ang kaniyang ina ay kukunin daw ng maitim na lalaki na nakatira sa poste. Sinidlan ng takot si Lukas sa kaniyang puso nang marinig ito. Sapagkat gayon din ang nakita niyang nakaupo sa kaniyang dibdib. Isang lalaking anino na may maputing mata. Napagtanto niya na may masamang espiritu ang naninirahan sa poste na nasa harapan ng kanilang bahay. Pilit niyang pinapakalma ang kaniyang sarili sa takot na baka mapansin ng masamang espiritu na natatakot siya. Kaya sinabi na lang niya, "huwag niyo na lang pansinin iyon. Kaya dapat nagdadasal kayo. Lagi kasi kayong nag aaway kaya ayan tuloy. Baka mamayo kayo naman maging ganyan. Kaya huwag na kayong mag away" hindi naman siya pinakinggan at tuloy tuloy lang kwento ng kaniyang patungkol sa kanilang kapitbahay. Umakyat na lamang sa kaniyang silid si Lukas sa gayon hindi na lang niya marinig ang pinag uusapan nila sapagkat nakakakilabot at nakakalungkot isipin ang nagyayari sa kanilang kapitbahay bahay na ngayon ay sumasamba sa poste. Nakakapangamba din ang nangyayari sa anak nito na nagsasabing kukuning ang kaniyang ina. Pero ang mga ganitong bagay na hindi mapaliwanag ay hindi na lang binigyan pansin ni Lukas. Maraming bagay ang dapat niyang pag isipan gaya ng feasibility study ni Jowel, ang pagkakamabutihan nila ni Racheline, ang bago niyang manager sa trabaho at kung ano ano pa sa kanilang bahay.
Nagkausap naman sa chat si Lukas at Racheline. Madalas kinukwento ni Lukas kay Racheline ang mga nangyayari sa kaniya sa araw araw at gayon din naman si Racheline ay madalas nagkukwento ng mga buhay buhay din ng iba kay Lukas. Naipaalam ni Racheline na nasabi na niya sa kaniyang pamilya sa pagtatapat ni Jowel ng kaniyang nararamdaman. Natatawa pa itong ibinalita kay Lukas na ang unang naging komento nila ay kung hindi ba nagselos si Lukas sa nangyari. Nagtataka naman si Lukas sa naging komento lalo na isa siya sa sumusuporta sa kaibigan patungkol sa kanilang pag-iibigan. Ngunit inisip na lamang ni Lukas na hindi niya kailangan magpaliwanag sapagkat hindi naman nila alam ang mga ginagawa niya para sa dalawa niyang kaibigan bagkus nalulungkot siya na ganyon na lamang ang pagtingin sa kaniya ng pamilya ni Racheline. Tila mali ang naipapakita ng pagiging malapit ni Lukas kay Jowel sa mga nakakakita kaya iniisip niya kung magpakalayolayo muna siya para mapigilan ang maling isipin sa kanila. Habang pinag-iisip ito ni Lukas ay nasabi niya kay Racheline na masayang malaman na tanggap nila si Jowel, sa katunayan, isusurpresa sana siya ni Jowel patungkol doon. Naipagpaalam na kasi ni Jowel ang patungkol sa kanila sa kaniyang pamilya at boto ito kay Jowel. Ngunit nagalit si Racheline sa nalaman, sapagkat nangangahulugan na alam na pala ng kaniyang pamilya at siya lang ang hindi nakakaalam sa nangyayari. Naging parang tanga siya sa harap ng kaniyang pamilya. Naglalabas ng sama ng loob si Racheline kay Lukas dahil sa pagkadismaya na para siyang inalisan ng pagkakataon na magsabi nito sa kaniyang pamilya. Nagkamali si Lukas sa pag aakala na matutuwa si Racheline kapag nalaman niya na gusto siyang isurpresa kaya lang hindi na mangyayari dahil ipinaalam na niya sa kaniyang pamilya. Patuloy lamang sa pgakadismaya si Racheline sa chat sapagkat ayaw niyang pinangungunahan siya. Dahil sa mga sunod sunod na chat ng pagkadismaya ni Racheline ay hindi makapagpaliwanag si Lukas kaya nagsabi na lamang siya na "so ano yan friendship over na" ngunit iba ang naging dating kay Racheline ng pagkasabi ni Lukas sa chat. Nasanay si Lukas na makipagbiruan kay Racheline kaya inakala niya na titigil ito sa gayong salita ngunit sa halip ay mas madami pang sinabi si Racheline. Na nadidismaya siya sa kanila dahil sa ginawa nila ngunit hindi nakikipag friendship over. Nadidismaya din si Lukas dahil hindi dapat sa kaniya madismaya si Racheline dahil ang may plano nito ay si Jowel ngunit tila ang init ng ulo ni Racheline ay sa kaniya nababato. Kaya naman ay hindi na niya nireplyan si Racheline para maawat na ang kanilang pag uusap at baka mauwi pa lalo sa hindi pagkakaunawaan. Natulog na lamang si Lukas at umasa na malamig na ang ulo ng kaibigan kinabukasan.
