Saturday, August 14, 2021

GRANT OF EMPEROR

KIYO AUTHORITY

presents

this August 14, 2021



GRANT OF EMPEROR

Magical - Action

Isang makaharing kwento patungkol sa kapangyarihan at kahilingan

Tunghayan ang grupo ng kabataan na nabigyan ng kapangyarihan para maghari at tumupad ng kahilingan kapalit ng kanilang buhay. 

Hanggang saan ang hangganan ng pag-abot ng kanilang inaasam?

Sapat nga ba ang halaga ng kahilingan para kumuha ng buhay?

Kilalanin ang mga hinirang na Emperors at ang kanilang mga kahilingan sa kabila ng pagiging makapangyarihan


-1- SUMPA / GRANT OF POWER

May isang bayan na nahahati ng isang parke at daan sa gitna: mahihirap ang mga nakatira sa kanang bahagi at mayayaman naman ang mga nasa kaliwa. 

Masaya at maingay sa kanang bahagi ng bayan at sa pinakakanang bahagi nito ay dalampasigan kung saan makikita ang isang batang lalaki na tumutulong sa kanyang ama na mangisda, ito ang naging hanapbuhay nila upang matustusan ang kanilang pangangailangan at siya ay makapag-aral. Ang kaniyang matalik na kaibigan naman ay pinagkakasiya ang maliit na kinikita sa pag-iigib ng tubig sa hindi kalayuang balon. Naging matalik na magkaibigan sila sapagkat magkalapit ang kanilang tahanan. Dahil halos mahihirap ang mga nakatira sa bahaging ito, may ilan ang hindi na nakapagaral at minabuting tumulong na lamang sa kanilang mga magulang sa paghahanapbuhay. Gaya na lamang ng isang batang kulot na hindi na nag-aral bagkus naging kasama na lamang ng ama sa pagpapastol ng tupa. Ang pinakamahihirap sa kanila ay yaong mga walang hanapbuhay at umaasa na lamang sa makukuhang pagkain sa gubat at kung saan saan. Makikita ang isang mapayat ngunit malakas na bata na kumakalap ng mga kabote at talbos ng kamote sa gubat. Hindi rin mawawala na may pamilyang kinaiinisan, gaya na lamang ng pamilya ng isang patutot na may isang anak na babae na kinaiinisan din ng lahat bagamat maganda dahil sa kasamaang ginagawa ng kaniyang pamilya at paninira ng iba ay naging sentro ng pangungutya. Makikita rin sa isang dako na may batang maitim na binubugbog ng kapwa niya bata at nilalait sa pagiging tagahuli ng mga alimango sa putikan, habang pinapanood ng iba pang mga bata na takot madamay. May isang bata na naglakas na loob na pigilan sila ngunit dahil sa kahinaan ay isang suntok lamang ay natumba na. Sa gitna ng kahirapan nagkalat ang iba't ibang anyo ng kasamaan at hinahanap kung saan naroon ang mga mabuting bagay.

Tahimik naman sa dakong kaliwa ng bayan sapagkat mayayaman ang mga naninirahan. Makikita ang isang pamilya na masaya sa tagumpay ng kanilang anak sa iba't ibang larangan ngunit hindi na napansin ang kakambal ng anak sapagkat pangalawa lamang sa lahat ng bagay. Sa kabilang bahay ay nagsasanay naman ang isang batang pilay sa pagpapatugtog ng trumpeta pagkatapos mag-aral para mapagbigyan ang inaasahan ng kaniyang magulang sa kaniya. Sa may pinakamalaking bahay naman ng isang kilalang negosyante ay punong puno ng mga karangalan dahil matalino ang anak kaya naman sa kalapit bahay nito ang anak ay pinagagalitan dahil bagamat magaling ay hindi naman nakakasali sa nga patimpalak dahil masyadong tamad. Doon naman sa huling bahay, sa kabila ng pagiging mayaman ang kanilang matalinong anak ay may malubhang karamdaman na hindi malaman ang dahilan at kagamutan. Sa kabila ng kayamanan ay hindi nasakdal ang kasayahan. Saanmang dako ay may pangangailangan. Walang dako na may kasakdalan kundi bawat isa ay may pinagdadaanan at kahilingang hinahangad na maisakatuparan.

Isang ordinaryong araw ang muling nagsimula sa bayang ito nang may malaking apoy ang biglang lumiyab sa hindi malamang dahilan sa iba't ibang dako ng bayan. Katakataka na mabilis na kumalat sa kaliwa't kanan ang apoy. Lahat ay nagkakagulo at nag-uunahang iligtas ang kanikanilang pamilya at tinatangkilik. May ilan na nagkahiwalay sa pagtakbo gaya na lamang ng dalawang bata na nabitawan ng kanilang magulang. May ilan na hindi agad naitakbo sapagkat may ibang inunang iligtas gaya na lamang ng matagumpay na kakambal. May labingtatlo ngang bata ang nahiwalay sa kanilang pamilya at nagkita-kita sa gitna ng bayan kung saan nakukulong ng nagbabagang apoy. Isang mukha ang lumitaw sa malaking apoy at nangusap sa mga bata. Pagkakalooban sila ng kapangyarihan maghari at tumupad ng isang hiling ngunit may isang kapalit; buhay ng isa sa kanila ang magbibigay buhay sa sumpa at magpapatigil sa apoy na sumisira. Ang labingtatlong bata nga ay natakot ngunit walang magawa kundi maniwala. Kailangan may maialay sa kanila para ang apoy ay mawala. Ang batang lalaki na nahiwalay sa kaniyang pamilya at kapatid na babae ay nagturo sa batang babae na anak ng isang patutot na siya na lamang ang ialay sapagkat maraming sabi sabi na masama ang kanilang pamilya at tinuturing na malas sa kanilang bayan. Tahimik lamang ang batang babae sapagkat nalalaman niya na ito naman ay totoo at nakahanda naman siyang mamatay dahil darating din naman ito sa kaniya balang araw. Ngunit ang batang mangingisda ay hindi sumang-ayon sa hindi patas na desisyon bagkus siya, ang batang nagturo, ang itinuro niya na ibigay sa apoy dahil siya ang unang nagturo. Sumang-ayon agad ang batang mahirap na hangang hanga sa kaniyang matapang na pagmungkahi at ang kaniyang matalik na kaibigan, ang tagaigib ng tubig, na nagmungkahi pa sa iba na ang batang nagturo ang iaalay sa apoy sapagkat siya ay sa masama, sa kadahilanang wala siyang atubiling magturo ng ibang bata para mamatay, sinabi niya ito habang umiiyak. Ayaw naman ng isang bata na may mamatay sa kanila sa paniwala na lahat ay may karapatang mabuhay ngunit hindi sinangayunan ng batang mayaman at matalino ang kaniyang usap, dahil hindi titigil ang apoy at lahat sila ay mamamatay kung walang isang maiaalay. Kaya isa isa silang bumoto, sumangayon ang batang pilay na ang nagturong bata ang ialay. Maging ang payat na bata ay naglakas loob na magsabi na dapat talaga siya ang ialay dahil siya ay sinapak at inapi niya ang maitim na bata, na sumangayon din na ang batang nagturo ang ialay. Sumangayon din ang batang may sakit dahil sa isip niya: ayaw niya na siya ang mamatay, gayondin ang batang kulot na takot na takot. Hindi na nakapagsalita ang isa pang bata dahil itinulak na ng batang matalino sa nilalang na apoy ang batang nagturo na hindi makapaniwala sa ginawa sa kaniya ng lahat.

Kinain nga ng apoy ang nagturong bata na ika-labingtatlo sa kanila kaya't unti unting nawala ang apoy sa bayan. Sinabi sa naiwang labing dalawang bata ng nilalang na apoy na magkakaroon sila ng kapangyarihan na maghari at tumupad ng hiling ng makapapatay sa kanila. Isa isa silang lumiwanag at nagkaroon ng tanda sa kamay. Sinabi sa kanila ang kahilingan na kaya nilang tuparin sa taong kikitil sa kanilang buhay. Sa batang pilay na may lumitaw na tanda ng capricorn ♑, hiling patungkol sa katawan. Sa batang tagaigib ng tubig na nagkaroon ng tanda ng aquarius ♒, hiling patungkol sa pagpapagaling. Sa batang mangingisda na nagkaroon ng tanda ng pisces ♓, hiling patungkol sa pagkatao. Sa batang kulot na takot na takot nang magkaroon ng tanda ng aries ♈, hiling patungkol sa kaalaman. Sa batang pinakamahirap na nagkaroon ng tanda ng taurus ♉, hiling patungkol sa bagay. Sa batang hindi pinakinggan na nagkaroon ng tanda ng gemini ♊, hiling patungkol sa kaparusahan. Sa binugbog na batang maitim na nagkaroon ng tanda ng cancer ♋, hiling patungkol sa pagiingat. Sa mapayat at mahinang bata na nagkaroon ng tanda ng leo♌, hiling patungkol sa kapangyarihan. Sa anak ng patutot na nagkaroon ng tanda ng virgo ♍, hiling patungkol sa pagibig. Sa batang matalino na nagkaroon ng tanda ng libra ♎, hiling patungkol sa oras. Sa batang may karamdaman na nagkaroon ng tanda ng scorpio ♏ ay hiling patungkol sa buhay at sa huling batang na nagkaroon ng tanda ng sagittarius ♐, hiling patungkol sa tagumpay. Matapos ito ay pinahayo sila ng nilalang na apoy upang maghari at magtayo ng kanilang imperyo. Nawala nga ang nilalang kasabay nang pagkawala ng apoy sa bayan.

Mahalaga ang buhay lalo na sa nakakaalam ng halaga nito. Ngunit ang pagibig sa sariling buhay ng higit ay kung minsan ay nagbabalewala sa halaga ng buhay ng iba. Alangalang sa pagiingat ng sariling buhay ay nahahandang ialay ang buhay ng iba.

Matapos ang ilang taon, tila isang bangungot na lang ang nangyari. Magkasama parin ang magkaibigan na may tanda ng pisces ♓ at aquarius ♒, si Mer at Adrian. Hindi na sila mangingisda o tagaigib ng tubig bagkus shark trainer na si Mer at gayon din si Adrian. Malaking pasasalamat ni Adrian kay Mer at kaniyang pamilya dahil sa pagkupkop nito sa kaniya matapos mahimlay ang kaniyang lolo, ang tanging natitira niyang kamaganak noon. Hindi lang siya pinakain kundi pinagaral pa. Itinuring siya bilang bahagi ng pamilya at nagkaroon ng ama, ina at kapatid. Kaya hindi na siya ang iyaking bata noon bagkus malakas na ang kaniyang loob dahil sa mga pangaral ng ama ni Mer. May kakayahan narin siyang suklian ang kaniyang utang na loob sa kanila at nangakong magsisikap upang maiahon sa hirap ang pamilya, ito ang matagal nang nilalaman ng kaniyang puso. Natuwa naman si Mer sa mga sinabi ni Adrian, na naglakas loob siyang maibulalas ang kaniyang tinatagong saloobin. Pauwi na sana sila sa kanilang tahanan nang maalala ni Adrian na may nakalimutan siyang ayusin sa pool area. Kaya naman siya ay bumalik doon at inantay siya ni Mer sa labas ng building ng kanilang pinagtatrabahuhan, na Kiyo's Aquarium. May nakasalubong naman si Adrian na isang lalaki na may tanda ng scorpio ♏ sa kamay sa loob ng building na agad naglabas ng kaniyang latigo at nahahanda para saktan siya.



-2- KAHILINGAN / WISH GRANTING

Humingi agad ng tawad ang lalaking may tanda ng scorpio ♏ kay Adrian sa kaniyang pagsugod sapagkat desperado na ito at kung totoo ang sumpa na ang sinomang makapatay kay Adrian ay matutupad ang kahilingan patungkol sa paggaling ay gagawin niya ito. Nais sanang kausapin ni Adrian ang lalaking may tanda ng scorpio na nakilala niyang si VenSom para magbago ng pagiisip dahil dito siya ay mahusay, sa panghihikayat. Ang paggawa ng masama ay kailanman ay hindi magiging kasagutan sa anomang suliranin. Ngunit nag init si Vensom sa mga salitang ito. Matagal na niyang pinagplanuhan ang pag atake niyang ito. Kaniya nang napagisipan ng malalim ang kasamaang gagawin kaya buo na ang loob niya at totoong si Adrian na lamang ang makatutupad ng kaniyang kahilingang gumaling. Dahil sa kaniyang karamdama ay nalilimitahan siya sa paggawa. Ang tingin sa kaniya ng kaniyang pamilya ay mahina siya. Kahit na kaya ng kaniyang katawan ay pinagbabawalan siya. Lagi silang nauunahan na hindi niya kaya dahil siya ay may sakit kaysa hayaan siyang subukan muna. Pagod na siya sa mababang tingin ng mga tao kaya para sa naisin niya ay gagawin niya ito. Winasiwas ni Vensom ang kaniyang latigo na may pangil sa dulo ngunit naiwasan ito ni Adrian. Laking gulat naman niya na mula sa kawalan ay napalitaw ni Adrian ang isang banga ng tubig. Pinatotohanan ni Adrian ang sumpa at matagal na niyang alam ang kaniyang kapangyarihan at kaharian mula sa kaniyang mga luha. Naglabasan ang mga alagad niyang slimes mula sa banga at ito nga ang kaniyang mga naipong luha. Ang paniniwala niya ay ibinigay sa kanila ang kapangyarihan hindi para gumawa ng masama kundi para gamitin ito sa tama. Sinimulang umatake ng mga slimes ngunit mahusay si VenSom sa kaniyang latigo. Bago pa makalapit ang mga ito ay nahahampas na niya. Isa pa sa katangian ni VenSom ay ang pagiging mabilis kumilos kaya naman mabilis niyang naiiwasan ang pagsugod ng mga slimes. Patuloy naman sa pagtangka ni Adrian na mahikayat si VenSom na tumigil. Ngunit naglabas ng saloobin si VenSom kung bakit niya ginagawa ito. Hindi mauunawaan ng iba ang kaniyang kalagayan dahil wala sila sa kaniyang katayuan para maramdaman ang nararamdaman niya. Marami siyang hinahangad sa buhay at nais pang gawin ngunit mapipigil dahil lang sa kaniyang sakit. Nalalaman niya na ang kaniyang husay at talino ay malayo pa ang mararating kung siya ay makapagpapatuloy. May mga nasimulan na siyang mga pagsasaliksik ngunit mawawalan lang nang saysay kung siya ay mamamatay. Halos buong buhay niya ay ginugol niya sa pagsasaliksik ng mga ito, mapagaling niya lamang ang kaniyang sakit. Kaya hindi siya makapapayag na matapos lamang sa wala ang kaniyang mga gawa. Hindi niya tanggap na siya na matalino at may magagawa pa sa mundo ay mamamatay na lang bigla. Sa paningin niya, may iba na mas karapatdapat mawala kaysa kaniya at handa siyang gawin ang lahat para mapigilan ang kaniyang taning. Kaya pinagplanuhan niya ang araw na ito sa gayon makamit niya ang hangad niyang gumaling at makapagpatuloy. Nakalapit nga si VenSom kay Adrian at nahampas niya ng kaniyang latigo. Nagalusan lamang si Adrian dahil may ilang slimes ang sumalo ng hampas. Ngunit sa lakas ng paghampas ay tumagos lamang ito at inabutan ang balat ni Adrian. Ngunit hindi nagagapi ang mga slimes, nabubuo lamang ito pagkatapos mahampas. Hindi na muling nakalapit si VenSom kay Adrian at nagtatakbo na lamang ito paikot para makaiwas sa mga atake ng mga slimes. Gayonpaman, hindi nawawalan ng pagasa si Adrian na mapagbago niya ng isip si VenSom kaya patuloy parin ito sa panghihikayat na itigil ang laban. Baka sakaling may ibang paraan para sa kaniyang karamdaman. Kaya naman ginamit pa ni Adrian ang isa pa niyang kapangyarihan, ang kontrolin ang tubig. Mula sa malapit na pool ay pinalutang niya ang malaking bahagi ng tubig upang makabuo ng isang malaking bilog ng tubig at napatigil sa mangha si VenSom. Hindi niya inakala na gayon pala ang kapangyarihan na ibinigay sa kanila. Tila nawalan ng pagasa si VenSom na matalo si Adrian. Itinapon sa kaniya ang bolang tubig at doon ay nakulong si VenSom. Nais ni Adrian matulungan si VenSom sa kaniyang suliranin ngunit may mga bagay na hindi na sakop ng kaniyang kapangyarihan. Ang mga bagay na ito ay marapat iasa sa mas makapangyarihan kaysa kanila na nilalang lamang. Ang buhay ng tao ay wala sa kanilang kamay at bawat isa ay may karampatang oras. Unti unting nauubusan ng hangin si VenSom ngunit bago pa ito malagutan ng hininga ay biglang pumutok na parang bula ang malaking bolang tubig. Tila bumalik ang pagasa ni VenSom para maisakatuparan ang kaniyang plano. Ang kalambutan ng puso ni Adrian ang kahinaan na maaari niyang samantalihin para manalo. Gumuhit ng isang ngiti sa labi ni VenSom nang tuluyan siyang makalaya. Nakahanda na sana siyang umatake nang matagpuan niyang si Adrian na nanghihina at napaluhod. Naalala ni Adrian ang galos na gawa ng latigo ni VenSom. Doon niya napagtanto na may lason pala ito. Napatingin si Adrian kay VenSom habang nanghihina. Napayuko na lamang si VenSom at sinambitla ang kaniyang plano. Hindi siya mamamatay tao kaya nalalaman niyang hindi siya makapapatay gamit ang dahas, kaya naman iaasa niya ito sa lason na nasa kaniyang latigo. Bumagsak si Adrian at tinitigan lamang ni VenSom habang unti unting nalalagutan ng hininga. Pagkamatay ni Adrian ay sinabi ni VenSom ang kaniyang kahilingan na gumaling. 