-Sunday
Kinaumagahan, pagkagising ni Lukas ay may hindi siya maunawaan nararamdaman sa loob niya. Para bang may mabigat sa kaniyang dibdib ngunit nakakahinga naman siya ng maluwag. Para bang naging bato ang kaniyang baga at may kakaiba sa nararamdaman niya sa loob. Para bang ang paligid ng kaniyang baga ay naging bato ngunit sa loob ay walang laman. Para bang ang kaloonlooban ng kaniyang dibdib ay lumawak ngunit gaya ng kawalan. Mabigat sa pakiramdam pero magaan ang loob dahil walang laman. Ang buong paligid ay parang nagdadalmahati at tanging kalumbayan lang ang nasasagap niya dito. Hindi na lang pinansin ni Lukas ang kaniyang nararamdaman kaya bumangon na lamang siya para simulan ang panibago niyang araw. Mapayapa naman ang simula ng kaniyang araw sapagkat walang nag aaway ngunit kakaiba ang kapayapaan na nadarama niya. Para bang kapayaan matapos ang isang malaking digmaan at katahimakan matapos ang isang sakuna. Maya maya ang nakatanggap siya ng mensahe mula sa kaniyang kaibigan na nagpapagaan ng kaniyang loob. Nagchat si Jowel ngunit hindi para mangamusta kundi dahil nabalitaan niya ang pag aaway nila ni Racheline. Na sa simpleng away ay handang makipag friendship over si Lukas. Magpaliwanag si Lukas na biro lamang iyon para tumigil sa kadadada ni Racheline. Ngunit hindi ikinatuwa ni Jowel ang dahilan ni Lukas na para sa kaniya ay isang biro ang pagpuputol ng pakikipagkaibigan. Ngunit sa isip ni Lukas ay kay Racheline din niya nagaya ang FO na biro. Sinabi pa ni Jowel na ayusin nila ang hindi nila pagkakaunawaan at pinagsabihan si Lukas na hindi nakakatuwa ang naging reaksyon niya. Nainis naman dito si Lukas at sinabi sa kaibigan kung bakit nag init si Racheline. Dahil sa nalaman niya ang surpresa ni Jowel. Kung dun siya nag init bakit kay Lukas siya maiinis hindi ba dapat kay Jowel na may plano ng surpresa na iyon. Ibinalita lamang niya kung ano sana ang magiging surpresa ni Jowel na para sa kaniya ay nakakakilig ngunit hindi gayon para kay Raven. Nagtampo si Lukas sapagkat hindi man lang hiningi ni Jowel ang kaniyang paliwanag at agad kinampihan si Raven at si Lukas ang lumalabas na nakipag away samantalang si Racheline ang unang nagalit. Si Lukas ang unang naging kaibigan ni Jowel bago si Racheline, at siya rin ang sumusuporta sa pag ibig niya kay Racheline ngunit narito, mas pinapanigan niya si Racheline na hindi man lang pinapakinggan siya. Sa inis ni Lukas ay umalis siya sa group chat nila na mas lalong hindi ikinatuwa ni Jowel. Nainis si Jowel sa pagdaramdan ni Lukas na maaari ikainis ni Raven at pagsimulan ng kanilang away. Ikatampo pa ito ni Lukas na mas iniisip ng kaibigan ang magiging epekto sa relasyon nila ni Raven kasa sa pagkakaibigan nila. Kinonsensya ni Jowel si Lukas na dahil umalis siya sa group chat ay may mas pagkakataon siya ligawan si Raven kahit na bawal ito sa organisyasyon nila. Sinabi pa ni Jowel na kaya nga siya nasa group chat ay para magbantay sa kanila sa gayon may pupuna sa kaniya kung lumalagoas na siya sa nararapat. Nakonsensya naman si Lukas at bumalik sa group chat at nangako na makikipag usap kay Racheline. Gayon pa man ay nagtatampo pa rin ito kay Jowel, "tse, wala na akong pake sayo" ika ni Lukas. Sinagot naman siya ni Jowel ng "basta sa feasib may pake ka" at hindi nakasagot si Lukas dahil nakapangako siya na tutulungan niya ito kahit anong mangyari.
Kinatanghalian ay nakatanggap si Lukas ng email mula sa kanilang youth organization na recommended na si Jowel bilang kapalit niya sa pagiging presidente ngunit siya naman ay narecommend sa may mataas na position na kumakausap sa iba't ibang representatives ng schools at organizations sa buong lungsod na maaaring makipagtulungan sa layunin ng kanilang organisasyon, dahil dito ay kinakailangan na maghanda si Lukas ng presentation sa susunod na linggo. Kakausapin siya ng mga executive officers para mainterview sa nasabing recommendation. Hindi kasayahan ang naramdaman ni Lukas na sa wakas hindi na siya ang magiging presidente kundi mapropromote na ang kaniyang bata bilang kapalit niya, sa halip matinding pangamba ang nararamdaman ni Lukas dahil kinakabahan siyang humarap sa mga executive officers at natatakot siya na baka makapasa siya sa interview at mailipat sa mas mahirap na gawain gaya ng pakikipag usap sa iba't ibang matataas na tao na siyang kahinaan at iniiwasan niya. Isang blankong mukha ang matatanaw kay Lukas ngunit sa loob niya ay hindi na niya alam ang gagawin sapagkat hindi niya magawang tanggihan ito dahil mas nakakahiya
Nagmessage naman si Lukas kay Racheline na makikipag usap siya dito sa parke mamayang gabi para pag usapan ang nangyari sa kanila na hindi pagkakaunawaan. Balak na din ni Lukas na sabihin kay Racheline ang kaniyang pinagdadaanan dahil mas lumaki ang tiwala niya dito simula nang mapamahal ito kay Jowel. Kaya naman niyaya lamang niya si Racheline na wala si Jowel. Sapagkat madalas hindi nauunawaan ni Jowel ang mga ganitong usapin patungkol sa problema sa buhay. Mas matured kausap si Raven sa mga ganitong suliranin.
Kinagabihan nga, gaya ng napag usapan nila Lukas at Racheline, ay nagtungo si Lukas sa parke upang mapag usapan ang kanilang naging pagtatalo at matapos na ang hindi nila pagkakaunawaan. Narealize ni Lukas ang kaniyang pagkakamali sa hindi tamang pagbibiro patungkol sa friendship over. Sa katunayan hindi niya kayang mawala ang dalawa niyang malapit na kaibigan, kaya naman sa hiya ay nasa malayong dako siya pumunta at sinisilip kung dumating na ba si Racheline sa meeting place nila. Ngunit ilang oras na ang lumipas, hindi makita ni Lukas na may nag aantay sa lugar na pinag usapan nila at walang message siyang natanggap mula kay Racheline na naroon na siya. Inakala ni Lukas na baka nahiya din makipag usap sa kaniya si Racheline gaya ng nararamdaman niya. Kaya nagdesisyon siyang umuwi na lamang. Ngunit naglalakad siya pauwi nang makasalubong niya si Jowel na papunta sa lugar na pagkikitaan nila ni Raven. Hindi nagpansinan ang dalawang nagkasalubong. Dumiretso lamang si Jowel sa kaniyang pupuntahan. Napahinto naman si Lukas at minasdan ang naglalakad na si Jowel. Hindi siya nilingon nito kundi nagpatuloy sa kaniyang lakad. Alam ni Lukas na ang maaaring puntahan lamang ni Jowel sa lugar na iyon ay si Racheline. Ngunit wala siyang nakita doon at wala din siyang natanggap na mensahe mula kay Raven na naghihintay siya doon. Kung magkagayon, ang kinausap ni Raven ay si Jowel upang magkita sila doon at hindi siya. Naging tulay pa si Lukas na magkita silang dalawa ng gabing yaon na bawal sa patakaran ng kanilang organisasyon. Napaisip tuloy si Lukas kung baka matagal nang nagkikita ang dalawa at hindi lang nagsasabi sa kaniya. Baka wala na siyang puwang sa dalawa sapagkat nagkakaunawaan na sila, kaya naman mas pinapaboran ni Jowel si Raven kaysa kay Lukas na laging nakahandang tumulong sa kaniya. Pumunta si Lukas sa pinag usapang lugar nila ni Racheline, doon nga ay nakita niya si Racheline at Jowel na nag uusap.