May hangganan ang ating kakayahan sa pagtupad ng kahilingan at may hangganan din ang maaari nating ihiling. Sa bawat paglagpas sa hangganan ay may kaukulang epekto sa iba.

Nangalay sa paghihintay si Mer kaya naman pumasok muli ito sa loob para balikan si Adrian. Laking gulat na lamang nito nang makita ang nakahandusay na si Adrian. Isang malaking dagok ang pumailanlang kay Mer dahil sa hindi masukat na kalungkutang nadarama. Matapos ang madalamhating pagpapahayag ni Adrian ng kaniyang saloobin at pagpapasalamat kay Mer at kaniyang pamilya na hindi na siya ang dating iyakin at tagaigib ng tubig ay ganito pa ang nangyari sa kaniya. Dahil sa matinding pighati ay lumamig ang sahig mula sa dakong kinalulugaran ni Mer na tila baga may umuugat na pagkayelo mula sa kaniya. Wala man luha ang pumatak o kalungkutan ang matanaw sa kaniyang mukha. Bakas sa tindi ng lamig ng kapagligiran ang hapdi ng nadarama ni Mer.



-3- PAGSASAMANG MULI/ REUNION

Isang malaking kadalamhatian ang nangyari kay Adrian. Ayon sa pulisya, ang sanhi ng kaniyang pagkamatay ay pagkalason mula sa kamandag ng iba't ibang uri ng alakdan na nakapasok sa kaniyang katawan mula sa galos na natamo niya sa hindi malamang dahilan. Hindi nila matukoy ang salarin sa pamamaslang na ito sapagkat sinira ang mga CCTV. Ang tanging nakuhang video ay ang pagpasok ng isang lalaki na naka itim na hoodie. Hindi rin matukoy kung ano ang dahilan ng pamamaslang gayon wala naman nakaalitan si Adrian at hindi rin siya ninakawan. 

Binalikan ni Mer ang lugar kung saan sila unang nagkita at naging magkaibigan ni Adrian, sa parke ng nasunog na bayan. Sinariwa niya ang mga alaala noong sila ay bata pa, na paminsan minsan ay nakapaglalaro sila dito at madalas napapaiyak niya si Adrian dahil sa pagiging tila walang pakiramdam na pakikitungo niya dito. Pinahahalagahan niya si Adrian hindi man bakas sa kaniyang mukha o mamutawi sa kanyang labi ngunit sa kaniyang puso ay matalik na kaibigan niya ito. Kaya naman hahanapin niya ang pumaslang kay Adrian upang maghiganti. Sa isang dako ng parke na kaniyang napagmasdan ay naalala niya ang nakaraan kung saan niya unang nakita si Princess, ang magandang bata na nagkaroon ng tanda ng virgo ♍, ang maganda bata na kinaiinisan ng lahat dahil sa anak ng isang patutot. Naalala niya ang pagngiti nito sa kaniya nang mahuli siyang nakatitig. Batid niya ang matinding kalumbayan ngunit ngumiti parin ito sa kaniya. Humanga siya dito dahil kaya niyang ngumiti para sa iba kahit na hindi gayon ang totoo niyang nararamdaman. Habang inaalaala niya ang kaniyang kabataan sa parke ay bigla siyang kinalabit ng isang tila ermitanyong binata na may makakapal at kulot na buhok na animo'y isang tupa. Mabilis niyang nilingon ito na may walang damdaming mukha na tumakot sa kumalabit na si Ram Ram, ang dating bata na nagkaroon ng tanda ng aries ♈. Nagkamustahan ang dalawang magkababata. Matatandaan na pareho silang nakatira sa kanang bahagi ng bayan. Si Ram Ram ang isa sa mga mahihirap na bata na hindi na nakapagaral at pinili na lamang mamastol ng tupa kasama ang ama. Ngunit sa kadahilanang hindi siya marunong bumasa at sumulat ay wala siyang makuhang maayos na hanapbuhay at hindi narin nakapagpatuloy sa pag aalaga ng mga tupa bagkus kung ano ano na lamang ang pinapasok na gawain para kumita ng pera. Nabalitaan din ni Mer ang sabi sabi na si Ram Ram daw ay isa nang baliw. Pinagbulaanan naman ito ni Ram Ram, na hindi siya nababaliw kundi totoo ang kaniyang sinasabi na nakakakita siya ng multo. Matapos ito ay ibinalita ni Mer ang masamang pangyayaring naganap kay Adrian. Nakipagkasundo si Mer kay Ram Ram na maniniwala ito kung magagawa niyang kausapin ang kaluluwa ni Adrian upang malaman kung sino ang may kagagawan ng kaniyang kamatayan. Nabanggit naman ni Ram Ram ang nangyari sa kanilang kabataan. Ang sumpang tinutukoy ng masamang espiritung nakipagusapan sa kanila. Ayaw nang isipin pa ni Mer ito ngunit diin ni Ram Ram na maaaring may kinalaman ito sapagkat matatandaan na sinabi ng masamang espiritu na sinomang kumitil sa kanila ay magkakamit ng katuparan sa kahilingan. Napaisip muli si Mer sa maaaring kaugnayan nito sapagkat pagpapagaling ang katuparan ng kamatayan ni Adrian. Kaya naman nagpatuloy sila sa paglakad patungo sa lugar na pinagkamatayan ni Adrian upang malaman ang totoong naganap.

Habang naglalakad sila patungong Kiyo's Aquarium kung saan naghahanapbuhay si Mer at ang namatay na si Adrian ay may nakasulubong sila na tila magkasintahang nagtatalo. Sasaktan sana ng lalaki ang babae, nang masabi ni Ram Ram na Princess ay agad na naparoon si Mer para pigilan ang pananakit ng lalaki. Ang lalaki pala ay nagawan ng mali ng pamilya ni Princess ngunit napagbubuntunan siya ng galit. Nagkamustahan ang tatlo. Si Princess ay naghahanapbuhay bilang isang waitress sa malapit na restaurant. Katulad ng dati ay maraming ayaw sa kaniya, una dahil sa kasalanan ng kaniyang pamilya at pangalawa ay dahil marami ang hindi natutuwa sa taglay niyang ganda na umaakit sa mga kalalakihan. Ngunit walang pakialam si Princess sa pagtingin ng iba, maldita siya kung maldita at mabait kung mabait. Iilan man lang ang kaniyang kaibigan ngunit totoo naman sila. Niyaya ni Ram Ram si Princess na sumama sa kanila lalo na at ito ay patungkol sa nangyari sa kanilang kabataan. Ibinalita din nila kay Princess ang masamang nangyari kay Adrian na kung mapapatunayan ang katotohanan ng sumpa ay maaaring maglagay sa kanila sa panganib. Ngunit ayaw nang balikan ni Princess ang nangyari sa nakaraan sapagkat hindi niya matanggap ang nangyari, na may isang buhay ang nawala dahil sa kanila. Nalumbay silang tatlo sa pagkaalaala sa pagkamatay ng ika-13 bata. Matatandaan na si Mer ang nagturo sa ika-13 bata na ialay sa apoy at sumang ayon din si Ram Ram dito kahit takot na takot. Ngayon napapagisip nila na maaaring may ibang paraan sanang nagawa bukod sa magalay ng buhay. Wala din pang katunayan na ang nakita at nangyari sa kanila ay katotohanan o baka isang kathang isip lamang sapagkat hindi natagpuan ang batang yaon. 

Umuwi ng kanilang tahanan si Princess taglay ang malaking lungkot dahil sa nangyari. Siya na naman ang napagbuntungan ng galit ng lalaki dahil sa naiwang utang ng kaninyang ina at itinuturing siya na gaya din nito. Nananatili ang paniniwala ng mga kalapit bahay nila na siya ay may taglay na malas dahil anak siya ng kaniyang ina sa pagpapatutot kaya wala siyang kinalakihan ama at hinahatulan din siya na gaya din siya ng kaniyang ina na patutot. Kaya naiinis siya sa mabilis na paghatol ng kaniyang kapwa sa kanya dahil lamang sa naging hanapbuhay noon ng kaniyang ina. Maganda man siya na umaakit ng mga kalalakihan ay wala naman siyang makuhang tapat na pagmamahal. Dahil iba ang nabighani sa kanyang ganda kaysa pagmamahal kaya pinagdududahan niya ang sinoman magtapat ng pagibig sa kaniya. Hindi man niya ito bigyan pansin, nananatili ang kalungkutan sa kaniyang puso at paghahangad na matapos ito.

Nagpatuloy naman sa paglalakad si Mer at Ram Ram patungong Kiyos Aquarium nang biglang may humintong motor sa kanilang tabi. Pagalis ng helmet ay nakilala nila ito na si Rocco, ang batang nagkaroon ng tanda ng taurus ♉. Matatandaan na si Rocco ang batang nagpupulot ng kabote sa gubat upang sila ay may makain. Isa din siya sa sumang ayon agad sa mungkahi ni Mer na si ika-13 bata ang itulak sa apoy. Nagkamustahan ang tatlo at laking gulat ni Rocco nang mabalitaan ang nangyari kay Adrian. Nalumbay siya dito dahil nalalaman niya na mabuting tao si Adrian. Nasabi din nila ang kanilang plano na kausapin ang kaluluwa ni Adrian para malaman kung sino ang may gawa nito. Sumang ayon agad si Rocco sa plano ni Mer na wala naman mawawala kung susubukan, kung tunay ngang nakakakita ng kaluluwa si Ram Ram.

Pagdating nila sa pool area sa Kiyo's Aquarium kung saan pinangyarihan ng labanan ay agad sinabihan ni Mer si Ram Ram na kausapin ang kaluluwa ni Adrian. Samantalang si Ram Ram na unti unti nang natatakot ay tumitingin sa paligid ngunit hindi niya makita si Adrian. Minungkahi ni Rocco na tawagin niya sa pangalan si Adrian dahil gayon ang ginagawa ng mga medium kapag tumatawag ng kaluluwa. Ngunit hindi na makapagsalita sa takot si Ram Ram matapos niyang bigkasin ang pangalan ni Adrian sapagkat may isang kaluluwa na nakatalikod ang humarap sa kaniya, at ito ay si Adrian. Lumapit si Adrian kay Ram Ram at sinabi sa kaniya na magpanggap na hindi niya siya nakita. Sapagkat alam niya na maghihiganti lamang si Mer. Binalaan din niya si Ram Ram na mag ingat sapagkat siya ay pinatay dahil sa kapangyarihan niyang tumupad ng hiling sa paggaling. Hindi nagsasalita si Ram Ram kahit anong tanong ni Mer kung nakita ba niya si Adrian. Namumutla lamang ito na nakatingin sa malayo. Nang bigla may sumabog sa labas ng building at agad silang napalabas upang tingnan ang nangyari. 

Sapat ba ang matinding kalungkutan at pagkamuhi para gumanti? Matuwid bang kalimutan na lang ang kasamaan alang alang sa kapayapaan?

-4- KAPANGYARIHAN / POWER OF EMPEROR

Habang nakikipag usap si Adrian kay Ram Ram ay may biglang sumabog sa labas ng building, kaya naman agad silang lumabas para tingnan ito. Laking gulat nila nang masilayan ang iba't ibang halimaw na maihahalintulad sa mga kagamitan ang gumugulo sa bayan. Isang sasakyan pala ang sumabog nang ito ay pinataob ng isa sa mga halimaw na mukhang bulak. Tila nagwawala ang mga halimaw at winawasak ang anomang makita nila. Kaya naman may biglang umatake sa kanila na halimaw na mukhang karayom. Mabuti na lang ay mabilis ang reaksyon ni Mer ay naitulak ang dalawa palayo. Hindi makagalaw sa takot si Ram Ram, samantalang si Rocco ay humanga kay Mer sa katapangan kaniyang ipinakita. Kaya naman matipuno itong tumayo at pinaatras si Mer. Makisig niyang sinabi na siya na ang bahala sa kanila at dumura sa lupa. Nanlaki ang mata ng dalawa sa pandudurang ginawa ni Rocco na para bang kakatuwa na matapos niyang magyabang ay mandudura lamang siya. Isang halimaw na mukhang napkin ang umatake kay Mer at Ram Ram. Ngunit sinalag ito ni Rocco at napalilim sila sa maskuladong katawan nito. Nagulat sila sa kagitingan na ipinamalas ni Rocco. Kaya kinamusta siya ni Mer habang ang halimaw na mukhang napkin ay naghahampas sa kaniyang likod. Ngumiti lamang ito sa kanya sapagkat may halimaw na bato pala ang sumasalag sa kaniyang likod. May iba pang mga halimaw na bato ang nasa paligid na nakikipaglaban sa mga halimaw na kagamitan. Namangha ang dalawa sa pangyayari na tila napapasunod ni Rocco ang mga halimaw na bato. Sinabi ni Rocco ang patungkol sa kaniyang kapangyarihan. Kaya niyang lumikha ng mga halimaw na bato sa pamamagitan ng pagdura niya sa lupa. Ang mga ito ay kaniyang mga alagad na ang unang tungkulin ay maingatan siya. Dahil dito ay agad napaniwala ang dalawa na ang nangyari sa kanila noong sila ay bata pa ay totoo. Nangangahulugan na maging silang dalawa ay mayroon din natatagong kapangyarihan. Nawasak ng mga halimaw na bato ang mga nagwawalang halimaw na kagamitan na nasa paligid at nagsibalik sa lupa. Ang mga natalong halimaw na kagamitan ay bumalik sa pagiging ordinaryong kagamitan, kaya nasabi ni Mer na kagagawan ito ng isa sa kanila. Maaaring ang pumatay kay Adrian ang may kagagawan nito na nais gamitin ang kaniyang kapangyarihan para manggulo. Sumagot naman si Ram Ram na hindi daw kagagawan ng pumatay kay Adrian ang mga yaon. Nagtaka si Mer sa naging sagot ni Ram Ram at napagtanto na nakikita niya si Adrian. Hindi makakapagkaila si Ram Ram sapagkat buo na ang paniniwala ni Mer at maging ni Rocco na may kapangyarihan siya na makipag usap sa mga kaluluwa. Kaya naman napaamin siya at sinabi na ayaw ni Adrian na ipaalam kay Mer kung sino ang kumitil sa kanya sapagkat ayaw niyang masangkot si Mer sa ganitong labanan. Hindi maunawaan ni Mer ang nais ni Adrian lalo na may ganitong pangyayari. Nauunawaan niya ang salitang awa, ngunit sa pagkakataong ito ay hindi awa ang dapat pairalin lalo na delikadong hayaan ang salarin na maaaring higit pa doon ang gawin dahil sa kapangyarihang taglay. Maaaring isunod sila ng pumatay sa kaniya upang muling humiling. Isinalaysay ni Adrian sa pamamagitan ni Ram Ram na kaya siya pinatay dahil sa kapangyarihan niyang magpagaling na hindi nila kakayanan sapagkat may ibang kahilingan silang kayang tuparin. At ang kapangyarihan ng kaniyang kalaban ay latigong may lason, hindi mga halimaw na kagamitan. Kung magkagayon, ibang tao ang may kagagawan ng paglitaw ng mga halimaw na kagamitan. Ngunit hindi parin sang ayon si Mer na pabayaan na lang ang salarin, kung hindi man maaaring singilin ng buhay ay mabulok ang taong yun sa kulungan. Para makaiwas sa media ay agad sila umalis doon at yumaon ng kanikanilang lakad. Buhay ang kapalit ng isa pang buhay. Ngunit sino ba tayo para kumuha ng buhay kahit na may buhay pang kinuha sa atin? May hustisya ngunit wala sa ating mga kamay.

Sa silid ni Mer ay napapaisip siya sa mga nangyari. Si Adrian ay may kapangyarihan ng tubig at lumikha ng slimes sa pamamagitan ng luha. Ang nakalaban niya ay mahusay sa latigong may lason. Si Rocco ay may kakayahang gumawa ng halimaw na bato mula sa pagdura at kayang tumupad ng hiling patungkol sa materyal na bagay. Si Ram Ram ay may kapangyarihang makipag usap sa kaluluwa at kayang tumupad ng hiling patungkol sa kaalaman. Siya at si Princess naman ay hindi pa nalalaman ang taglay na kapangyarihan ngunit may kakayahan siyang tumupad ng hiling patungkol sa pagkatao at si Princess naman ay patungkol sa pagmamahal, pagmamahal na mayroon siya para kay Princess. Naalala niya muling pagkikita nila ni Princess, nananatili parin ang pagkabighani niya dito at paghanga sa matapang niyang pagkatao na kahit may mga taong ayaw sa kaniya ay matapang niya itong hinahaharap na hindi nagpapahadlang dito. Kaya naisip niyang alamin ang kaniyabg kapangyarihan sa gayon maingatan niya si Princess sa magtatangka ng masama sa kaniya. Ngunit ang kakayahang tumupad ng hiling tungkol sa materyal na bagay ang naiisip niyang maaaring pagsamantalahan ng masama. Sapagkat sa mundong ito, walang mas hahalaga pa sa kayamanan. Hindi matutumbasan kahit ng pagibig kung magiisip ng practical. Anim pa sa kanila ang hindi pa nakikita na maaaring salarin sa pagsugod ng mga halimaw na kagamitan. Ayon kay Rocco hindi niya sinasadyang nalaman ang kaniyang kapangyarihan sapagkat natural sa kaniya ang pagdura sa lupa. Nagulat na lamang siya na tumubo ang dinuraan niyang lupa at naging halimaw na bato na sumusunod sa kaniyang ipinag-uutos. Kaya hindi niya alam kung papaano matutuklasan ni Mer ang kaniyang kapangyarihan.

Samantalang si Ram Ram ay nakabalot ng kumot at takot na takot sa kaniyang kubo sapagkat kasama niya si Adrian na kumakausap sa kaniya. Kaya ang mga nakakarinig sa kaniya mula sa kaniyang kubo na pinapaalis niya si Adrian kahit wala naman siyang kasama ay naniniwala na siya ay nasisiraan na. Nasabi ni Adrian na maaaring ang kapangyarihan ni Ram Ram ay may kinalaman sa kaluluwa sapagkat nakakausap niya siya. Ngunit dahil takot si Ram Ram ay hindi siya pinakikinggan nito.

Si Rocco naman ay nagtungo sa isang malaking tahanan kung saan nakatira si Devon. Si Devon ay isa sa mga batang nakasama nila. Siya ang pilay na bata na nagkaroon ng tanda ng Capricorn ♑. Agad siyang sinalubong ni Devon at kinamusta ang paggamit ng niregalo niyang motor. Naupo si Rocco sa may sofa ay tinabihan naman siya ni Devon mula sa kaniyang wheelchair. Humilig si Devon sa balikat ni Rocco at muli siyang kinamusta kung kumain na ba siya. Kinonpirma ni Rocco kay Devon ang kaniyang kapangyarihan na magbigay buhay ng mga pininta at tumupad ng hiling patungkol sa katawan. Sinaysay niya ang dahilan ng kaniyang pagtatanong at ang mga nangyari sa kanila, gaya ng pagkikita nila ni Mer at Ram Ram, ang pagkapaslang kay Adrian at biglaang paglitaw ng mga halimaw na bagay sa bayan. Sa kanilang dalawa, ang pinaka nakakatuksong kahilingan ay ang maging pinakamayaman na kayang tuparin ni Rocco kapalit ng kaniyang buhay. Nangako si Devon na ipagtatanggol niya si Rocco sa magtatangka sa kaniyang buhay. Natatawa naman si Rocco sapagkat siya na walang wala ay may kakayahan magpayaman sa iba at si Devon na may kapansanan ay kayang mag-ayos ng kakulangan sa katawan. Kung ano ang wala sa kanila, siya naman maibibigay nila sa iba kapalit ng buhay nila. Niyakap ni Devon si Rocco upang pagaanin ang loob. Pinalakas niya ang loob nito sa pagsabi na malakas siya at walang makatatalo sa kaniya. May kakayahan siyang magpalabas ng maraming halimaw na bato sakabila ng taglay na lakas na katawan, anong magagawa sa kaniya ng masasamang loob. At siya naman ay magpapatuloy sa pagsuporta at pagtulong sa kaniya nang maabot niya ang pangarap niyang umunlad para sa kaniyang pamilya.

Dahil sa labis na kakayahan natututo ang tao na humigit sa nararapat at ipagpilitan ang hinahangad kahit na mali. Dahil sa matinding hangarin ay nagpapalalo ang tao at gumagawang hindi marapat para lang maabot ito. Dahil sa kapangyarihan ay nagkakaroon ng daan ang tao para maisakatuparan ang masama nilang hangarin.



-5- KATUNGKULAN / SERVANT'S DUTY

Kinaumagahan ay nagtungo si Mer sa tahanan ni Rocco sapagkat nag-aalala siya na maaaring malagay siya sa panganib dahil sa kakayahan niyang tumupad ng hiling patungkol sa materyal na bagay. Pagdating niya sa tahanan ni Rocco ay namangha siya na napakaayos na ng kanilang tahanan. Pinatuloy siya ng pamilya ni Rocco ngunit wala roon siya roon. Napagbigay alam sa kaniya na madalas bumisita si Rocco sa kaniyang kaibigan na mayaman na si Devon na laging tumutulong sa kanila. Kaya nga nakapagpaayos sila ng tahanan at nakapag-aaral ang kaniyang kapatid. Ibinigay sa kanya ang address ni Devon sa gayon mapuntahan niya ito. Si Devon ay nakatira sa kaliwang bahagi ng bayan, sa dako ng mayayaman. Nagpapatakbo siya ng negosyo sa larangan ng musika at iba't ibang sining. Nadaanan niya din ang bahay ni Princess at doon nakita niya si Princess na nakatingin sa kalangitan. Ngunit habang nilulubos ni Mer ang pagmamasid ng kagandahang kaniyang nakikita ay tila biglang may inindang sakit si Princess. Biglang nag-alala si Mer ngunit wala naman siyang magawa kundi manatili sa kaniyang kinatatayuan. Naisip niya kung magkaroon na siya ng sapat na ipon ay maaari na siyang maglakas loob umamin sa babaeng minamahal niya pa noon. Sa hindi kalayuan ay may nakita siyang lalaki na pinagtutulungan ng mga kalalakihan. Pinansin niya ito at nagsitakbuhan palayo ang mga lalaki. Kinamusta nya ang maitim na lalaki na agad nagpasalamat sa kaniya at humingi ng pasensya. Nahiya nito magpatuloy magsalita kaya agad na lamang lumayo at nagpasalamat muli.

Nagpatuloy si Mer sa kaniyang kakad papunta sa tahanan ni Devon at habang nagtitingin tingin sa palibot ay may nadaanan siyang babae na napalingon sa kaniya. Lumapit ito sa kaniya at nagtanong kung magkakilala ba sila sapagkat parang namumukhaan siya ng babae. Hindi naman siya maalala ni Mer kaya lumayo ito at nagpatuloy sa paglalakad. Nang tila natandaan ng babae kung sino si Mer ay hinawakan niya ang kamay ni Mer at nakita ang marka ng Pisces ♓. Bigla naman pumiglas si Mer at inilayo ang kaniyang kamay. "Sinasabi ko na nga ba" sabi ng babae. Ipinakita din niya ang kaniyang kamay na may marka ng Libra ♎. Nagulat si Mer nang makita ito. Isa na naman sa labingdalawang bata na nagtaglay ng kapangyarihan ang nakasalamuha niya. Ngunit siya ay may pangamba sapagkat hindi pa nila nakikilala kung sino ang may kagagawan ng paglitaw ng mga halimaw na kagamitan sa bayan at ang pumaslang kay Adrian. Inimbita ng babae si Mer na kumain para makapag-usap. Hindi na tumanggi si Mer dahil sa pagkakataon niya ito para mag-imbistigahan ang babae at upang mas lalong maunawaan ang nangyayari sa kanila. Hindi na nagpaligoy ligo ang babae at tinanong siya agad kung alam na ba niya ang tungkol sa kaniyang kapangyarihan. Naging maingat sa pagsagot si Mer at napansin ito ng babae. Kaya naman nagpakilala ito sa kaniya sa gayon maging palagay ang loob ni Mer. Siya si Jury ang matalinong bata, na kung matatandaan, siya ang batang babae na tumulak sa ika-13 bata sa apoy. Sinabi niya kay Mer ang taglay niyang kapangyarihan. Kaya niya pagalawin at bigyan buhay ang mga bagay na nalagyan niya ng kaniyang fingerprint. Naghubad siya ng kaniyang gloves at hinawakan ang baso at inutusang gumalaw. Namangha si Mer sa nakita ngunit wala siya maipakita kay Jury dahil hindi pa niya nalalaman ang kaniyang kapangyarihan. Nito lamang niya nalaman ang patungkol dito. Naikwento niya ang nangyari kay Adrian at biglaang paglitaw at panggugulo ng mga halimaw na kagamitan sa bayan. Ikinalungkot ni Jury ang nangyari kay Adrian at binalaan si Mer na pasimula pa lamang ito ng kaguluhan. Marahil isa isa na nilang nalalaman ang taglay nilang kapangyarihan at ginagamit ito sa kasamaan. Dahil sa nabanggit ni Mer ang patungkol sa pagwawala ng mga halimaw na kagamitan, nasabi ni Jury na may isang dahilan kung bakit nawawalan ng control at nagwawala ang mga halimaw na tinatawag niyang Servants. Ito ay sa pagkakataon na nawalan ng pagasa ang kanilang master o tinatawag niyang Emperor at naghahangad na tapusin ang kanilang sariling buhay. Ang pangunahin tungkulin ng mga servants ay ingatan ang buhay ng kanilang emperor at sumunod sa pinaguutos nito. Sa oras na ang maging hangarin ng emperor ay kitilin ang sarili niyang buhay ay magwawala ang mga servants at pipigilan ang masamang balak ng kanilang emperor hanggang sa kumalma ito. Sa madaling salita, hindi maaaring patayin ng emperor ang kaniyang sarili. Kung iisipin, sinoman makapatay sa emperor ay magkakaroon ng pagkakataon humiling. Papaanong mangyayari ang gayon kung ang kikitil sa buhay ng emperor ay ang kaniyang sarili. Hindi maaaring gamitin ng emperor ang kaniyang kapangyarihan para humiling sa kaniyang sarili. Napagtanto ni Mer ang punto ni Jury at pagkaugnay ugnay ng mga bagay. Kung magkagayon, ang emperor ng nga halimaw na kagamitan ay naghangad kitilin ang sarili niyang buhay kaya naman nagtrigger ito para magsilabasan ang mga halimaw na bagay at magwala upang pigilan ang pagtatangka nito. Napaisip si Mer kung paano nalaman ni Jury ang mga ito. Kaya nagtanong siya na walang pasubali, kung ito ba ay nagtangkang magpatiwakal. Naging seryoso pa si Jury at nagsaysay ng kaniyang kwento. 

Noong siya ay bata pa, dahil sa talino niyang taglay ay madali niyang nauunawaan ang mga bagay bagay. Madali sa kaniya ang magdesisyon na walang halong emosyon. Dahil kinakailangan maging objective sa pagbibigay ng hatol. Pangarap niya kasi maging hukom upang makulong ang lahat ng masasama. Kaya naman mabilis siyang nakapagdesisyon na patayin ang ika-13 bata dahil sa kanilang lahat ang batang nanghangad ng buhay ng iba ang dapat magbuwis nito. Matuwid lang magalay ng isang buhay para sa buhay ng nakararami. Ganito ang paniniwala niya, na bawat nagkasala ay dapat parusahan. Naging masama ang ika-13 bata sa pananakit sa kapwa niya bata kaya dapat siyang maparusahan. Kaya naman noong nagkasala ang kaniyang ama ay itinuro niya ito sa pulis kaya naman ito ay nakulong. Ngunit hindi kinaya ng kaniyang ama ang kahihiyan na makulong sapagkat kilalang tao siya at may maraming pagaari, kaya naman nagpatiwakal ito sa loob ng kulungan. Lubos na nalumbay ang kaniyang ina at mga kapatid, unti unti rin silang naghirap dahil sa paghina ng kanilang negosyo. Dito nya napagtanto na mali ang kaniyang naging desisyon at ang halaga ng emosyon sa paghatol. Kung bawat magkasala ay mauuwi sa kaparusahan ay mawawalan ng pagkakataon na magsisi at magbago ang tao. Marapat din isipin ang mga maaaring mangyari pagkatapos ng hatol kung ito ba ay sa ikabubuti o hindi. Ang paghatol at kaparusahan ay hindi isinasagawa agad sa bawat magkakasalang tao sa gayon mabigyan silan ng pagkakataon magsisi at magbago. Nang maunawaan ito ni Jury ay totoo siyang nalumbay at sinisi ang kaniyang kamangmangan at kapalaluan na inisip niya sa kaniyang sarili na alam na niya ang lahat dahil sa matalino siya, ngunit narito, isang malaking pagkakamali ang kaniyang nagawa kaya nararapat siya sa kamatayan. Buhay ang nawala dahil sa kaniyang kapalpakan kaya dapat buhay din niya ang maging kapalit. Ngunit isa na naman itong pagkakamali. Bago pa niya maiputok ang baril sa kaniyang ulo ay naabutan siya ng kaniyang ina at mga kapatid. Iniiyak niya ang kaniyang buong pusong pagsisisi na naging sanhi siya ng pagkawala ng kaniyang ama na nagdulot ng matinding kalungkutan sa buo niyang pamilya. Kung paano ang sugat sa laman ay gayon din ang sugat sa puso. Kahit gaano pang isipin na hindi masakit ay nananatili parin ang sakit. Sapagkat ang sugat ay hindi mawawala kahit ano pang tangkang paniwalain ang isip na walang natamong pinsala at sakit. Ang lungkot na nadarama ni Jury dahil sa pagsisisi ay hindi makayanan ng puso kaya na ang tanging paraan para ito ay mapigilan ay ang wakasan ang sarili niyang buhay. Hindi niya hinangad na masira ang kaniyang pamilya ngunit kung ano pa ang hindi niya pinangarap siya pa ang kaniyang naabot. Kinalabit ni Jury ang gatilyo ngunit hindi ito gumalaw. Sa halip ang baril ang gumalaw at lumutang na nagpapaputok kung saan saan. At ang mga iba pang bagay na nahawakan ni Jury ang sabay sabay na nagwala. Nagkagulo ang buong silid at nasaktan ang kaniyang pamilya. Samantalang si Jury ay natali ang mga kamay upang mapigilan sa pagtatangka. Nang nawalan ng malay si Jury ay tumigil din ang pagliliparan ng mga gamit. Ngunit ang buong pamilya at maging ang iba pang mga tao sa kanilang tahanan ay namatay sa pagwawala ng mga kagamitan. At hindi na nagawang saktan ni Jury ang sarili dahil sa maaaring mangyari uli ang pagwawala ng mga gamit. Kaya isang paraan ang naimungkahi ni Jury kay Mer. Ang kahilingan na kaya niyang tuparin ay patungkol sa oras. Kung magagawa siyang patayin ni Mer ay maaaring hilingin niya na bumalik ang oras bago pa mangyari ang lahat, sa gayon ay maiwasan ang mga bagay na nangyari. Ngunit nagulantang si Mer sa sinabi ni Jury na patayin siya kaya hindi na nabigyan pansin ni Mer ang iba pa nitong sinabi. Sapagkat hindi mamamatay tao si Mer kaya naman agad itong napatayo at nagsabi na hindi niya magagawa yaon. Tumakbo palayo si Mer dahil sa kaba sa salitang pagpatay at hindi na nagpunta sa tahanan ni Devon. Nalumbay naman ang naiwan na Jury. 