"Nagkikita na pala kayo kahit wala ako" bungad ni Lukas. Sinagot naman siya ni Jowel, "ano ba ang problema mo?!" Hindi nagustuhan ni Lukas ang sagot nito. "Anong problema ninyo?! May usapan tayo na hindi kayo maaaring magkita nang kayo lang dahil bawal. Pero nagkikita na kayo" paliwanag ni Lukas. Sumabat si Racheline sa kanila, "chinat ko siya kasi hindi ka dumating" "kanina pa ako nandito paikot ikot pero hindi naman kita nakita dito at hindi ka naman nag message sa akin na nandito ka na" sagot ni Lulas kay Racheline. "hindi ko alam na nandito ka na at bakit hindi ka nagpakita?" "Bakit hindi mo ko sinabihan, pero ang sinabihan mo si Jowel na nandito ka. Ang sabihin mo, nagkikita na kayo" wika ni Lukas. "Ano naman sayo?" Sagot ni Jowel. "Damay ako sa lihim na to dahil may pinag usapan tayo. Ikaw, ano ang problema mo. Bakit si Racheline agad ang pinapanigan mo at hindi mo muna ako pakinggan?" Sagot ni Lukas. Nagkahamunan na ang dalawa at nagsimula nang manumbat si Jowel sa lahat ng mga nagawang mali ni Lukas gayon din naman si Lukas na nagdedemand na unawain siya dahil gayon din ang ginagawa niya sa kanila. Hanggang sa naitulak ni Jowel si Lukas sa hagdan dahil sa pagkapikon at napagulong ito sa pababa. Pagkabagsak ni Lukas, sa halip na umiyak ay tumawa ito ng malakas gaya ng napapanood niya sa mga palabas. Ngunit sa loob niya ay hindi siya makapaniwala na nagawa yaon ni Jowel. Maging si Racheline ay nagulat sa nagawa ni Jowel. Tumayo si Lukas at ininda ang sakit, "nakita mo na! Nakita mo na! Edi lumabas talaga kung ano ako sa iyo" Sigaw ni Lukas, ngunit ang gusto niyang sabihin. "Bakit mo ko nagawang itulak para lang kay Racheline sa kabila ng mga nagawa ko. Hindi mo man lang ako nagawang kampihan simula pa noon kahit na palagi kong ginagawa ang lahat para sa ikabubuti mo. Kaunting halaga, kaunting unawa lang naman hindi mo pa mabigay ngayon dahil siya agad ang pinapanigan mo". Hindi magawang masambit ni Lukas ang totoo niyang saloobin kaya lumakad na lang siya palayo. Gayon din naman si Jowel ay lumakad palayo sa kabilang daan. Ngunit nagkasalubong muli sila sa crossing ng dalawang daan at tuloy tuloy lang sa paglakad si Lukas at nagpipigil umiyak. Pinipigilan naman siya ni Jowel. "Sabihin mo! Anong problema mo!" Ngunit hindi na maunawaan ni Lukas kung ano ang mga sinasabi ni Jowel. Nasa isip na lamang niya ay kailangan niyang umalis sa lugar ng kaguluhan. Hindi na pinapansin ng kaniyang isip ang nakikita at naririnig nito kundi patuloy sa paglalakad kahit hinaharang siya ni Jowel. Pumipiglas si Lukas sa panghaharang ni Jowel habang si Jowel ay tuloy sa pagsasalita at galit na galit. Sa galit ni Jowel ay nabalibag niya ang kaniyang cellphone sa daan. Nahimasmasan si Lukas sa pagkakita sa nawasak na cellphone at napaupo sa lupa. Nanahimik si Lukas at natulala sa pagkabila. Binasag ni Jowel ang kaniyang cellphone dahil sa kaniya, ito ang umulit ulit sa isipan ni Lukas. Sa kaniya isisisi ang pagkasira nito. Magagalit sa kaniya ang tatay ni Jowel na kabibili pa lamang ng cellphone para dito. Nawalan na ng pag asa si Lukas na magkakaayos silang tatlo. Sira na ang kanilang pagkakaibigan at hindi na siya pagbibigyan ni Jowel sa pagkakataon na ito. Magagalit na sa kaniya ang mga kaibigan niya at pamilya nila. Sa galit ni Jowel ay iniwan niya si Lukas at umalis. Nagtungo si Lukas sa likod ng puno upang magtago. Hindi na niya alam ang gagawin para baguhin ang lahat o balikan ang nangyari para ibahin ang kaniyang ginawa. Gusto niya na magkaayos sila ni Jowel at Racheline. Iyon naman ang nais niya talaga, ang magkaayos ayos sila. Ngunit dahil sa kabiglaan ay lalo silang nasira. Hindi na mababalik ang nasirang cellphone kaya hindi narin sila magkakaayos. Galit na si Jowel at hindi na iyon magtitimpi sa kaniya. Kailangan mapahinahon niya si Jowel para makapag usap sila ng maayos. Kapag natapos ang gabing iyon na hindi sila na nagkakaayos ay katapusan na ng kanilang pagkakaibigan. Naisip ni Lukas na matangkang maglaslas para makuha niya ang atensyon ni Jowel. Alam niya na sisilipin siya ni Jowel sa likod ng puno dahil galit pa ito sa kaniya. Hindi nga nagkamali si Lukas, nang makita ni Jowel si Lukas na may hawak na patalim ay agad niya itong inagaw at hinagis sa malayo. Niyakap niya si Lukas at pinatigil siya sa masama nitong balak. Agad nagsisi si Lukas sa kaniyang loob na pinag alala niya si Jowel sa kaniyang pagtatangka pero dahil dito ay nagkaroon na siya ng pagkakataon makausap ito. Kumalma si Jowel at napalitan ang galit ng pag aalala. Agad humingi ng tawad si Lukas dahil nahila niya sa pagkagalit si Jowel. Ayaw niyang mawala si Jowel at Racheline sa kaniya. Nakiusap siya na kalimutan na lang ang mga nangyari at patawarin siya sa inasal niya. Hindi niya alam ang ginagawa niya. Niyakap siya ni Jowel at sinabihan siya na isa siyang mahalagang kaibigan para sa kanya at ayaw din niyang mawala siya. Mahal niya si Racheline at mahal niya din ang kaibigan niyang si Lukas. Iniisip ni Lukas kung pagkakataon niya na ba iyon para sabihin ang nagpapahirap sa kaniyang kalooban. Ang bigat ng kalooban niya dahil sa kaniyang pamilya, ang pangamba niya sa panibagong tungkulin ibibigay sa kaniya at ang takot niya sa pagtatrabaho dahil sa bago niyang manager. Gusto niyang takasan ang lahat ng mga ito ngunit sa halip na makatakas ay nadagdagan pa siya ng problema dahil sa pakikipagtalo sa dalawa niyang kaibigan. Sinabi ni Jowel na wala na sa kaniya ang nangyari, siya na ang bahalang magpaliwang sa tatay niya kung bakit nasira ang cellphone niya at kung may problema man si Lukas ay handa sila ni Racheline na makinig. Ngunit hindi masambit ni Lukas ang laman ng kaniyang dibdib bagkus iniluha na lamang niya ang lahat habang yakap si Jowel. Malaking bagay ang nagawa ng yakap ng kaibigan dahil nailabas nito ang lahat ng naipon kalungkutan sa loob ni Lukas. Matapos nito ay gumaan ang pakiramdam ni Lukas. Muling nagkaayos sa gabing yaon ang dalawang magkaibigan matapos ang malaking away sa gitna nila.