Sa tahanan naman ni Devon, pagkagising ni Rocco ay nakita niyang nagbibihis at nagaayos so Devon. Naghahanda ito para sa meeting niya sa mga kliyente sapagkat siya ang inaasahang magpapatuloy ng negosyo ng pamilya kahit na ang nais niya ay maging pintor. Ngunit dahil kinakailangan niyang gampanan ang tungkulin niya bilang anak ay ginawa niya ang inaasahan sa kaniya ng buo niyang pamilya at wala siyang magawa kundi tuparin ito. Alang alang sa reputasyon ng kaniyang pamilya ay alinsunod siya sa naisin nila. Sapagkat ayaw nila na mahalintulad sa isang kilalang negosyante na nasira dahil sa ugali ng kaniyang anak, na ipinahamak siya nito at isiniwalat ang pandaraya sa negosyo. Hindi naging sagabal ang kapansanan ni Devon sa pagtupad ng inaasahan sa kaniya ngunit naging sunod sunuran lamang siya sa kanilang gusto na parang tagapaglingkod at naisang tabi ang pagkakataong makaramdam gaya ng normal na tao. Kaya nang makilala niya si Rocco doon niya nailalabas kung sino talaga siya. Ang kaniyang damdamin at mga natatagong saloobin. Dahil dito ay tinutulungan naman niya si Rocco. Nakukuha niya ang kaniyang gusto dahil sa pera at sa pamamagitan ng kaniyang pagtulong kay Rocco sumusunod naman ito sa kaniya. 

Tumayo naman si Rocco mula sa higaan at lumapit sa kanya. Dumikit ito sa kaniya at umakap. Bumulong kay Devon na gusto niya sanang magkaroon ng magarang sasakyan. Natuwa siya sa regalo niyang motor ngunit dahil nag-iiba na ang panahon ay nag-iiba din ang pangangailangan ng tao. Kailangan niya ng magarang sasakyan hindi lang para makipagsabayan sa kaniyang mga kakilala kundi gagamitin din daw ito sa paghahanapbuhay. Tumanggi si Devon dahil sa kamahalan ng nais ni Rocco at napailing na parang mali ang ginawa niyang pagsanay kay Rocco sa ganitong bagay. Ngunit mapilit si Rocco kaya naman sinabi na lamang niya na may kakilala siyang maaari niyang mahiraman ng pera para dito, isang kilalang parlorista na may iba't ibang negosyo sa bayan. Batid ni Devon ang tangka ni Rocco para siya ay manibugho kaya naman hinamon na lang niya ito na mahal din ang kapalit. Inilapit ni Rocco ang kaniyang mukha sa mukha ni Devon na nanunukso at ngumiti, at nagsabi na kaya niyang ibigay ngayon din kung anoman ang hinahangad niya. Biglang may mga kamay ang lumabas sa dalawang hindi kalayuang paintings at tila ginapos si Rocco sa pader. Mula sa upuan ay lumipat si Devon sa kaniyang wheelchair at sinabi kay Rocco na huwag siyang hamunin nito. Nginitan lamang siya ni Rocco habang nakagapos ang mga kamay samantalang wala itong pang-itaas mula sa kaniyang pagkakabangon. Napataas ng kilay si Devon at mas lumapit sa katawan ni Rocco. Padampi na sana ang kaniyang labi nang nagbukas ang pinto at nakita sila ni Mer.

Dahil sa mga inaasahan sa atin ng nga tao sa paligid ay napipilit nitong baguhin o itago ang ating mga sarili. Upang maiwasan ang pagkadismaya ay may nabubuhay para mapagbigyan ang inaasahan sa kaniya. Matuwid bang ibigay ang hinahangad ng tao sa kaniya o mas mainam sundi ang nilalaman ng puso?

-6- PAGSISISI / REGRET

Nabigla si Mer sa nakita at hindi matiyak kung ano ang nangyayari sa kanila nang biglang sumigaw si Rocco ng tulong. Agad napalingon si Devon kay Rocco dahil sa pagtataka kung bakit napasigaw siya ng gayon. Napansin ni Mer ang pagkakagapos ni Rocco sa pader, na may mga kamay mula sa paintings ang nakagapos sa kaniyang mga kamay. Agad pumasok sa kaniyang isip ang alaala ng nawala niyang kaibigan. Sa galit ay naglabas ng matinding lamig ang kaniya katawan kaya nagyelo ang malapit na palibot ni Mer. Agad umalma ang mga nakapalibot na paintings sa nagbabantang panganib kaya inatake ng mga naghahabaan mga kamay si Mer mula sa paintings. Nagulat din si Rocco at Devon sa nangyari. Nag-alala si Devon sa maaaring isipin ni Mer sa nakita niya kaya agad niyang pinuntahan ito. Tinalunan siya ni Mer kaya siya biglang bumagsak sa sahig. Sinigawan niya si Rocco na tumakbo habang nakikipagbuno kay Devon. Ngunit hindi gumalaw si Rocco at naguguluhan kung ano ang gagawin. Umatake na naman ang mga kamay sa mga paintings ngunit sa pagharap ng mga palad ni Mer sa mga kamay ng paintings ay nagyelo ang mga ito. Naging pagkakataon ito kay Devon na tila lumaki ang pangangatawan at tumalon sa kama. Nagulat si Rocco sa nakita na nakakatayo na si Devon. Namangha din naman si Devon ngunit pangunahing isipin niya si Mer na nakakita sa kaniya. Umamin siya kay Mer na hindi siya lalaki pero hindi siya masamang tao. Nagpanggap siyang maging siya na nabibigay ang inaasahan ng mga tao ngunit kahit anong gawin niya hindi siya yaon. Kahit nalalaman niyang iba at mali ito ay hindi niya magawang magbago. Narito, nabago niya ang kaninyang katawan at nakatatayo siya ngunit siya parin yaon na may pagkababaeng pagkatao at mahinang emosyon. Gusto na niyang makawala sa kulungan ng kaniyang pagkatao at makahingang maluwag na walang pangamba sa iisipin ng iba. Gusto na niyang makalaya sa mapanghatol na mundo at bigyan naman niya ng pagkakataon sundin ang nilalaman ng kaniyang puso. Siya naman, siya naman ang masunod hindi ang kagustuhan ng ibang tao. Nakapangsisisi na hinayaan niyang maging gayon, hinayaan niyang kontrolin ng mga tao ang kaniyang buhay at magpahulma sa kung ano ang ibigin nila. Nagsisisi siya sa pagkakaroon ng mahinang pagkato na walang lakas ng loob para lumitaw. Ngunit hindi maunawaan ni Mer ang kaniyang sinasabi kaya siya ay sumagot na hindi na niya magagalaw si Rocco at ilalayo na niya ito sa kaniya. Nagmungkahi ito kay Devon sa galit kaya umalma ang mga kamay ng paintings at nagapos si Mer. Lumabas ang mga makukulay na halimaw sa mga paintings na gumagapos kay Mer. Patuloy ang paghigpit ng pagkakahawak kay Mer ng mga makukulay na halimaw kaya sa pagkasigaw niya ay nagyelo ang buo niyang harapan, ang mga makukulay na halimaw at maging si Devon. Nawala ang mga gumagapos na kamay kay Rocco at napaluhod na lamang sa sahig habang nakatingin sa nagyelong Devon. Nagliwanag ito, hudyat sa takdang paghiling ni Mer. Ngunit wala siyang maisip sa pagkakataon na iyon bukod sa ipaghiganti si Adrian at ang kaniyang sinisinta na si Princess. Kaya hiniling niyang mabigyan ng sakdal na katawan upang wala nang iindahing sakit si Princess. Agad may naramdaman si Princess na may nagbago sa kaniyang katawan at kaniyang tiningnan ang kaniyang mga bisig, narito, napakakinis. 

Kumalma si Mer at nahimasmasan. Doon niya namalayan ang nagawa niya kay Devon. Agad siyang nagsisi sa kaniyang nagawa at hindi niya alam ang kaniyang susunod na gagawin dahil nakapatay siya ng tao. Natakot siyang makulong at mapabayaan ang kaniyang pamilya. Doon niya naalala ang abogado na si Jury na maaaring makatulong sa kaniyang magiging kaso. Kaya hindi na niya nakamusta si Rocco na nakatulala din sa kaniyang likod. Agad na lamang tumakbo si Mer palabas at nagtungo sa tahanan ni Jury. Si Rocco naman na hindi makapaniwala sa kinalabasan ng mga pangyayari ay lumapit kay Devon at hinawakan ang nagyelong mukha nito sabay sabi ng paalam. Nadurog ang lahat ng nagyelo sa paligid kasabay ng pagsawalang kibo ni Rocco sa mga alaala niya kasama si Devon.

Noong bata pa lang sila ay nagkita sila sa bakuran nila ni Devon habang naghahanap si Rocco ng makakain sa kanilang basurahan. Naalala siya ni Devon kaya dahan dahan itong lumabas na nakasaklay at may dalang pagkain. Naupo sila sa isang tabi at kumain ng kumain si Rocco. Sinabihan siya ni Devon na maghinay hinay dahil hindi siya mauubusan ng pagkain sapagkat kung magkulang man ito ay bibigyan pa siya. Natuwa naman si Rocco sa narinig pagkat nais din niyang madalhan ng makakain ang kaniyang pamilya. Nagkakwentuhan ang dalawang bata at nagkapalagayan ng loob. Magkaiba sila ng mundong kinalakihan ngunit kapwa ninanasa ang katayuan ng isa't isa. Ang marangyang pamumuhay ni Devon at ang mapagmahal na pamilya ni Rocco. Sabi pa ni Devon kay Rocco hindi ibig sabihin ipinanganak siya sa taon ng mga baka at nakatakda na siyang maghirap gaya nito. Ang balat niya sa likod na hugis mukha ng baka ay hindi tanda ng paghihirap. May nakahanda nang kapalaran ngunit nasa tao ang pagpili kung sa landas ba ng paghihirap o sa landas ng kaginhawaan siya tatahak. Sinasabi niya ito dahil siya mismo ay hindi nakapili ng kaniyang landas bagkus hinayaan ang pamilya niya ang pumili ng mabuting landas na kaniyang tatahakin.

Tumakbong patungong tahanan ni Jury si Mer at nalampasan ang ika ikang naglakad na maitim na lalaki. Ito ay si Allen na kinukutyang uling dahil sa pagiging maitim. Lumaki siya sa mabagsik na kamay ng kaniyang lasenggerong ama na madalas bumubugbog sa kaniya. Kaya nagkaroon siya ng trauma at naging inferior sa lahat. Sa tuwing may nagtatangkang manakit sa kanya ay tila ba naninigas lang ang kaniyang katawan at hindi na siya makagalaw. Iniinda na lamang niya ang mga pananakit sa kaniya hanggang sa masanay na lamang ang kaniyang katawan sa mga hagupit ng bawat mapang-aping nilalang. Naiinis lamang siya na kahit anong bugbog sa kaniya ay hindi naman siya napupuruhan kahit na duguan na siyang umuuwi sa kanila ay hindi nag-alala ang kaniyang ama, dinadagdagan pa siya ng mga bagong latay sa pagiging duwag at lampa. Tinitingnan na lamang niya ang tanda ng cancer ♋ sa kaniyang kamay at nagtatanong sa sarili kung may katotohanan ba ang sinabi sa kanila na kapangyarihan sapagkat pagod na siyang magpabugbog. Sawa na siya sa araw araw na sakit ng katawan at pabibigay daan sa mapanakit na kamay ng mga tao. Gusto man niyang gumanti ay hindi naman niya kaya dahil sa takot na baka gantihan pa siya ng higit at matatalo din naman siya dahil wala siyang kasama, kailan man ay wala siyang naging kakampi. Bakit kailangan pang lumaban kung matatalo din naman, ika niya sa sarili.

Sa tahanan naman ni Jury, namangha siya sa pagbisita ni Mer. Inakala niya na papayag na ito sa kaniyang kahilingan ngunit napansin niya ang paghahabol hininga nito. Tinanong niya kung ano ang nangyari at doon niya nalamam na hindi sinasadyang pagkapatay kay Devon. Mabilis ang pangyayari at nadala sa ng pagkamuhi. Sa kwentong ito nakita ni Jury ang kahinaan ni Mer. Sapagkat hindi siya sanay sa matinding emosyon ay hindi alam ni Mer kung papaano niya panghahawakan ito. Sinabi ni Jury na maaari siyang tulungan nito ngunit sino ba ang maniniwala na siya ang may kagagawan ng pagyelo ng Devon. May maniniwala ba sa kapangyarihan nila. Kung paanong walang naniwala sa kaniya na ang mga nagsisiliparang gamit ang pumatay sa buo niyang pamilya gayondin ang mangyayari sa kanya. Dahil sa paghihiganti, naudyok sa pagkagalit si Mer na humantong sa pananakit ng kapwa. Sinabi ni Jury na may isa pa siyang kapangyarihan. Ito ang malaman ang katotohanan sa pamamagitan ng tinatawag niyang imperial equipment. Isang bagay na napalilitaw ng emperor upang gamitin sa kaniyang paghahari. Pinalitaw ni Jury ang timbangan ng Libra upang alamin ang katotohanan sa pagmatay ni Adrian. Sinalaysay ni Mer ang nangyari kay Adrian, na isang lalaki na may makamandag na latigo ang pumatay sa kaniyang kaibigan upang humiling na gumaling sa malubhang sakit. At ginamit nga ni Jury ang kapangyarihan ng kaniyang timbangan upang alamin kung sino ang may gawa niyaon kay Adrian. Habang nagliliwanag ang timbangan, sinalaysay ni Jury ang isa niya pang lihim na pinagsisihan. Ang itulak ang ika-13 bata sa apoy. Inilagay niya sa kaniyang kamay ang paghatol. Naging mamamatay tao na siya noon siya ay bata pa. Dinala niya ito hanggang sa paglaki at araw araw pinagsisisihan na may inosenteng bata ang namatay dahil sa kaniya. Kung maaari lamang sanang baguhin ang mga pangyayari hindi niya gagawin ang bagay na yaon. Sinang-ayunan siya ni Mer na maaaring may ibang paraan para makatakas sa sumpang yaon ngunit sila ay mga bata pa at walang kakayanan nakapagdesisyon ng maayos. Biglang tinatakan ni Jury ang kamay ni Mer at nagulat si Mer sa kaniyang ginawa. Ngumisi si Jury at sinabi kay Mer na ang pumatay kay Adrian ay si VenSom, isa sa mga batang nakasama nila noon, ngunit kamakailan laman ang nagtungo na ito sa ibang bansa kaya hindi na makapaghihiganti si Mer. Ang tanging paraan na lamang ay ang bumalik sa nakaraan. Nag-init ng mainam si Mer dahil sa nalaman man niya kung sino ay wala naman siyang magagawa sapagkat hindi niya kayang habulin si VenSom sa ibang bansa. Pero tumayo siya at nagsabi na walang makapipigil sa kaniya. Kapag gusto ay may paraan. Tinukso naman siya ni Jury kung muli ba siyang papatay ng tao, dahil kung magkagayon, nakahanda siyang mauna upang mahiling din ni Mer na makabalik sa nakaraan. Hindi pumayag si Mer ay nagtangkang umalis. Kaya inutusan siya ni Jury na huwag umalis. Kaya naman muli siyang humarap dito. Nagtaka si Mer sa kaniyang ginawa. Ipinaliwanag ni Jury ang markang itinatak sa kanya. Mas makapangyarihang tanda ito kumpara sa fingerprint, sa gayon mapasunod niya si Mer sa kaniyang nais. Hindi man niya maaaring utusan si Mer na paslangin siya, hindi naman ito makakaalis sa sumpa niya hanggat nananatili siyang buhay. Pinagdiinan ni Mer na hindi niya magagawang patayin si Jury lalo na walang ginawang masama ito laban sa kanya. Nagbigay kaisipan ito kay Jury, naalala niya na hiling sa pagkatao ang kayang ibigay ni Mer. Kung magkagayon, maaaring hilingin ni Jury na mag-ibang pagkatao upang kayanin at makalimutan niya ang mga sakit ng kalooban niya na nagpapahirap sa kanya. Nagdesisyon si Jury na tapusin si Mer. Hinubad ni Jury ang kaniyang gloves at nagsilutangan ang lahat ng mga gamit. Kahit ayaw ni Mer ay inihanda niya ang kaniyang sarili sa pakikipaglaban kaya nagsimulang lumamig ang kaniyang mga palad.