Nauna nang umuwi si Racheline at sabay naglakad pauwi si Lukas at Jowel. Ngunit dumaan muna sila sa tahanan ni Racheline upang magpaalam ng maayos si Jowel at magsorry dahil hindi niya ito naihatid na hindi nabanggit ni Jowel kay Lukas. Kinamusta naman ni Racheline si Lukas at sinabing kalimutan na lang ang nangyari upang makapagsimula muli. Ayaw niyang magkasira ang silang dalawa na malapit na magkaibigan dahil sa kaniya. Naramdaman ni Lukas ang pagtanggap ng dalawa ngunit may kaunting malamig na kirot sa kaniyang kalooban na nararamdaman niya sa dalawa. Hindi na lamang niya pinagdudahan ang mga pangyayari sapagkat maayos na sila. Inihatid niya si Jowel sa kanilang tahanan at nagpasalamat. Nagpaalam si Jowel at sinabi na kalimutan na lamang iyon.
Habang naglalakad sa madilim na daan si Lukas. Walang sasakyan o taong dumaraan man lang. Malakas na hangin ang dumaan sa ibabaw niya at pumapagaspas ang mga sanga at dahon ng mga malalaking puno. May naramdaman lamig sa buong katawan si Lukas na para bang may nakatitig sa kaniya mula sa kaitaasan ng mga malalaking puno. Pinipilit ni Lukas na huwag matakot at nagpatuloy siya sa kaniyang lakad. Ngunit mas lalong nakakaramdam ng lamig ang kaniyang katawan at kinikilabutan siya. Ang nararamdaman niyang nakatitig mula sa kaitaasan ng mga puno ay naramdaman niya sa kaniyang likuran sa hindi kalayuan, sa gitna ng kadiliman. Binilisan ni Lukas ang kaniyang paglalakad ngunit hindi niya pinapahalata na siya natatakot. Kinukumbinsi niya ang kaniyang sarili na hindi siya natatakot. Ngunit sa kabila na sinasalubong niya ang ihip ng hangin ay may hangin ang humihip sa kaniyang likuran at naramdam niya na katabi na lamang niya sa likod ang pinanggalingan nito. Hindi na nakapag isip si Lukas at napatakbo ng mabilis habang sinsabi sa sarili na hindi siya natatakot kundi nag aalala siya na baka may asong humabol sa kaniya. Kaya nang may sasakyan ang dumaan sa kalsada ay sa gitna ng kalsada siya naglakad para umuwi.
-Monday
Kinabukasan ay maagang nagising si Lukas sapagkat mayroon pagpupulong ang mga officers ng bawat chapter na gaganapin sa chapter ng Nova. Naroon parin ang mabigat na kawalan sa loob niya na nagpapalumbay sa buong paligid sa kaniyang paningin. Hindi makakasama ang iba nilang kasamang officers na si Iraine at Jimmy sapagkat may klase at may ibang gawain, kaya naman silang tatlo na lamang ang nagtungo sa pagpupulong — walang pagpipilian si Lukas dahil hindi niya alam ang lugar kaya sumama siya kay Jowel at Racheline. Sa una nilang pagkikita ay tahimik ang tatlo at nagpapakiramdaman. Ngunit si Jowel ay nakangisi at naglalakad na parang bata. Nagpapansin sa kaibigan niyang si Lukas sa gayon magiba ang lamig ng kanilang pagsasama. Hindi matiis ni Lukas ang kakulitan ni Jowel kaya bakas sa kaniyang mata na natatawa siya kahit hindi siya ngumingiti. Dahil dito ay hindi napansin ni Lukas na may paparating na Jeep sa kaniyang dinaraanan mabuti na lamang ay bigla naman siyang hinatak ni Racheline at nagalit. "Sige! Maglandian pa kayo" "nays ang lakas, one hand lang" pangasar ni Jowel. "Wag ka nga! Syempre magaan si Luka" dahilan ni Racheline. Nagpipigil naman ng tawa si Lukas habang nagkukulit ang dalawa gaya ng bata. Tumawid ng kalsada ang tatlo at natanaw ang Ka-FC sa kabilang kalsada na nagliliwanag sa kanilang paningin, ito ang restaurant na madalas nilang kainan. "Nakikita ko na ang pinunta natin dito" makulit na komento ni Jowel. Napangiti at napailing si Lukas. Napansin naman ito ni Racheline kaya nakigatong pa sa komento ni Jowel. "Mukhang tinatawag na tayo ng Ka-FC" pumasok agad si Racheline at sumunod agad si Jowel kaya walang nagawa si Lukas kundi pumasok narin. "Ang bilis pumasok." Sabi ni Racheline. "Basta pagpasok, mabilis ako. Manok kaya yan" sagot ni Jowel. Natawa naman si Racheline at si Lukas sa sagot ni Jowel. "Ang baboy mo" komento ni Racheline. "Ako ba talaga?" Sagot agad ni Jowel. "Kumain ka Lukas huh" bilin ni Racheline sa tahimik na Lukas ngunit may magaan nang pakikitungo sa kanila.
Pagkatapos nilang kumain ay nagpatuloy sila sa kanilang lakad, hinahanap ang chapter ng Nova na kanilang pagpupulungan. "Naliligaw na ata tayo" sabi ni Racheline. "Basta ang alam ko banda dito yun" sabi ni Jowel. "Magtanong muna tayo" mungkahi ni Racheline. Ngunit nagtitigan lang ang tatlo. "Oo na! Ako na magtatanong!" Sagot din niya sa kaniyang tanong. "Sino ba ang nakaisip?" Pangasar ni Jowel. Pagkatapos makapagtanong ni Racheline ay sinitsitan siya ni Jowel. "Miss miss san po dito ang Nova chapter" "ewan ko sayo!" Natatawang sagot ni Racheline. "Psst" "psst" patuloy na sinisitsitan ni Jowel si Racheline. "Ganda" tawag pa ni Jowel. "Alam ko" sagot ni Racheline. "Ikaw ba?" Pangasar ni Jowel. ๐ Sinungitan naman ni Racheline si Jowel. "Sungit naman ni Sis." "Eh sino pala ang tinatawag mo?" Tanong ni Racheline. "E di yung katabi ko" napalingon naman agad si Lukas sa kanya "Luh". Agad naman siyang inasar ni Jowel paglingon niya, "yiie, ganda yan". "Tse!" Natatawang sagot ni Lukas.
Patuloy sa pangungulit si Jowel kaya naman nawala na ang panlalamig ni Lukas at nakisali narin sa pangangasar kay Racheline hanggang sa nakarating na sila sa chapter ng Nova. Napag usapan nila ang patungkol sa mga proyekto ng bawas chapter. Mabuti na lamang ay natapos na ni Lukas ang mga gagawain reporting at ipinaalam na lamang sa dalawang kasama ito. Matapos ang pagpupulong ay umuwi na sila. Habang naghihintay sila ng masasakyan ay humangin ng malakas at buhok ni Racheline ay humampas sa mukha ni Jowel. Nasaksihan ni Lukas ang mukha ni Jowel na para bang nakalanghap ng sariwang hangin. Patuloy lang ang paghangin at humahalimuyak ang bango ng buhok ni Racheline sa pang amoy ni Jowel. Hindi na nakapagtimpi ang binata at hinawakan na ang dulo ng buhok ni Racheline. Agad nagsungit ang dalaga, "bakit ko hinahawakan ang buhok?!" "Tumatama kasi sa mukha ko kapag humahangin" sagot ni Jowel. "Ay sorry" agad ayos ni Racheline sa kaniyang buhok. "Ayos lang. Mabango eh" paliwanag ni Jowel. "Common shampoo lang ang gamit ko" sagot ni Racheline. Samantalang si Lukas ๐ "kung nakita mo lang ang mukha ni Jowel, hindi ko alam kung maiinis ka o matatawa. Naglalakihan ang butas ng kaniyang ilong habang napapapikit sa bango ng buhok mo" biglang nahiya at nangingiti si Racheline. "Ngayon ka lang ba nakaamoy ng mabangong buhok?" Tanong ni Racheline. "Hindi naman, si Lukas kasi mabaho. Amoy pawis hahaha" sabay biro ni Jowel. "Luh!? Mabaho ba ako?" Pagkabigla ni Lukas.
Dumating ang Jeep at sumakay silang tatlo para umuwi. Dahil nakahawak si Jowel sa mataas na hawakan ng Jeep ay mapapansin ang maskulado niyang braso. Napasabi tuloy si Racheline na gusto niya talaga ang mga lalaking may malalaking braso. Para bang masarap maglambitin dito. Nagsabi naman si Jowel na natutuwa naman siya sa may matabang braso dahil nakakatawang pisilin. Dumami ang pasahero at nasiksik sila. Si Lukas ay nasisiksik kay Jowel. Si Jowel naman ay tila nakaakbay na kay Racheline at si Racheline naman ay napapahawak na sa bwaso ni Jowel. Ngunit masaya naman silang nagkakausap sa mga nakaraan nilang pagsasama na para bang walang nangyaring pag asway sa pagitan nila kahapon.
Nagtungo sila sa tahanan ni Jowel at doon kumain. Nakwento ni Lukas ang mga plano nila ni Jowel. Balak nila na magtayo ng negosyo at sila sila din ang trabahador para magkakasama sila maging sa pagtatrabaho. Nakwento niya rin na nagkayayaan silang magbakasyon sa probinsya ngunit dahil sa namamagitan sa kanila ni Racheline ay minungkahi ni Lukas na isama si Racheline. Kasama naman ang mga magulang ni Jowel kung sakali kaya hindi naman magiging issue kung kasama si Racheline. Sabi pa ni Jowel na may mga silid naman roon kaya hindi sila magkakasama sa pagtulog sa isang silid.
Masayang nag uusap sila patungkol sa kinabukasan at si Lukas na tila walang pangarap sa buhay ay nagkaroon ng bagong aabutin nang mapag usapan nila na magkaroon ng bahay at silang tatlo ang titira dito. Naimagine ni Lukas ito kung saan makakasama niya hanggang sa pagtanda ang kaniyang malalapit na kaibigan. Makakasama niya ang mga ito hanggang sa bumuo na ito ng pamilya. Lalaki ang kanilang mga anak at tatayo siya bilang tito nito. At dahil nasa hiwalay na silid siya ay may hiwalay siyang mundo na maaari siyang magsara kung kinakailangan niyang mapag isa. Hindi na siya mangangamba na mamatay na mag isa dahil may kasama siya sa pagtanda at may mga bata pang aalagaan. Matapos man ang layunin niya kay Jowel ay may nakikita siyang mga bagong maiiksing layunin na maaaring abutin para magpatuloy sa buhay. Nagkaroon ng sigla si Lukas upang maghanapbuhay, mag ipon at mabuhay pa. Hindi niya munang papangarapin mamamatay ng maaga dahil may plano pa iyang dapat isakatuparan para sa mga kaibigan. Kung magkagayon, ang pangarap dito sa lupa ay nagbibigay ng dahilan at lakas ng loob para magpatuloy mabuhay at ang wala nito ay nabubuhay lang dahil kinakailangan mabuhay.
Masayang umuwi si Lukas at sabik maghanapbuhay kinabukasan dahil sa mga hangarin nais maisakatuparan. Sa labas ng kaniyang katawan ay punong puno ng kaligayahan ngunit may tila may butil ng kawalan parin ang nananatili sa kaniyang loob na hindi niya pinapansin.