-7- MULI / AGAIN

Muling nabawasan ang bilang ng mg emperors nang mapagyelo ni Mer si Devon. Dahil sa pangamba ay napapunta si Mer sa tahanan ni Jury para humingi ng tulong ngunit nahulog siya sa patibong. Ang dating hangad na mapatay ay napalitan ng hangaring pumatay para magkaroon ng bagong pagkatao na kakayanin ang anomang dagok ng buhay. 

Samantalang ang lugmok na si Allen na nasa tulay ay muling binabalikan ang kaniyang nakaraan. Wala siyang maalaalang kasayahan kundi pawang pagtitiis lamang sa mga pananakit ng kaniyang lasenggerong ama at iba pang tao na umaabuso sa kaniyang hindi pagganti sa kanila. Dahil sa takot na maaaring mas lalo pang lumaki ang gulo at mas lalo siyang masaktan ay iniinda na lamang niya ang pananakit sa kaniya. Hangad lang naman niya ng mapayapang buhay. Walang gulo at walang pananakit. Ngunit ang kaniyang buhay ay isang walang katapusang bangungot na gusto na niyang matapos. Hindi na niya kayang magpatuloy pa sa  ganitong buhay, na pawang pananakit lamang. Kaya naman tumingin siya sa ilalim ng tulay kung sa pamamagitan ba nito ay matatapos ang kaniyang paghihirap at makakamit ang kapahingahan ng katawan na matagal na niyang inaasam. Nagsigawan ang mga tao nang makita nila si Allen na tila magtatangkang tumalon. Marami ang naglabasan ng kanilang cellphone para videohan ang inaabangan nilang pagtalon. May ilan ang tumawag sa mga pulis para pigilan siya ngunit halos lahat sa kanila ay nanonood lamang at nagpupustahan kung tatalon ba siya o hindi. Tuluyan ngang tumalon si Allen dahil wala na siyang makitang mabuti sa mundong ito subalit may biglang sumalo sa kaniya. Isang malaking robot mula sa pinagsama samang sasakyan na nagdaraan sa ilalim ng tulay. Nagsigawan ang lahat hindi dahil sa kamangha manghang pagkabuo ng robot mula sa mga sasakyan kundi dahil sa kalunoslunos na nangyari sa mga taong nasa loob nito. Kung papaanong nadurog at napisa ang mga laman nito nang mabuo ang imahe ng isang kampon na robot ay maihahalintulad sa pagtiris ng isang aratiris na pumipilantik ang laman nitong tamis. Napatitig si Allen sa robot na sumalo sa kaniya at naalaala ang sinabi ng nilalang na apoy na magkakaroon sila ng kapangyarihang maghari. Tumingin siya sa paligid mula sa ibabaw ng kaniyang robot at nakita ang mga tao na nagbubulong bulungan at kumukuha ng video sa kanya. Ang mga ibang sasakyan, makina at electronics na nasa paligid niya ay nagsamasama pa upang bumuo ng iba pang robot upang mangwasak at linisin ang paligid. Ang mga taong nasa palagid ay nagkamatayan at nagtakbuhang sumisigaw. Naging isang malawak na pamamaslang ang nangyari sa dakong yaon na tila pumapatay lamang ng mga langgam ang ginagawa ng mga naglalakihang robot. Hindi parin makapaniwala sa nangyayari si Allen ngunit nagkaroon siya ng matiwasay na pakiramdam habang pinadadaloy ang umaapaw na damdamin na matagal nang nakulong sa kaniyang puso. Nagpaulan naman ng bala ang mga pulis na dumating ngunit iningatan naman siya ng robot na may hawak sa kaniya at inubos ng mga ibang robot ang mga sumalakay na pulis. Maraming tao ang nadurog sa malubhang pagtapak, nagkalasoglasog sa matinding hagupit at hindi na malarawang ang sinapit ng iba pang mga katawan. Lumawak ang kaguluhan sa kapitolyo ng bayan at tinahak ng mga robot ang landas patungong kanilang tahanan bitbit si Allen habang winawasak ang lahat ng kanilang madaanan.

Napabalita kaagad ang pangyayaring ito sa media at nag-alarma sa lahat. Naglabasan ang mga tao sa kanikanilang tahanan para lumayo at magsitakas sa tila katapusan ng mundo dahil sa pananakop ng mga robot. Lumabas mula sa restaurant si Princess at nakita mula sa kalayuan ang mga nagwawalang robot kasabay ng pagliliparan ng mga bahagi ng gusali na kanilang madaanan. Makikita rin si Ram Ram na nasa labas ng kaniyang tahanan na naiiyak na sa naiisip niyang nalalapit na katapusan. Kinausap naman siya ng kaluluwa ni Adrian na si Mer ay nasa panganib at kasalukuyang nakikipaglaban kay Jury, ang emperor ng Libra ♎. Bumalik sa loob ng bahay si Ram Ram at nagtago sa kaniyang kumot. Hinihikayat naman siya ni Adrian na lumabas para tulungan si Mer sa gayon matalo nila si Jury. Sapagkat maaari nilang mahiling na bumalik ang lahat bago pa ang sakunang ito. Dahil sa sinabi niyang ito ay nabuhayan ng loob si Ram Ram at tumakbo palabas upang tulungan si Mer sa gayon makabalik na sila sa dati at maligtas sa kaguluhang ito. 

Nang marinig naman ni Rocco ang mga pagsabog sa labas ay agad siyang lumabas sa bahay ni Devon at nakita ang malawak na pagkawasak ng bayan mula sa malayo. Agad siyang tumakbo papuntang kaniyang bahay upang saklolohan ang kaniyang pamilya mula sa matinding pagkawasak. Dahil batid niya na isa sa mga emperors ang may kagagawan nito ay nagdudura siya sa lupa upang lumikha ng mga halimaw na bato. Kaya ang mga nakakita sa kaniyang ginawa ay siniblan ng matinding takot. Si Princess naman ay lumapit sa dako ng kaguluhan. Nakita niya ang mga nagwawalang robot at si Allen. Nagtaka siya na ang mababang loob na si Allen ang may kagagawan ng kaguluhang ito. Batid niya ang mabuting ugali ni Allen na hindi gumaganti ng masama sa masama kundi nagtitiis at nagpapaumanhin sa mga sumasamantala ng kaniyang kabutihan. Kaya tinawag niya ito at nagtangkang pigilan siya sa pangwawasak ng kanilang bayan. Lumuha si Allen at nagsabi sa kaniya na pagod na siya sa kasamaan ng mga taong nakapaligid sa kaniya na sumasagad sa kaniyang pasensya. Wala nang pagbabago ang taong masasama at hindi na kayang manatili pang walang ginagawa. Narito, ang taglay niyang kapangyarihan ang naging susi para ibigay ang nararapat sa kanila, lahat silang gumawa ng masama sa kaniya. Ngunit pinaalalahan ni Princess ang lahat ng kaniyang pagtitiis at kabutihan sa kapwa na mababalewala kung sa huli ay magpapakasama siya. Hinahangaan niya si Allen dahil sa tibay ng kalooban nito na hindi gumaganti sa kapwa kaya naman maging siya na ginagawan din ng masama sa paninira sa kaniya ng mga nakapaligid ay hindi rin gumaganti sa kanila. Natitiis niya ang mga bagay na ito sapagkat nalalaman niya na hindi siya mag-isa sa pagtitiis sa pagdurusa sa buhay na ito. Hinahangad niya din tapusin ang kaniyang buhay ngunit naging inspirasyon niya si Allen para magpatuloy. Kaya sinabi niya kay Allen na magpatuloy siya sa kaniyang kabutihan sapagkat hindi man niya nalalaman ay nagiging inspirasyon siya ng mga taong nasa paligid niya. Nangiti si Allen sa kaniyang narinig at muling nalumbay sapagkat huli na ang lahat para sa kaniya. Kung mamasdan ang kaniyang mga nadaanan ay marami na siyang napaslang at may marami oa siyang nais gantihan. Matagal na niyang kinikimkim ang galit sa kaniyang puso at naghahangad na makaganti kaya naman ngayon na nagkaroon siya ng lakas para maisagawa ito ay hindi na siya magpapaawat para ipatikim sa mga taong umapi sa kaniya ang pang-aapi na ginawa sa kaniya. Hindi siya kailanman naging mabuti kundi dahil sa kaniyang kahinaan ng loob ay naging tila mabuti siya sa kawalang ng lakas gumanti sa mas malakas sa kaniya. Ngunit sa kaniyang puso ay natanim at tumubo ang malalim na poot. Napaluhod sa dismaya si Princess na dahil sa masamang kapangyarihan na ibinigay sa kanila ang hinahangaan niyang tao ay napasama. Ang tunay na mabuti ay mananatiling mabuti hanggang sa huli at ang matiisin ay makapagtitiis hanggang katapusan. Sa sandali na ang tao ay gumanti ng masama sa masama ay maibibilang na din siyang masama at nawawalan ng saysay ang matagal na pinagtiisan kung susuko bago dumating ang huling araw.

Samantala sa tahanan ni Jury kung saan nagsara ang buong bahay ay nagsimula ang laban nila ni Mer. Ang mga nagsilutangang gamit ay umatake kay Mer mula sa iba't ibang direksyon. Dahil mabilis ang reflexes ni Mer ay naiiwasan niya ang mga ito at ang iba ay napagiging yelo. Ngunit ang dakong kanilang pinaglalabanan ay nasa ilalim ng kapangyarihan ni Jury kaya maging ang tinatapakan niyang gamit ay laban sa kaniya. Isang tinidor ang kamuntikan nang tumama sa kaniya ng may isang karpa ang sumalo nito para sa kanya. May iilang isda pa ang tila lumalangoy sa hangin ang pumalibot sa kaniya. Ngunit ano ang magagawa ng mga maliliit na isda ni Mer sa mga servants na kagamitan ni Jury. Muling umatake si Jury sa pamamagitan ng pagsugod ng mga kagamitan. Pailag na sana si Mer nang sinabi ni Jury na huwag siyang gumalaw ay tumigil siya sa paggalaw. Sinalo ng mga natitirang isda ang atake ni Jury. Lahat ng mga isda ay natalo ng mga kagamitan ni Jury at hindi pa makagalaw si Mer. Nagmamadali naman si Ram Ram kasama ang kaluluwa ni Adrian sa pagpunta sa tahanan ni Jury habang nagkakagulo. Maraming mga sasakyan ang naguunahan makatakas para hindi abutan ng mga papalapit nang robot. Nagsisigawan ang mga mayayaman sa takot dahil sa naririnig nilang mga pagsabog. Isang sasakyan ang huminto at may lalaking lumabas dito na sinisigaw ang pangalan na Yeng. Gayondin ang ginagawa ng iba pa, isinisigaw ang pangalan ng kanilang mga mahal sa buhay.

Lumapit naman si Jury kay Mer at sinabi sa kanya na siya ang pinakamalakas sa lahat ng emperors sa katunayan kaya niya siyang kontrolin. Sumagot naman si Mer na kahit magbago ang kaniyang pagkatao ay hindi mawawala ang katotohanan na nagkamali siya kaya dapat huwag na niyang ulitin pa. Magkaroon man siya ng bagong pagkatao, walang kasiguraduhan na mawawala ang kaniyang paghihirap sapagkat lahat ng pagkatao ay may damdamin kahit pilit itago. Bago ang huling atake ni Jury ay sinabi nya kay Mer na hindi niya kaya siyang patayin. Nagliwanag ang timbangan ni Jury kasabay ng pagliwanag ni Mer. Ngumiti si Jury at sinabi sa kaniya na nakita niya ang katotohanan. 

Samantala si Ram Ram ay nagmamadaling tumatakbo patungo sa tahanan ni Jury kahit na nahihirapan sa bigat ng katawan. May isang sasakyan na nagmamadali na humarang sa daraanan niya at isang lalaki ang lumabas dito na nagmamadali din na pumasok sa kanilang tahanan at sinisigaw ang pangalang Yeng. Muling bumalik si Ram Ram sa kaniyang sarili at napagtanto ang lumalalang sitwasyon ng bayan. Maraming nagtatakbuhan ng paroon at parito. Mga sasakyan at tao, maging ang mga hayop ay natataranta sa pagtakas, ngunit narito siya papunta kila Jury para tulungan si Mer sa halip na tulungan ang kaniyang sarili. Pinalakas ni Adrian ang loob ni Ram Ram, na ang pagtulong sa iba ay hindi agad nangangahulugan ng pagpapahamak sa sarili. Ang paggawa ng mabuti ay hindi magbubunga ng masama at kung tunay nga na ang araw na yaon ang magiging huling araw, hindi ba ang pinakamagandang magawa ay mabuting gawa na tiyak na hindi masasayang sa pagdating ng araw. Kaya naman ng nagpatuloy sa pagtakbo si Ram Ram papunta sa tahanan ni Jury sa gabay ni Adrian. Pagbukas ni Ram Ram ng pinto ay nakita nila na nagyelo ang buong paligid ng loob ng bahay at sa isang malaking yelo ay naroon sa loob si Jury na nagliliwanag. Lumingon sa kaniya si Mer na may walang ningning na paningin at nagsabi, ibalik mo ako... Nagliwanag ang buong paligid at sa pagdilat ng kanilang mga mata ay parang panaginip lamang at wala na ang kaguluhan.

Maraming bagay tayong nais balikan marahil nagbabalik ito ng kasayahan o dahil may nais tayong ituwid sa nakaraan. Ngunit anomang bagay ang nangyari ay nangyari na may kadahilan. Lahat ay nagkalakipkalip sa ikatututo ng bawat isa upang makita natin kung ano ang mabuti, magsisi at umiwas na sa pagkakamali. 

-8- BUHAY / LIFE

Natalo nga ni Mer si Jury at humiling na bumalik sa nakaraan. Dahil dito ay bumalik sa kapayaan ang buong bayan. Bago pa man ang pangyayaring ito ay makikita si VenSon na masayang umalis papuntang ibang bansa kasama ang buo niyang pamilya. Masaya siya dahil kinilala ang kaniyang mga pagsasaliksik at madalas na niyang nakakasama ang kaniyang pamilya sa pamamasyal. Ni hindi narin siya pinagbabawalan sa mga pisikal na gawain at itinuturing na mahina. Kaniya na ang buong atensyon kahit noon pa man at tinatamasa niya ang buong pagkilala ng lahat sa kaniyang husay at pagkadalubhasa. Ngunit isang dagok ang sumira ng kaniyang kasayahan nang malaman nila na may malubhang karamdaman din ang kaniyang kapatid na hindi na maagapan. Hindi siya makapaniwala na walang nakapansin nito at kung papaanong lumala ng husto ang kaniyang sakit ng gayon kabilis. Sinabi sa kaniya ng kaniyang kapatid na hindi napansin kundi hindi pinansin. Noong panahon na may sakit siya, ang buong atensyon ng pamilya ay nasa kaniya. Kaya nga siya ang iniingatan baka kung mapaano siya kung siya ay mapagod sa kaniyang mga ginagawa. Pinagbigyan siya sa lahat ng kaniyang pagsasaliksik habang salit salit sa pagbabantay ang kaniyang pamilya. Maging ang kaniyang kapatid ay nagbabantay sa kaniya baka bigla siyang mahandusay sa pagod at hirap ng kaniyang pinagsasaliksik. At sa tuwing may iniinda ang kaniyang kapatid ay hindi na napapansin sapagkat mas malala ang kalagayan ni VenSom na madalas na umaangal sa paghihigpit sa kaniya. Maging sa mga kagustuhan, mas napagbibigyan si VenSom dahil sa nalalaman nila na may taning na ang kaniyang buhay kaya lubos ang kanilang pagmamahal. Nakalimutan nila na mayroon pa silang isang anak na nangangailangan din ng kalinga, na maaari din magkasakit at may nararamdaman din. Ngunit gaya ng isang bagay, hindi pinahahalagahan habang maayos pa at mabibigyan lamang ng pansin sa oras na masira na. Pero sa kabila ng pag-iisang tabi sa kaniya ay mahal niya ang kaniyang kuya. Walang panahon na hindi siya nananalangin na gumalinh siya. Kaya labis ang kaniyang kasayahan nang gumaling ang kaniyang kuya sa kaniyang karamdaman at mas lalong umigting ang pamamahal sa kaniya ng kanilang mga magulang. Narito, nalalaman niya ang nararamdaman ng kaniyang kuya noong siya ay may sakit at sa anomang oras ay maaaring mawalan ng buhay. Napapaisip siya sa bawat sandali kung naging sapat ba siya bilang kapatid at bilang anak. Kung nagkaroon ba ng saysay ang mga nakalipas niyang araw. Kung ayos lang bang mawala ng walang naaabot at napapatunayan. Kung magiging gaya lang ba siya ng singaw na agad makalilimutan. 