-Tuesday
Pagmulat ng mga mata ni Lukas ay natagpuan niya ang kaniyang sarili na nasa madilim na silid, nakaupo sa sahig sa isang sulok, nang may isang malaking lalaki ang nagbukas ng pinto at pumasok. Hindi niya makita ang mukha nito dahil sa kadiliman ng paligid ngunit ang pangangatawan nito ay nababalot ng mga tattoo na agad nagsidlan ng takot sa kaniyang buong katawan, sapagkat napagtanto niya na walang pang itaas ang lalaking pumasok ng silid. Unti unting lumalapit ang lalaki sa kaniya at gayon din ang takot ay unti unting umuusbong pa sa kaniyang katawan. Umaatras si Lukas habang nakaupo sa sahig at sumisiksik sa sulok na para bang mayroon pa siyang aatrasan. Palapit na ng palapit ang lalaki na hindi niya matanaw kung sino bagkus ang mga imahe sa kaniyang isipan kung anong pang aabuso ang maaaring maganap ang kaniyang nakikita habang natatanaw ang papalapit na lalaki. At nang hahawakan na siya nito, sa tindi ng takot ni Lukas ay napasigaw siya, "wag po!". Nagising si Lukas sa tunog ng kaniyang cellphone. Hudyat na kailangan na niyang gumising para maghanda sa pagpasok niya sa trabaho. Ang mabigat na damdamin at kawalan sa kaniyang dibdib ay nanatili parin sa kaniyang loob ngunit hindi na gaya ng isang butil bagkus ramdam na ng buo niyang dibdib. Ang katahimikan ng kapaligiran ay nababalot ng kalumbayan. Wala siyang lakas para kumain o maligo man lang ngunit dahil sa kinakailangan ay kaniyang ginawa. Ang pagkain ay hindi nagbibigay ng lakas at ang pagligo ay umuubos ng natitirang lakas. Siya ay inaantok kahit kagigising pa lamang at kahit natapos na siyang maligo ang antok ay nananatili sa kaniya. Sa kaunti niyang paghakbang ay agad siyang napapagod na tila siya ay naglakbay ng malayong lupain. Hindi gaya dati na nasasabik siyang pumasok para makipagkatuwaan sa mga katrabaho, ang sandali ng paglapit niya sa gusali nito ay tila pagpasok sa isang malaking digmaan. Bakit kailangan pa niyang suongin ito at sana matapos na ang araw na ito kahit kasisimula pa lamang. Ito ang naglalaro sa isipan ni Lukas bago siya tuluyan nakapasok sa gusali ng kaniyang pinagtatrabahuhan. Parang kahapon lang ay buo ang loob niya ngunit ngayon ay pirapiraso na siya.
Dumating na nga ang sandali ng scheduled meeting ni Lukas sa kaniyang bagong manager kaya sinidlan na naman siya ng pangamba sa pagsapit nito sapagkat nailalarawan niya ito sa kaniyang napanaginipan. Kaya sadyang iniwasan ni Lukas ang sandaling iyon at sinadya niyang huwag ipaalam ang scheduled meeting sa kaniyang bagong manager at nagpakasubasob na lang sa pagtatrabaho. Hindi bale nang masobrahan siya sa paggawa huwag lamang niya makausap ang taong pinagmumulan ng kaniyang takot at manumbalik ang nakaraan niyang trauma noong siya ay bata pa at walang pang malay sa anyo ng pang aabuso.
Natapos nga ang buong araw at naging matagumpay ang paraan ni Lukas para makaiwas sa pakikipag usap sa kaniyang bagong manager. Ang buong lakas ng kaniyang katawan at diwa ay nanghihingalo at naghahanap ang kaniyang pagkatao ng katahimikan para magbagong lakas at makapag ipon muli ng ipanghaharap sa kinabukasan. Kaya naman ay niyaya niya ang dalawa niyang malapit na kaibigan na si Jowel at Racheline na kumain sa labas. Hindi man nauunawaan ng iba, sa tuwing bagsak ang kaniyang diwa ay naghahanap siya ng kasama hindi para iyakan kundi para sumagap ng positive vibes. Sa kaniyang mga kaibigan siya kumukuha ng baterya para makisalamuhang muli sa mga tao. Ang pakikipagkapwa tao ay nakakapagod sa pagkataong loob para sa taong tahimik o introvert. Ang kanilang lakas ay limitado at nagmumula sa kanilang kalooban. Sa oras na maubusan ay magsasara ang kanilang pinto sa lahat upang magpahinga at mag ipon muli ng lakas na ipanghaharap sa mga tao kaya kinakailangan nilang mapag isa. Kung minsan naman ay sumasama sila sa mga piling kaibigan na malapit sa kanila at mapagkukunan nila ng positive vibes para muling harapin ang mundo, ito ang nais mapag isa na may isang kasama. Ganito ang ginagawa ni Lukas, bagaman hindi siya maunawaan ng lahat dahil sa sobrang malapit niya kay Jowel, kinakailangan niya itong gawin para din sa kaniyang sarili, para pigilin ang sarili na mawala sa mundo ng mahabang panahon upang mapag isa sapagkat marami siyang tungkulin na dapat niyang harapin.
Nagkita nga ang magkakaibigan sa ReNaChos, isang restaurant na bukod sa nachos ay nag ooffer din ng rice all you can meal. Walang bakas sa mukha ni Lukas ang matindi niyang pinagdadaanan at nakikisama pa sa pakikipag asaran. Ngunit ramdam niya sa kaniyang sarili na mababaw ang pakikitungo niya sa dalawa, na para bang marupok na sisidlan na nag iingat baka magkalamat at matapon ang nasa kaniyang loob. Hindi niya alam kung dapat niya bang sabihin ang gumagambala sa kaniya. Una, gaya ni Jowel, baka hindi lang maunawaan ni Racheline ang kaniyang mga sasabihin, ngunit sa kabilang banda, mas maunawain at malawak ang pag iisip ni Racheline kaysa kay Jowel. Pangalawa, matuwid ba na ang mas nakakatanda ay lumapit sa mas nakababata para lang makakuha ng opinyon at makapag rant? Matuwid ba na ang lalaki ay magpakita ng kahinaan sa babae? Ngunit sa kabilang banda, hindi kahinaan ang magpakita ng kahinaan sa isang kaibigan, babae man siya o hindi. Ngunit maaari bang mag rant na hindi makakasira sa iba gayon ang mga sasabihin niya ay laban sa ibang tao o mga reklamo sa kanilang pakikitungo? Kung sasabihin niya ang problema niya sa kanilang tahanan, hindi kaya mapasama ang kaniyang mga magulang at kapatid sa kanila? Kung sasabihin niya ang takot niya sa kaniyang boss hindi kaya lalabas lang na kaartehan kung hindi niya ipapaalam ang nangyaring pang aabuso nang siya ay musmos pa lamang? Ang pagsasabi ng lihim na ito ba ay mas makakatulong o mapapasapanganib siya pag sinabi niya ang lahat? Mas lalong gumulo ang pag iisip ni Lukas kung sasabihin ba niya o hindi. Iniisip niya ito habang nakikipagbiruan kay Jowel at Racheline.