Nagsisi si VenSom sa kaniyang pagiging makasarili. Buong buhay niya ay nakatingin lang siya sa kaniyang sarili. Ang halaga niya sa mundo at kaniyang husay na pilit niyang ipinagpaparangalan upang matakpan ang katotohanan na mayroon siyang malubhang karamdaman. Samantalang ginagamit din niya ang kaniyang sakit para magtamo ng atensyon at maiobliga ang pagbibigay daan sa kanya. May kinuha siyang buhay para humaba ang kaniyang buhay ngunit narito, binabawi sa kaniya ito sa pamamagitan ng buhay ng kaniyang kapatid. Ang kasalanan ay maaaring maitago ngunit hindi mapapawalang sala at makakaiwas sa kaparusahan. Ang panahon ay darating at hindi magiging sapat ang pagsisisi ng mga nakagawa ng masama sa kaparusahan na kanilang sasapitin. Walang magawa si VenSom kung panghinaan at mapaluha sapagkat hindi madudugtungan ng kaniyang pagkahusay at pagkadalubhasa ang buhay ng kaniyang kapatid. 

Ngunit sa isang kisap mata, nagulat si VenSom na nalipat siya ng lugar. Para bang nagising siya sa mahabang pagkatulog na naghabol ng hininga. Nagsalita ang isang nurse sa kaniyang tabi kung nabigla ba siya sa kaniyang pagkatusok. Si VenSom nga ay nasa hospital at kinukuhaan ng dugo para muling pag-aralan ang estado ng kaniyang di kilalang sakit. Pagkalabas niya sa hospital ay patuloy siya sa pag-iisip sapagkat nalalaman niyang nangyari na ang mga bagay ngunit naiba lang sa kaniyang mga naging reaksyon. Naalala niya ang araw na yaon, ang araw na sasalakayin niya si Adrian. Kaniyang napagtanto na bumalik siya sa nakaraan at naniniwala siyang isa sa kanila ang may kagagawan nito. Ngunit natuwa siya sa nangyari dahil maaari niyang maihiling na gumaling ang kaniyang kapatid. Kaya bago siya pumunta sa Kiyo's aquarium ay tinawag niya ang kaniyang kapatid at pinagbilinan na alagaan ang kaniyang sarili at kanilang mga magulang. Sinabihan niyang magpatingin sa doctor para hindi lumala ang kaniyang sakit na ikinabigla ng kaniyang kapatid. Humingi ng tawad si VenSom sa pagiging makasarili niya at nangako na babawi siya sa kaniya upang hindi maubos ang kaniyang oras sa pagsasaliksik kundi sa mabuo ng masayang alaala kasama sila. Dumating sa pagkakataon na nakita ni VenSom ang halaga ng buhay hindi dahil may halaga siya sa mundo kundi dahil may pinahahalagahan siya. Nagkakaroon ng hindi matumbasang halaga ang buhay dahil sa mga taong pinahahalagahan nito. 

Gaya ng dati ay maagang dumating si VenSom sa Kiyo's Aquarium para masira niya ang mga CCTV, habang ginagawa niya ito ay nagkita sila ni Adrian sa pool area. Iba sa orihinal na nangyari, nagkaharap si VenSom at Adrian ng mas maaga. Alam ni Adrian na hindi na niya mahihikayat si VenSom na tumigil sa kaniyang plano na inamin na niya noon. Napagtanto ni VenSom na may nalalaman si Adrian sa nangyayari. Sinabi ni Adrian na natalo ni Mer si Jury at hiniling na bumalik sa nakaraan para hanapin ang kaniyang buhay. Ngunit bago pa muling madungisan ang kamay ng kaibigan ay tatapusin niya ang gulong ginawa ni VenSom. Ngunit nagtindig si VenSom at sinabi kay Adrian na may kalamangan siya sapagkat nakita na niya ang kapangyarihan ni Adrian. Agad naghanda si Adrian at inilabas ang kaniyang mahiwagang banga gayondin naman si VenSom na inilabas ang kaniyang makamandag na latigo ngunit kasabay nito ay nagpasukang ang mga nagsisilakarang bangkay. Nakilala ni Adrian ang mga ito, ang mga kasamahan niyang nagtatratrabaho sa Kiyo's Aquarium na nauunang pumasok sa kanila. Naluluha si Adrian sa ginawa ni VenSom sa kanila ngunit nagdahilan si VenSom na mas mabigat ang kaniyang hiling ngayon kaya gagawin niya ang lahat para lumaki ang posibilidad na magwagi siya sapagkat nalalaman na ni Adrian na may lason ang kaniyang latigo. Matapos ang kanilang laban ay mas inalam niya ang taglay niyang kapangyarihan at nalaman niya na ang nalalagyan niya ng lason ang napapasunod niya bilang mga gumagalaw na patay. Nagkalat ang kaniyang mga makamandag na alakdan na lumalason sa mga malalapit na tao upang madagdagan pa ang kaniyang mga tauhan. Hindi masikmura ni Adrian ang kasamaang taglay ni VenSom kaya sa sumigaw siya ng malakas na hudyat para magsimula ang kanilang laban.

Muling binalikan ang nakaraan kung saan ngumiti si Jury sapagkat nagtagumpay siya sa kaniyang plano na matalo ni Mer. Nabuyo niya si Mer na makipaglaban hanggang kamatayan at nakita niya ito gamit ang kaniyang timbangan nang tanungin niya ito. Ngunit sa halip hilingin ni Mer na bumalik sa nakaraan noong sila ay bata pa ay hiniling na bumalik sa araw bago mapatay si Adrian upang siya ang pumatay kay VenSom bago pa niya masaktan si Adrian. Sa kaniyang paglingon kay Ram Ram matapos ang kaniyang hiling ay nabalik siya sa kanilang tahanan sa pagkisap ng kaniyang mata. Alam niya na bumalik siya sa nakaraan kaya naghanda siya agad at pinagmasdan ang kaniyang kamay kung naglalabas ba ng lamig. Pumunta siya sa silid ni Adrian ngunit wala siya doon sapagkat sabi ng kaniyang ina na maagang nagigising si Adrian para mag jogging. Masama ang kutob ni Mer kaya agad siyang napatakbo papuntang Kiyo's Aquarium. Nawala na ang tila walang pakiramdam na Mer kundi tumutubo ang pagkamuhi niya kay VenSom kaya napagyelo niya ang daan at tumatawag ng mga isdang nasa paligid. Namangha na may kasamang takot ang mga nakakita na nagsisipalibot sa kaniya ang mga isda na lumulutang na patuloy na nadadagdagan. 

Huling nakita naman ni Ram Ram ang paglingon ni Mer at sa pagkisap niya ay nabalik na siya sa kaniyang tahanan. Malayolayo ang kaniyang tahanan sa Kiyo's Aquarium kaya naman agad siyang napalabas at tumakbong papunta dito. Tinatawag niya si Adrian ngunit ibang mga kaluluwa na may ngalang Adrian ang nagsisilapit sa kaniya. Naalala niya na bumalik sila sa nakaraan kaya buhay na pala si Adrian. Nakita naman siya ni Princess na nagmamadaling tumatakbo at nagtataka din na bumalik siya sa kanilang tahanan samantalang naalala niya na may mga higanteng robot ang sumisira ng bayan. Kaya hinarangan niya ito sa pagtakbo upang alamin kung ano ang nangyayari. Nalaman niya na bumalik sila sa nakaraan para makapaghiganti si Mer sa pumatay kay Adrian. Kaya tumakbo sila pareho papuntang kapitolyo kung saan naroon ang Kiyo's aquarium. Habang tumatakbo ay tinanong siya ni Ram Ram kung nalaman na rin ba niya ang kaniyang taglay na kapangyarihan. Napaisip si Princess sa mga nangyari sa kaniya kamakailan at may naalala siyang isang bagay ngunit hindi niya ito inamin kay Ram Ram, sa halip sinabi na hindi pa niya nalalaman.

Nagsilabasan ang maraming slimes sa mahiwagang banga ni Adrian at nagsimulang umatake na pinigilan ng mga patay ni VenSom. Agad pinalutang ni Adrian ang malaking bahagi ng tubig sa pool upang ihagis kay VenSom. Ngunit mabilis na nakaiwas si VenSom at gamit ang latigo ay nakakapaglambitin siya. Muling naghagis ng malaking bolang tubig si Adrian kasabay ng pag-atake ng mga slimes. Ngunit mas mabilis si VenSom ngayon kumpara noon at may nadadagdag sa mga bangkay na sumusugod kay Adrian para siya ay atakihin. Mabagal man ang mga bangkay ay hindi naman sila mapigilan ng mga slimes sapagkat mga patay na sila. Kaya naman pinagtipon tipon ni Adrian ang mga slimes at sabay sabay nagsitalunan kay VenSom ngunit ipinaikot ni VenSom ang kaniyang latigo na parang ipoipo na gumapi sa mga slimes. Ngumiti si VenSom sa kaniyang nalalapit na pagkapanalo nang biglang dumating si Mer at isinigaw ang pangalan ni Adrian. Lumingon si Adrian kay Mer ngunit nagkalaglagan ang mga alakdan mula sa itaas at nilason si Adrian. Nagimbal si Mer sa nasaksihan na harapharapang nilason ng mga alakdan si Adrian. Abot kamay na niyang maliligtas sana si Adrian ngunit muli siyang huli sa pagligtas sa kaniyang kaibigan. Ang nangyari nga sa nagdaan ay nangyari uli. Sinalo ni Mer si Adrian sa kaniyang pagbagsak. Humingi ng tawad si Adrian kay Mer na hindi niya nagawang maiwas si Mer sa paghihiganti. Inihiga ni Mer si Adrian at hinarap si VenSom na matagal na niyang hinahangad tapusin. Agad pinasugod ni Mer ang mga kasama niyang naglulutangang isda ngunit napagpirapiraso ito ni VenSom sa pamamagitan ng kaniyang latigo. Tumalon paatras si VenSom at pinasugod ang kaniyang mga kampon na bangkay at gayon din naman si Mer ay pinasugod ang iba pang mga isda na unti unting kinakain ang mga bangkay. Maya maya pa ay biglang tumalon mula sa pool ang isang malaking pating at pinagpipirapiraso ang mga bangkay. Ngunit biglang nagliwanag si Adrian hudyat ng pagkawala ng kaniyang buhay at paghiling ni VenSom patungkol sa kagalingan. Humingi ng tawad si VenSom at kaniyang hiniling na gumaling ang kaniyang kapatid. Sa galit ni Mer ay nakapagpalabas siya ng lamig mula sa kaniyang kanang kamay at tinamaan ang kaliwang bahagi ni VenSom. Namutla at natumba ito sa tindi ng lamig. Nilapitan naman ni Mer si Adrian na nawalan na ng buhay at humingi ng tawad na hindi niya siya naligtas. May bigla naman tumawag sa cellphone ni VenSom na kaniya agad sinagot habang nakahigang nanghihina. Ito ang kaniyang kapatid na masayang ibinalita sa kaniya na isang milagro ang nangyari na wala na ang bakas ng kaniyang karamdaman sa nakuhang dugo sa kaniya. Nagulat si VenSom na wala na pala siyang sakit subalit huli na ang lahat, sapagkat pawala na rin siya. Ngunit ang mahalaga para sa kaniya ay napagaling na ang kaniyang kapatid. Bago niya binaba ang cellphone ay nagpaalam si VenSom sa kaniyang kapatid at nagpasalamat na dahil sa kaniya ay natutunan niyang huwag hanapin ang kaniyang sarili bagkus paghalagahan ang iba. Tinawag niya si Mer at sinabi na nakuha na niya ang kaniyang kailangan kaya naman maaari na niya siyang patayin. Sa oras na mapatay siya ni Mer ay maaari niyang hilingin na buhayin si Adrian. Nagtaka si Mer at tinanong si VenSom kung pinagplanuhan niya ang lahat ng ito. Sinabi ni VenSom na sa mga nagdaan na panahon ay natutunan niya ang halaga ng buhay. Ang halaga ng buhay niya ay hindi maaaring itumbas sa buhay ng iba dahil magkakaiba ang halaga ng bawat buhay at hindi mahihahalintulad. Ang halaga ng buhay ay nasa mga taong nagpapahalaga din nito. Naisakatuparan na niya ang layon ng kaniyang buhay sa pagliligtas ng kaniyang kapatid kaya isasauli ang kaniyang kinuha na buhay kapalit ng kaniyang buhay. Tumindig at lumapit si Mer kay VenSom na may magkahalong damdamin na pagkaawa at pagkamuhi. Nakakaawa sapagkat nagipit siya ng kaniyang kalagayan at sa pagnanasang humigit sa tinakdang hangganan ay mas lalong gumulo ang kaniyang buhay. Isasagawa na sana niya ang minungkahi nito na hilingin na muling buhayin si Adrian ngunit dumating si Ram Ram na sumisigaw buhat buhat si Princess na nanghihingalo. Nakamandag si Princess ng mga alakdan sa kanilang pagpasok at narito, nahihirapan si Princess sa tindi ng lason. Subalit dahil sa hiling na magkaroon siya ng sakdal na katawan ay patuloy na sinusubukan labanan nito ang kamandag. Nangamba si Mer dahil ilang sandali lang ay hindi kayang pigilan ng katawan ni Princess ang pagkalat ng lason. Paglingon ni Mer kay VenSom ay nangisi ito at nagsabi na hindi lang naman siya ang nagkagulo gulo ang buhay. Nagpaalam ito sa kaniya at hinamon na piliin ang bagay na hindi niya pagsisisihan sa huli. Hindi na alam ni Mer ang kaniyang hihilingin, ang buhay ba ng kaniyang kaibigan o ang kaniyang sinisinta na si Princess. Ano ang dapat niyang sundin, ang kaniyang puso ba o ang kaniyang isip?

Ang halaga ng buhay ay nasa dinadalang buhay nito. Kaya naman nagiging mahalaga dahil may nag-alay ng buhay para dito at nagiging mahalaga pa dahil nahahandang ibuwis para sa buhay ng iba.

-9- NAKALIHIM / HIDDEN

Nagmamadaling bumalik ng tahanan si Rocco nang sa isang iglap ay nagbago ang lahat. Isang pinto ang nagbukas sa kaniyang harapan at sinupresa siya ng mga tauhan ni Devon sa dala nilang motor para sa kaniya. Naalala ni Rocco ang araw na yaon at muling naramdaman ang pagkasabik at tuwa nang una niyang makita ang kaniyang motor. Ngunit unti unti itong naglaho sapagkat nauunawaan niya na nangyari na yaon at muli lamang siyang bumalik sa nakaraan. Nagtaka ang lahat nang tila hindi siya natuwa. Tinanong niya ang kaniyang ina kung tumatanggap ba siya ng tulong kay Devon bukod sa inaabot niyang panggastos. Nalaman niya na maging ang kaniyang kapatid ay tinutulungan ni Devon sa gastusin sa kaniyang pag-aaral. Kaya agad siyang tumakbo patungong tahanan ni Devon sapagkat kung tama ang kaniyang kutob na bumalik siya sa nakaraan ay makikita niya si Devon.

Samantala, isang lalaki ang nakatanggap ng tawag mula sa kaniyang kapatid at siya ay inutusang manatili sa silid niya sapagkat siya ay darating. Napikon ang lalaki sa pautos na sabi ng kaniyang kapatid. Siya si Yeng, isa sa labingdalawang bata na binigyan ng kapangyarihan at tanda ng gemini ♊. Ang batang tumutol na may isang iaalay sa nilalang na apoy ngunit hindi pinakinggan. Lumaki siyang hindi pinakikinggan ng kaniyang mga magulang sapagkat mababa ang tingin sa kaniya nito. Ang lagi nilang inaasahan at pinagmamalaking anak ay ang kaniyang kakambal na si Yang. Kaya naman malaya siyang nagagawa ang gusto niya huwag lamang dudungisan ang sagradong pangalan ng kaniyang pamilya. Hindi siya nagkaroon ng tinig para pakinggan kahit may mga mungkahi siya sa kanilang negosyo. Tanging ang kaniyang kapatid lang ang magaling para sa kaniyang mga magulang at siya ay binabalewala. Hindi siya binibigyan ng kaniyang kapatid ng pagkakataon na magpakitang gilas bagkus sinasabihan siya nito na magpakaligaya na lang siya sa ginagawa niya at siya na ang bahala sa kanilang negosyo. Walang nakabatid na mahusay din si Yeng, kaya ibinuhos na lamang niya ang kaniyang husay sa pagsusulat sapagkat dito ay maaari siya maging ibang tao. Maraming humanga sa kaniyang mga akda at madalas na nakakatanggap ng mga liham dito siya nakasumpong ng mga sumusuporta sa kaniya. Kahit na hindi niya magawang magpakilala sa kaniyang mga tagahanga ay naramdaman niya ang pagkakaroon ng kakampi sa kaniyang mga ginagawa. Ngunit hindi pinahalagahan ng kaniyang pamilya ang kaniyang mga akda at nananatiling ang kaniyang kakambal na si Yang ang bukang bibig ng mga ito. Samantala ang kaniyang kakambal ay lagi siyang minamaliit na manatili na lamang siya sa pagsusulat dahil wala siyang kinabukasan sa kanilang negosyo at wala siyang dapat patunayan pa sa kaniyang pamilya, na habang siya ay nabubuhay ay di niya hahayaan iparanas kay Yeng ang nararanasan niya. Dahil dito ay tumindi ang kaniyang pagkamuhi sa kakambal. 

Pagdating ni Yang sa kanilang tahanan ay agad siyang sinunggaban ng kanilang mga tauhan at sinaksak siya ni Yeng. Ikinagulat ni Yang ang ginawa ng kaniyang kapatid at mga tauhan. Habang nanghihina siya dahil sa unti unting pagkaubos ng kaniyang dugo ay tinapakan ni Yeng ang kaniyang anino. Ang anino nga ni Yang ay humiwalay sa kaniya at naging si Yang. Samakatuwid, ang lahat ng mga tauhan nila ay pawang mga alagad na ni Yeng na nagmula sa mga anino ng mga totoo nilang tauhan. Kung anong nangyari sa kanila ay walang nakakaalam. Bago malagutan ng hininga si Yang ay humingi ng tawad ito kay Yeng. Ngumiti si Yeng na may kasamaan at nagsabi sa kaniyang mga alagad na panahon na niyang maghari sapagkat nagsisikilos na ang ibang emperors para magpalawak ng kaharian. Ipakikita niya sa buong mundo na nagkamali sila sa pagbaliwala sa kaniya.

Pagdating ni Rocco sa bahay ni Devon ay agad niyang hinanap ito. Nasumpungan niya ito na nakaupo sa kaniyang wheelchair. Binati at kinamusta siya nito kung nagustuhan niya ba ang kaniyang regalo na motor. Nainis si Rocco at pinatigil siya sa pagpapanggap na hindi siya nakalalakad sapagkat nakita niya ito na nakakatayo. Ngumisi si Devon sa kaniya at tinanong siya kung sino sa kanilang dalawa ang nagpapanggap. Siya na nakaalam lamang na nakatatayo siya nang makaharap si Mer sa pamamagitan ng kaniyang kapangyarihan o siya na may matagal nang lihim sa kaniyang puso kaya nagawa niyang palabasin na siya ang masama. Kumisig ang katawan ni Devon at tumayo mula sa kaniyang wheelchair. Tinanong niya si Rocco kung bakit niya nagawa yaon, kung saan siya nagkulang kung lahat naman ay ibinigay niya mapangiti lang siya. Bakit di niya sinabi noong una pa lang na ayaw na niya at bakit hindi niya inamin na may kinagagalit siya baka sakaling naayos pa ang tungkol sa kanilang dalawa. Umamin si Rocco na matagal na niyang ayaw dahil palagi na lang si Devon ang nasusunod. Kung minsan ginagamit pa niya ang kaniyang sitwasyon para makuha ang gusto niya. Nagpapasalamat siya sa tulong niya ngunit may puso din siya na may nais na iba. Nagalit si Devon kung dahil lang dun ay sinaraan siya nito. Kung dahil sa naiinis na siya sa pagiging madikit niya at mapilit na paghangad ng pagpapahalaga mula sa kaniya ay nagawa niyang pasamain siya sa harap ni Mer. Sinabi ni Devon na natatanaw na niya mula sa malayo ang dahilan kung bakit niya nagawa ito. Kung bakit mas hinangad niyang maging masama siya sa mata ng iba kaysa madamay siya. Sapagkat mahalaga din para kay Rocco ang tingin sa kaniya ng iba. Pero hindi niya matanggap na itinapon ni Rocco ang lahat ng nagawa niyang mabuti para lang iligtas ang kaniyang sarili sa kahihiyan at maaaring masamang pagtingin sa kaniya ni Mer at iba pa kapag nalaman kung anong namamagitan sa kanila. Naglabas ang mga naglulutang paintings at pumalikod kay Devon. Mula sa pagkakatayo ni Rocco ay makaitlo siya dumura sa sahig upang magpalitaw ng halimaw na bato. Nagkatitigan ang dalawa at nagpapakiramdaman kung sino ang unang gagalaw.

Samantala sa tahanan nila Yeng ay dumating ang kaniyang Ama at Ina. Pagpasok nila ay sinalubong sila agad ni Yang at binati. Ngunit sinampal siya ng kaniyang ama at pinagalitan sapagkat malaki ang mawawala sa kanila kapag hindi nila nakuha ang project. Nainis ang kaniyang ina na nagawa niyang iwan ang mahalagang meeting para umuwi at mas lalo pang nainis kung dahil lang ito sa walang silbi niyang kakambal. Doon napansin ng kaniyang ina ang isa pang Yang sa loob ng bahay na nakahandusay at duguan. Nakita din ng kaniyang ama ito kaya tinanong niya ang kanilang kaharap kung si Yeng ba ito. Sumagot naman si Yeng mula sa kadiliman at unti unting nagpakita. Sinabi niya na anino lamang ni Yang ang kaharap nila at siya ay kaniyang alagad. Dahil sa kanila kaya niya nalaman ang taglay niyang kapangyarihan. Nang may dumukot sa kaniya sa pag-aakalang siya ay si Yang at naghangad ng malaking halaga ng salapi kapalit ng kaniyang buhay ay hindi pumayag ang kaniyang magulang. Sa halip ay inilapit nila ito sa kapulisan kahit na binalaan ng mga dumukot na mapapasapanganib ang kaniyang buhay kapag nagsumbong sila sa pulis. Dahil sa ginawa ng kaniyang pamilya ay natakot ang mga dumukot kaya nagtangka itong patayin si Yeng ngunit dahil natatapakan ni Yeng ang anino ng isa sa mga dumukot sa kaniya ay humiwalay ito at naging ito upang tulungan si Yeng sa panganib. Sapagkat nababalot ng kadiliman ang dakong yaon ay malakas ang taglay niyang kapangyarihan at napalamon sa kadiliman ang mga dumukot sa kaniya. Tulala siyang natagpuan ng kaniyang kakambal at nagsimulang pumasok ang mga kapulisan para iligtas si Yeng. Nagbanta si Yeng sa kaniyang mga magulang na magagaya din sila sa sinapit ng tunay na Yang ngunit hindi niya kukunin ang kanilang anino sapagkat wala silang halaga para sa kaniya hindi gaya ng kaniyang kakambal na magagamit niya ang pinagsama nilang kakayahan para pagharian ang buong bansa. Tatakbo sana sila palayo ngunit hinarang sila ng iba pang mga tauhan ni Yeng na nasa likod. Mula sa di kalayuan ay maririnig ang malagim na sigaw ng kaniyang mga magulang.

Binalikan ni Devon ang mga masasayang alaala nila ni Rocco bilang magkaibigan. Ang kasayahang nadarama niya sa tuwing tinutulungan niya si Rocco ay nakalalasing. Napakasarap madama ito sa araw araw kaya hindi na niya pinansin ang sarili niyang pangangailangan o kung lumalabis na siya sa pagtulong. Basta mayroon siyang pagkakataon makatulong ay tumutulong siya. Ang damdamin na kailangan siya ay nagdadagdag sa kaniyang halaga. Ngunit kung lahat yaon ay hindi totoo, kung magkagayon, ang halaga din niya ay hindi totoo. Nag-aalab ang kaniyang damdamin sa pagkamuhi sa kaniyang sarili sapagkat hindi niya napansin kung kailan nagsimula ang pagiging hindi totoo ni Rocco. Nainis si Rocco sapagkat sa kaniyang pananaw nagmamalinis si Devon at pinalalabas siya na masama sa pagsasamantala sa pagiging mapagbigay ni Devon, na para bang nakipagkaibigan lang siya dahil sa kaniyang kayamanan. Dahil dito ay sinagot siya ni Devon na siya ang nagsabi at sa kaniya nagmula ang kaisipan na yaon. Sa inis ni Rocco ay pinasugod niya ang kaniyang tatlong halimaw na bato ngunit ginapos ng mahahabang kamay mula sa paintings ang mga ito. Kaya naman muling gumawa ng dalawa pang halimaw na bato si Rocco na sumugod kay Devon. Ngunit may iba pang kamay ang naglabasan sa iba pang paintings na gumapos sa mga ito at sa tatlong natirang paintings ay lumabas ang nakapinta dito. Isang mandirigma na nasa kabayo, isang lumang modelo ng sasakyan at isang puting kambing na sabay sabay na sumugod kay Rocco. Muling naglabas ng dalawa pang halimaw na bato si Rocco na pumigil sa pagbangga ng sasakyan at nakipaglaban sa mandirigma na nanggaling sa painting. Samantala patuloy sa paghabol ang kambing sa kaniya at sa kaba dahil maaabutan na siya ng kambing ay doon siya napadura. Tumigil ang kambing at unti unting naging bato mula sa dakong naduraan. Nakita ni Devon ang nangyari kaya agad itong tumakbo palayo sapagkat lahat ng mga paintings ay may ginagapos na halimaw na bato. Pumasok si Devon sa kaniyang silid at kinuha ang kaniyang panulat. Baka sakaling gumana ay gumuhit ng malaking bilog si Devon sa pader. Lumabas ito bilang isang malaking bato at ipinagulong kay Rocco. Kinabahan si Rocco dahil maiipit siya ngunit wala siyang matatakbuhan kaya humanda siya para pigilan ito. Kamangha mangha na napigilan ito ni Rocco. Si Rocco ay may angking kalakasan ng katawan ngunit hindi inakala ni Devon na kaya niyang mapigilan ang ganoon kalaking bato. Kaya naman agad siyang gumuhit sa pader ngunit palapit na si Rocco. Nagmadaling gumuhit si Devon ng isang malaking hayop ngunit sa paglingon niya kay Rocco ay sinira nito ang kaniyang damit at natigilan si Devon sa kaniyang ginagawa. Sinamantala ito ni Rocco at dinuraan si Devon. Sinalag ni Devon ng kaniyang kaliwang kamay na unti unting naging bato. Kaya walang atubiling winasak ni Devon ang kaniyang kaliwang kamay upang mapigilan ang pagiging bato ng kaniyang buong katawan. May kurot man ng awa si Rocco ay lumapit ito sa naghihirap na si Devon upang tapusin. Sinipa niya ito at napatumba. May kirot sa kaniyang kalooban ngunit hindi niya ito pinansin bagkus nagpag-agos sa daloy ng pangyayari at nahahandang tapusin na ang lahat. Tiningala siya ni Devon at siya ay sumigaw. Mula sa putol na kamay ni Devon ay may naglabasan na ugat at bumuo ng laman na naging bago niya kamay. Ngunit hindi tumigil doon ang paglago kundi patuloy na lumalaki ang kaniyang malahalimaw na bisig at kamay. Parang isang kisap na mata nang mabuo muli ang kamay ni Devon at naging kasing laki ng Tao. Humaba ito at tumulak kay Rocco hanggang sa tumama sa pader. Nanghina si Rocco at nainis sapagkat matatalo siya ni Devon. Hindi niya matanggap sa kaniyang sarili na matatalo siya ni Devon, kahit noon pa. Ayaw niyang maging talunan kay Devon. Bakit siya magiging talunan? Noong nagkaroon siya ng kakayanan doon niya naisip na hindi dapat siya maging sunodsunuran kay Devon. Di hamak na mas malakas si Rocco kay Devon kaya kung nakuha ng Devon ang lahat ng tinatamasa niya ay gayon din so Rocco. Makukuha niya din ang lahat ng hinahangad niya. Iminulat ni Rocco ang kaniyang kanang mata at natanaw mula sa di kalayuan ang nakadapang si Devon na nanghihina din. Nang mapansin na titingin sa kaniya si Devon ay agad siyang pumikit at umungol na animo'y hinang hina. Nilaksan pa niya ang kaniyang pag-ungol na parang hirap na hirap sa iniindang sakit. Narinig ni Devon ang kaniyang nahihirapang ungol at naramdaman ang hingal ng buong katawan nito sa kaniyang malaking palad. Tiningnan ni Devon ang kaawa awang kalagayan ni Rocco at tinanong ang sarili kung bakit sila umabot sa ganito. Naramdaman ni Rocco ang paggaan ng kamay ni Devon at nangiti. Nanlaki ang mata ni Devon nang mapansin niya ito at pagtingin niya sa kaniyang likod ay isang halimaw na bato ang nahahandang bumagsak sa kaniya na tumalon pa mula sa malayo. Natapakan nga si Devon ng natirang halimaw na bato mula sa naglalaban na servants sa kabilang silid. Hindi kaya ng katawan ni Devon ang bigat ng halimaw na bato at dahil sa pwersa sa pagkabagsak nito ay agad siyang nalugatan ng hininga. Nakabitaw nga ang malahalimaw na kamay ni Devon kay Rocco at siya ay nagliwanag hudyat ng sandali na hihiling na si Rocco. Hiniling ni Rocco na ang kaniyang katawan ay maging napakalakas pa na magpapahumaling sa kaniyang sinisinta. Nagliwanang nga ang katawan ni Rocco at tuluyan ngang natalo muli ang emperor ng Capricorn ♑.

Sa puso nakatago ang lahat ng bagay. Nalilihim ang tunay na saloobin at hangarin sa buhay. Walang nakatatanto kung ang isang bagay ba ay totoo o hindi. Wala ni isa kundi siyang may kakayanan tumarok ng puso ng tao.

-10- API / BULLIED

Sa pagbalik sa nakaraan ni Allen ay siya ay nahandusay sa lupa. Kasalakuyan pala siyang inaapi at pinagkakatuwaan ng isang grupo ng mga kalalakihan. Nagtataka siya sa nangyari. Panaginip lang ba ang mga nangyari dahil tila agaw buhay na siya sa pagbubuhbog ng mga lalaki. Habang pinagtatawanan ng mga lalaki ang kalagayan ni Allen ay tumayo siya at sumigaw. Nilusob niya ang isang lalaki at sinapak. Tumilapon ito sa lupa. Nagulat ang iba sa kaniyang ginawa. Kaya lalong nagalit ang mga ito at mas binugbog si Allen. Nanghihina na si Allen sa tinamo niyang mga suntok at tadiyak. Nakita niya mula sa pagkakahandusay ang isang lalaki na naglabas ng patalim para siya ay patayin. Tumindi ang galit ni Allen sa kaniyang loob at nagtalo ang kaniyang sarili kung hahayaan na lang ba niya ito o lalaban siya. Naalala niya ang kaniyang kabataan na binubugbog siya ng kaniyang lasing na ama. Dumating ang kaniyang ina para pigilan ang kaniyang ama ngunit sa halip ang kaniyang ina ang napagbuntungan ng galit ng ama. Ang kaniyang ina ang sumalo ng mga suntok at tadiyak ng kaniyang ama habang siya ay naninigas sa takot. Nais niyang tulungan ang kaniyang ina ngunit pinangungunahan siya ng takot. Nakita niya ang mukha ng kaniyang ina habang walang habag na binubugbog ng kaniyang ama at pagtingin nito sa kaniya na namamaalam. Tandang tanda niya ang mabagal na pagpikit ng kaniyang ina. Sumiklab ang takot sa kaniyang puso at nilamon siya ng kawalan ng malay. Bigla siyang nahimasmasan at bumalik sa kasalakuyan na nalalapit na ang lalaking nahahanda na siya ay saksakin. Sa tindi ng kaniyang pagkamuhi sa lahat ng tao na nang-api sa kaniya ay naging bakal ang kaniyang bisig at naging pangsipit ang kaniyang kamay na gaya ng sa alimango. Sa paglapit ng lalaking may patalim ay kaniya itong sinuntok sa dibdib. Hindi niya namalayan ang pagbabago ng kaniyang kamay na tumuhog sa katawan ng lalaki. Nilamon ng galit ang buong pagkatao ni Allen at nangiti sa kaginhawaan na kaniyang natamo matapos niyang makaganti sa ginawa ng lalaki. Natakot ang iba pang lalaki at nagpasimulang magsitakbuhan ngunit hinabol sila ni Allen. Ang kaniyang kaliwang kamay ay nagbago din at naging isang pangsipit na pinutol ang binti ng isa sa malapit na lalaki. Samantala sa kaniyang kanan ay pinugutan ang lalaking malapit sa kaniya. Hinabol niya ang iba pa at isa isa niyang pinagpipirapiraso ang mga bahagi ng kaniyang maabutan. At sa mga nakalayo na, itinutok niya ang kaniyang kanang pangsipit. Isang bolang baka ang lumabas sa kaniyang sipit na parang kanyon. Tumama ito sa nagsisitakbuhan na mga lalaki at sumabog. Nagsitalsikan na lamang ang mga lamang loob nito sa paligid. Ang mga taong nakakita nga ay nagsigawan at nagsitakbuhan. Binalikan naman ni Allen ang mga naiwan niyang buhay na lalaki. Yaong mga naputulan lang ng kamay at paa. Takot na takot ang mga ito ngunit hindi makatakbo. Ginupit ni Allen sa gitna ng kaniyang ulo ang isang lalaki at isa naman ay dinurog ito. Ang Allen na nagtatago sa kaniyang sariling anino ay lumabas na punong puno ng natatagong poot sa mundo.