Maya maya pa ang dalawang nalalambingan ay nagsabi sa kaniya na lumayo muna dahil may nais sabihin si Jowel na ayaw niyang marinig ni Lukas. Nagtrigger ito kay Lukas na tila pagtataboy sa kaniya. Sa kaniyang sarili, kaya nga siya nakipagkita sa mga ito ay para may makasama at magkaroon ng kaaliwan ang magulong niyang kalooban at mapalitan ng masayang pakiramdam kasama ng mga kaibigan. Ngunit narito, siya ay pinapalayo. "Kahit ano naman ang marinig ko ayos lang sa akin. Huwag ka mahiya. Alam ko naman ang lahat. Tinulungan nga kita jan sa lovelife mo tapos mahihiya ka pa magsabi sa harap ko." Wika ni Lukas. Ngunit nagpumilit ang dalawa na palayuin si Lukas dahil may mga usapang hindi dapat marinig ng iba. Ngunit hindi pa magkasintahan ang dalawa at hindi pa maaari sapagkat masisisra sila sa youth org. at hindi ba kasama siya sa lihim nang pag aaminan na ito. Hindi natuwa si Lukas sapagkat naihanda niya sa kaniyang isip na makipagkita para maging maayos siya at makapag isip kung ilalapit niya ba ang kaniyang dalahin o hindi. Ngunit narito, tuluyan siyang naging third wheel at hindi kaibigan. Nilbre niya ang dalawa para lang palayuin lang din siya. Kahit anong paliwanag niya na wala lang sa kaniya kung marinig niya ang mga lambingan nila ay pinalayo pa rin siya. Hindi niya masabi na lubos siyang nasaktan hindi dahil sa ayaw nilang marinig niya ang kanilang pag uusapan kundi sa aktong pinapalayo siya habang sirang sira siya sa loob. Ang layunin niyang mabuo sa pagkikita nila ay mas lalong yumurak sa kaniyang kalooban. Mula sa mababaw na pakikipagtungo ay naging malamig ang pakikisama niya sa dalawa. At nalalaman niyang batid nang dalawa ang pagbabagong ito. Matapos nilang kumain ay hinatid nila si Racheline at hinatid niya si Jowel ngunit hindi gaya ng dati na hindi matapos ang kanilang kwentuhan, ngayon ay walang nangyaring pag uusap.
Tulala at nanghihinang umuwi si Lukas kaya agad siyang umakyat sa kaniyang silid para matulog. Baka ang nagkadurog durog niyang kalooban ay kusang mabuo sa kaniyang pagtulog. Baka kulang lang siya sa pahinga. Baka kung magkaroon siya ng walong oras na tulog ay maging maayos na ang kaniyang pakiramdam pagka bangon niya sa umaga. Kinausap na lamang ang kaniyang sarili sa pamamagitan ng pag chat sa isa pa niyang account na magpahinga at sumama sa muli pagkikita nilang magkakaibigan para ipagdiwang ang kaarawan ni Racheline at makayakap sa paborito niyang kaibigan. Papasok na naman siya a kinabukasan at muling ag iisip paano makakaiwas. Dahil hindi niya maopen ito sa mga kaibigan ay wala siyang mapagsabihan. Nagpost na lamang siya sa social media na pili lamang ang makakakita kung dapat bang umiiwas. Matapos ito ay mahimbing na natulog si Lukas at umaasa na magiging maayos ang lahat sa kinabukasan.
-Wednesday
Bumangon ng maaga si Lukas upang maghanda sa kaniyang pagpasok ngunit ang mahabang pagtulog ay hindi man lamang nagdagdag ng kalakasan. Pagod at puyat kaagad ang kaniyang naramdaman sa umaga kalakip ng bumibigat na kawalan sa kaniyang loob. Ngunit isinasawalang kibo niya ang kaniyang nararamdaman sapagkat panahon ng pagtatrabaho iyon at walang pakialam ang kaniyang pinagtatrabuhan sa kung ano ang kaniyang nararamdaman, wala siguro. Kaya kinakailangan maging okay at gumanap ng tungkulin niya sa trabaho.
Pagbukas niya ng kaniyang cellphone ay nabasa niya ang mensahe mula sa isa pa niyang account. Doon naalala ni Lukas na may access si Jowel sa account na ito. Sinabi dito ni Jowel na magpapayakap para sa kagagaan ng loob niya basta sumama siya sa birthday celebration ni Racheline dahil ayaw niyang malungkot ito kapag hindi sumipot si Lukas. Masaya saya naman si Lukas ng malaman na makakayakap siya kay Jowel at baka sakali mawala ang bigat na nararamdaman niya sa kaniyang loob. Ngunit may hindi tama na kutob siyang nararamdaman sa bagay na iyon na para bang nagpapahiwatig na masamang mangyayari. Hindi na lamang pinansin ni Lukas ang kutob na ito dahil dapat maging masaya siya sa pagkakataon na makayakap muli sa kaibigan.
Panibagong pagbabaka na naman sapagkat naritong muli si Lukas sa kaniyang pinagtatrabahuhan. Ayaw niyang makasalamuha ang kaniyang kinatatakutan. Ngunit narito, siya ay nilapitan dahil mayroon silang pag uusapan. Napag isipan ni Lukas na umaktong mayabang o matapang para ikubli ang nadarama niyang takot sa kaniyang manager. Tinanong siya ng kaniyang manager patungkol sa isang proseso na kanilang ginagawa. Taas noong sumagot si Lukas dahil napaka simpleng bagay lamang ang tinanong sa kaniya ngunit natabla siya nang sabihin sa kaniya ni P na kaniyang manager na may nagawa siyang mali sa prosesong iyon. Ang tapang tapangan ni Lukas ay nagiba at kinapagtakahan ang nangyari. Ngunit narito, may memo pa siya sa nagawa niyang mali. May charges siyang inalis sa isang account ng customer na hindi niya matandaan. Bakit niya aalisin ang charge kung alam na alam niya na hindi naman inaalis iyon. Kaya matapos ang pag uusap na iyon ay nag imbistiga si Lukas kung papaanong inalis niya ang charge na alam niyang bawal alisin at bakit hindi niya maalaala ito kahit na mayroon siyang memo patungkol dito. Nakita niya ang araw at oras kung kailan niya ito ginawa. Laking gulat niya na ito ang pagkakataon na lumapit si P sa kaniya. Natatandaan nga niya na may customer siyang tinutulungan noon ngunit hindi niya maalala kung ano iyon. Ang natatandaan niya sa sandaling iyon ay kinakain siya ng takot at kailangan niyang makaalis sa dakong iyon. Kung magkagayon, may ginawa siya na labag para makatakas sa sandaling yaon. Nagsisi si Lukas sa hindi niya matandaang pangyayari ngunit nalaman niya ang dahilan ng pagkakamaling iyon. Kapag nasa sandali pala tayo ng matinding pangamba ay kusang gagalaw ang ating katawan para makaiwas doon na hindi natin namamalayan. Sa kasamaang palad ang pag iwas na ginawa ng kaniyang katawan na hindi niya namalayan ay nagdulot ng pagkakamali sa kaniyang trabaho. Hindi dapat maulit ang bagay na ito ang buong araw na tumatakbo sa isip ni Lukas.
Pagkatapos ng kaniyang trabaho ay may natanggap siya na mensahe kay Jowel kaya napahinto siya sa kanilang locker room. Nais daw nilang dalawa ni Jerhel makipagkita sa kaniya para magkaalaman na kung ano ba talaga siya. Nagulat si Lukas kung saan nanggagaling ang issue na ito. May mga katanungan daw si Jerhel sa kaniya dahil pati daw siya ay nahihirapan nang pakisamahan siya. Dahil dito ay kusang nag evaluate ang utak niya kung gaano na ba kalapit si Jerhel sa kaniya para tanungin siya ng ganun. Gusto ni Jerhel malaman kung hanggang saan ang limit nila sa pakikisama kay Lukas. Mahirap daw kasi na magkakasama sila na may ganito ganyan. Napansin din daw niya ang mga post ni Lukas sa social media na tila may pinapatamaan. Tumanggi si Lukas sa nais ni Jerhel na magkitakita para magkaalaman. Hindi pa sila ganun kalapit para sa ganung bagay kahit na madalas nakikitulog sa kanila si Jerhel at tinutulungan niya ito. Emotionally ay wala pa siya sa kalagayan na dapat magbukas ng ganung usapin si Lukas sa kaniya. Kaya sumagot si Lukas na ano ang karapat nito para magtanong ng ganun. Napapaisip din si Lukas kung bakit hindi man lamang ipinaliwanag ni Jowel ang totoong sitwasyon gayon siya ang mas nakakaalam kung ano siya at kung ang bumabagabag kay Jerhel ay ang pagiging madikit niya kay Jowel ay masasagot siya ni Jowel na walang namamagitan sa kanila lalo na ang tinatago nilang relasyon ay ang sa pagitan ni Jowel at Racheline. Ganun pa man nauunawaan naman ni Lukas kung bakit mapapaisip si Jerhel ng ganun dahil aminado siya na masyado na siyang madikit kay Jowel. Napapaisip tuloy siya kung lalayo na lang kay Jowel para matigil ang usapin na ito. Natapos ang usapin ng malamig. Umuwi na lamang si Lukas dahil ayaw niyang makipagkita o makipag usap man kay Jerhel at may kaunting tampo siya kay Jowel dahil hindi man lang ito naging tulay para ayusin ang hindi pagkaunawa ni Jerhel sa kaniya.
Ngunit sa kaniyang pag uwi ay naabutan na naman niya ang kaniyang ina na nakikipag inuman kasama pa ang mga maiingay niyang kaibigan sa harap ng kanilang bahay. Nasira ang inaasahang katahimikan ni Lukas para makapagpahinga. Nagtungo agad si Lukas sa kaniyang silid upang magpahinga. Baka sakali ang pagod at bigat sa kaniyang kalooban ay mawala kung itutulog niya muli ito. Sapagkat ang katahimikan at kapayapaan na hinahanap niya ay nakakamtan niya sa pagtulog. Ngunit maingay ang mga nag iinuman sa labas ng kanilang bahay. Naririnig pa niya ang mga pinag uusapan nito. Nahihiya ang mga ito sa pagdating ni Lukas na baka nagagalit ito sa pagyayaya nila sa kaniyang ina sa paglalasing. Ngunit sumagot ang kaniyang ina na huwag na lamang pansinin ang kaniyang anak. Hindi na baleng magalit ang kaniyang anak sapagkat ang mahalaga para sa kaniyang ina ay ang makasama ang kaniyang mga kaibigan dahil dito siya ay masaya. Ang bigat sa kalooban ni Lukas ay mas bumigat pa at ang kawalan sa loob ng kaniyang dibdib ay tila lumawak nang marinig niya ito. Para bang may kung anong tumuhog sa kaniyang puso sapagkat ang dahilan ng kaniyang pagsisikap sa pagtatrabaho ay para maibigay ang pangangailangan ng kaniyang pamilya at kahit paano ay mabigyan saya ang mga ito ngunit narito, hindi masaya sa kaniya ang kaniyang ina kundi sa mga kaibigan nito. Nalulungkot siya ngunit hindi niya maramdaman ang kalungkutan sa kaniyang loob. Sa kabila ng malawak na kawalan sa loob ng kaniyang dibdib ay sumisikip ito at may mumunting kirot sa palipaligid. Ang buo niyang pagkatao ay tila walang laman. Ang buo niyang lakas ang naubos na at hinayaan na lang niyang mahimlay ang kaniyang katawan at mahulog sa kawalan ng pag asa sa pagkahimbing. Lumipat naman ng pwesto ang mga nag iinuman kaya naiwan mag isa si Lukas at kinain ng katahimikan ang buong paligid.
Ngunit kung kailan tahimik na ay doon hindi makatulog si Lukas kaya naman ay nag online siya para magbasa ng mga messages, ngunit wala kahit ano. Sapagkat naiwan mag isa ay nagkaroon ng pagkakataon si Lukas para tingnan ang sarili at narito, walang laman. Kahit matulog siya ay hindi nadaragdagan ng kasayahan ang kaniyang katawan. Kaya naisip niya baka kapag pinaligaya niya ang kaniyang sarili ay mawawala ang kung anong mabigat sa kaniyang loob. Kung ang kaniyang laman ay maging masaya sa lumilipas na kaligayahan ay baka mabawasan ang kabigatan ng loob. Baka sakali ang wala niyang laman kalooban ay mapuno ng katuwaan. Ngunit anoman ang makita ng kaniyang mata ay hindi nagdulot ng kahit ano. Manood man siya ng nakakatawang palabas ay wala siyang maramdamang saya. Ni kahit romansa ay hindi man lamang nagbibigay ng kiliti sa malamig niyang puso. Kaya natulala na lamang siya sa kawalan hanggang sa hindi na niya namalayan na siya pala ay nakatulog na.
- Thursday
-itutuloy...
No comments:
Post a Comment