Sa dako naman nila Mer kung saan nahihirapan siya kung ano ang hihilingin. Ang buhay ba ng kaniyang yumaong kaibigan o ang buhay ng kaniyang minamahal. Tiningnan niya si Adrian at nagbago ang kaniyang mukha na tila nawalan ng emosyon. Hiniling niya na magkaroon ng walang hanggang buhay si Princess. Napamulat ng mata si Princess sa hiniling ni Mer. Ngunit sa halip na makapagsalita ay napasigaw sa sakit si Princess. Patuloy ang paghihirap si Princess dahil sa kamandag ng alakdan. Nagtaka sila kung bakit hindi nawala ang dinaramdam ni Princess. Sumigaw si Ram Ram at tinanong ang bangkay ni VenSom kung bakit hindi mawala ang kamandag sa katawan ni Princesses. Sapagkat tinawag ni Ram Ram ang ngalan ni VenSom at kumitaw ang kaluluwa nito sa kaniyang harapan. Hindi natakot o nabigla si Ram Ram nang makita niya ito muli. Sinagot siya ni VenSom, na ang kaniyang kahilingan kayang tuparin ay tungkol sa buhay at hindi sa pagpapagaling. Kung magkagayon, mananatiling buhay si Princess dahil sa kahilingan ni Mer ngunit pahihirapan siya ng kamandag na nagkalat na sa kaniyang katawan. Hindi na alam ni Ram Ram ang gagawin at pinagmamasdan na lamang niya ang nagdurusang si Princess. Ang walang emosyon na mukha ni Mer ay tumingin kay Ram Ram at nagsabi sa kaniya na mayroon pang paraan. Si Allen.

Si Allen na tuluyan na ngang kinain ng kasamaan nang mailabas ang naipon niyang galit sa kaniyang puso. Naging bakal ang buo niyang katawan at mabagal siyang naglakad mula sa kapitolyo papunta sa kanilang tahanan. Binabalak na gantihan pa ang lahat ng tao na nang-api sa kaniya sa kanilang bayan. Gaya ng natuklasan niya na taglay niyang kapangyarihan, pinagsama sama niya ang mga malalapit na makina at sasakyan upang bumuo nh napalalaking robot at maliliit pa nito. Umulan ng dugo sa kapitolyo kasabay ng malaking pagsabog na umagaw ng atensyon ng lahat. Nagkatinginan si Ram Ram at Mer dahil dito. Napalingon si Rocco sa dako ng pinagsabugan habang lugmok na naglalakad at nagdesisyon na puntahan yaon. Mula sa tuktok ng isang malaking gusali ay nakangiting tinatanaw ni Yeng ang pagsabog. Samantalang isang lalaki naman na nagtataka sa nangyayari ay nagulat din sa pagsabog sa di kalayuan. Naalala niya na nasa kapitolyo din siya ngunit nasa ibang bahagi nang may mga robot ang nagpasimulang mangwasak. Nagbabagsakan ang mga bahagi ng mga gusali dahil sa paninira ng mga robot. Nang muntikan na siyang mabagsakan ay may tumalon na dalawang nagbabagang leon mula sa kaniyang balikat at dinurog ang mga batong babagsak sa kaniya. Lumingon sa kaniya ang dalawang nagbabagang leon at sa kaniyang pagmulat ay nasa ibang bahagi na siya ng kapitolyo. Hindi pa niya nauunawaan ang nangyayari nang may isa na naman malaking pagsabog ang nangyari sa di kalayuan. Kaya naman tumakbo siya papunta doon. Makikita sa kaniyang kamay ang tanda ng Leo ♌. Siya si Leonard, isa sa mga batang binigyan ng kapangyarihan ng nilalang na apoy. Matatandaan na siya ang payat na bata na sinubukan tumulong kay Allen noon. Ngunit dahil sa mahina ang katawan ay siya din ay nabugbog. Dumaan ang mga robot at pinagsisira ang mga gusali at nagsimulang nagkagulo sa dako ni Leonard. Dumating ang malaking robot at nakita si Allen na nakasakay doon. Nagkatitigan ang dalawa at siya ay nilagpasan, ni hindi siya ginalaw ng mga robot. Ngunit sa halip na takot ay isang ngiti ang gumuhit sa kaniyang mukha. Sinabihan niya ang kaniyang sarili na hindi siya mahina, hindi na siya mahina.

Ang kabataan ni Leonard ay maihahalintulad kay Allen. Gaya din ni Allen, si Leonard ay inaapi din ngunit siya ay lumalaban ngunit hindi naagwawagi sapagkat mahina ang katawaan. Maliit at mas manipis siya kumpara sa ibang kalalakihan. Mabagsik man ang kaniyang mukha at tila isang leon sa makakapal niyang balahibo ay hindi naman siya kinatatakutan ng mga mapang-aping kapwa. Kahit na may mga kasama siya sa pakikipagsapakan tanging siya lang ang umuuwing bugbog at talunan. Dahil sa kahinaan ay hindi niya malubos ang kaniyang katapangan ngunit ngayon na nalalaman niyang mayroon siyang kapangyarihan ay ipapakita niya din ang kaniyang kalakasan. Hindi siya magpapatalo sa iba kundi siya ang kikilalaning pinakamalakas. Kaya naman inalaman niya kung paano niya napalitaw ang mga nagbabagang leon mula sa kaniyang balikat.

Nang marinig nga ni Mer ang malaking pagsabog ay napakiramdaman niya na ito ay si Allen. Kaya naman may pwersa ang lumabas sa kaniya at lumawak. Mula doon ay naglapitan ang maraming isda mula sa iba't ibang aquarium ng gusaling yaon. At ang malaking pating na kaniyang tinuturuan ay lumapit din sa kaniya. Sumakay siya dito ay sila ay lumipad pa itaas at binangga ng ibang pating ang mga salamin upang makalabas sila. Sinabi ni Mer na siya munang bahala kay Princess at nangakong ililigtas niya ito. Napasambit na lamang si Ram Ram na gayon na lamang ang nagagawa ng isang umiibig para sa kaniyang minamahal. Nakapikit man si Princess ay nadinig niya ito; na mahal siya ni Mer.

Ngunit ano ba ang pagmamahal? Iyan ang madalas na naglalaro sa isipan ni Princess. Pagmamahal ba ang nagtulak sa mga kalalakihan na nagsabi sa kaniya na maganda siya. Pagmamahal ba ang pagsabi na mahal ka ng isang tao ng paulit-ulit. Pagmamahal ba na masasabi ang pagtanggap ng regalo at pagtatangi mula sa iba. Kung pagmamahal ang mga yaon bakit lahat ng ito ay natatapos. Sa isang sandali ang malalambing na salita ay nawawala at pagtatangi ay naglalaho. Ang pagmamahal na tinatawag ay natatapos kapag hindi rin sinuklian ng pagmamahal. Kinakailangan bang suklian ng pagmamahal ang pagmamahal? Naging sapilitan ibigay sapagkat may pag-ibig na ibinigay. Kung ang pagmamahal ay dapat agad ibigay sa mga manliligaw ay ayaw na ni Princess magmahal. Gayon nasaksihan niya kung paano ang matatamis na pangako ng mga naging kalaguyo ng kaniyang ina ay naging isang salitang walang kabuluhan. Ang kaniyang ina na naniwala sa mga salitang pagmamahal ay nasawi na wala nito at sinaraan pa ng ibang tao. Kaya bakit maniniwala sa mga salita ng pagmamahal at kung may iparamdam ay may katapusan naman. Dahil sa naging buhay ng kaniyang ina, inisip ng iba na gayon din siya. Walang pagmamahal sa mundo ito kundi balatkayo. Nagsisikupas na pagibig gaya ng pagnasa sa isang masarap na pagkain na sa sandaling mabusog ay lalayo at magpapatuloy. Anong pagmamahal ang sinasabi ni Ram Ram na nararamdaman ni Mer para sa kaniya.

Sakay ng malaking pating na lumalangoy sa hangin ay nilapitan ni Mer si Allen. Nang magkita ang dalawa ay sinambit nila ang pangalan ng isa't isa. Sinabi ni Allen kay Mer na hindi siya kasama sa paghihigantihan niya huwag lamang siya hahadlang sa nais niyang gawin ngunit sabi ni Mer na may kailangan siyang iligtas at maliligtas lamang siya kapalit ng kaniyang buhay. Nagalit si Allen na pati ba naman si Mer ay nais siyang apihin gaya ng ginawa sa kaniya ng lasenggero niyang ama at mga mapang-aping tao ngunit hindi na siya makakapayag na apihin ninoman sapagkat sa pamamagitan ng kaniyang kapangyarihan ay maipagtatanggol na niya ang kaniyang sarili laban sa masasamang tao. Noong una ang nagapi siya ng takot dahil sa malagim na pangyayari naganap sa kanilang mag-ina ngunit napagtagumpayan niya ang trauma na naidulot sa kaniya at gantihan ang mga taong nang-aapi. Mabilis na nagsitalunan ang mga robot ni Allen at inubos ang mga naglulutangang isda. Walang laban ang mga isda sa mga robot at maging kay Allen. Kahit na hangarin nilang lasunin ito ay walang bisa dahil gawa sa bakal ang katawan ng mga ito nito at hindi rin magalusan kahit ng mga pating kaya nabigo silang saktan si Allen. Wala silang nasira ni isa sa mga alagad ni Allen. Nagsimulang habulin ng mga maliliit na robot si Mer kaya mabilis na lumangoy sa hangin ang kaniyang alagang pating. Ngunit naasinta ni Allen ang alagang pating ni Mer ng kaniyang bolang bakal na lumabas mula sa kaniyang sipit gaya ng isang kanyon kaya bumagsak sa tuktok ng gusali si Mer. Muling inasinta si Mer ng bolang bakal ni Allen ngunit dalawang halimaw na bato ang humarang dito para siya ay iligtas. Dumating nga si Rocco para siya ay tulungan laban kay Allen. Namangha si Mer pagkakita kay Rocco na tila isa siyang bayani na nagligtas ng kaniyang buhay mula sa panganib. Kinarga ni Rocco si Mer at yumakap din ito sa kaniya. Dahil sa inihiling ni Rocco sa pagkatalo niya kay Devon ay nagkaroon siya ng kakayahan na tumalon ng mataas at maging sa pagitan ng isang gusali papuntang ibang gusali. Ngunit nawasak ni Allen ang lahat ng mga halimaw na bato ni Rocco at kaunting robot lamang ang nasira ng mga ito. Kaya naman nagtago si Mer at Rocco upang paghandaan ang susunod na pagsugo nila kay Allen.

Samantala sinabi ni VenSom kay Ram Ram na matatag si Allen kaya mahihirapan si Mer talunin ito kahit na tulungan pa siya ni Rocco. Nagtaka si Ram Ram kung paanong nalaman ni VenSom ang lagayan ni Mer at kung paano niya nalaman na naroon si Rocco para tulungan ito. Sinabi ni VenSom na tila lumawak ang kakayahan niyang makaramdam o makaalam. Hindi niya mapaliwinag ngunit maaaring dahil ito sa pagiging kaluluwa niya. Naisip ni Ram Ram na tawagin din si Adrian upang makatulong sa kaniyang pag-iisip kung paano niya matutulungan si Mer. Ngunit hindi rin alam ni Adrian kung ano ang gagawin kaya nalumbay ito at nakiluksang nanglalait kay VenSom sapagkat tila nabalewala ang pagkamatay niya. Naisip ni Adrian na tawagin si Jury sapagkat nalaman niya na matalino ito nung minsan nakinig siya sa usapan nila ni Mer. Kung magtutulungan si VenSom at Jury sa pag-iisip ay maaaring makagawa sila ng paraan kung paano matutukungan si Mer laban kay Allen. Kaya kahit hindi kakilala ni Ram Ram si Jury ay tinawag niya ito upang mahingan ng tulong. Lumabas ang kaluluwa ni Jury at nagulat sa nakita na magkakasama sila at siya ay may diwa kahit na patay na siya. Napagtanto niya agad ang nangyayaring kaguluhan at natawa sapagkat ang muli nilang pagkikita ay nasa gayong kalagayan. Inilapit nga ni Adrian kay Jury ang sitwasyon na kinahaharap nila. Minungkahi ni Jury na ang unang dapat gawin ni Ram Ram ay kumalap ng impormasyon tungkol sa kalaban. Kung anu ano ang mga kakayanan nito at posibleng kahinaan. Ngunit hindi alam ni Ram Ram kung paano niya malalaman yaon kung kaunting oras na lamang ang mayroon sila. Minungkahi muli sa kaniya ni Jury na maaari niyang utusan ang dalawa sa mga alagad niyang kaluluwa upang magmasid at kumuha ng impormasyon at magbalik sa kaniya. Sapagkat sila ay mga kaluluwa na, madali sa kanila ang umalis at bumalik. Kaya dalawa sa kapangalan ni Adrian ang pinapunta niya sa dako nila Mer upang alamin kung ano ang na kaganapan doon. Pinagusapan din nila ang susunod nilang hakbang pagkatapos nilang makuha ang impormasyon. Balak nilang iwan si Princess kasama ang huling kaluluwa na kapangalan ni Adrian. Hindi na nila inalala ang kalagayan nito sapagkat naging walang kamatayan ito dahil sa kahilingan ni Mer na buhay na walang hanggan. Sapagkat hindi alam ni Ram Ram kung paano palabasin ang kaniyang kagamitan at kung ano ang pinaka kapangyarihan niya ay walang ibang maisip si Jury kundi puntahan nalang sila Mer habang inaantay ang pagdating ng mga sinugo niyang kaluluwa. Kaya habang tumatakbo papunta kila Mer sila Ram Ram ay nagkamustahan sila at pinagusapan ang mga nangyari. Nagsaysay din si Ram Ram kung bakit ayaw niyang makialam sa kanila, hindi dahil sa natatakot siya kundi dahil sa nakaraan niya. Kung paano namatay ang kaniyang ama dahil sa pagmamalasakit sa kapwa. Nang dahil sa mahilig makialam ang kaniyang ama sa iba ay nadamay ito sa isang gulo nang inawat niya ang nag-aaway na mga lasenggo ay siya ang nasaksak. Yaong dalawang nag-away na naging dahilan ng kamatayan ng kaniyang ama ay wala naman naitulong sa kanila kundi humingi lamang ng tawad. Dahil dito ay lalong naghirap sila at isa isang naibenta ang kanilang mga alagang tupa. Ayaw niyang maulit ito kaya ayaw niyang makialam sa problema ng ibang tao. Sumang-ayon naman sa punto ni Ram Ram si Jury at VenSom ngunit hindi si Adrian. Katulad na lamang ng pagkakataong ito na kailangan niyang makialam at tumulong sa isang kaibigan na nangangailangan ng tulong. Minsan lang ang pagkakataon kung dumating kaya dapat samantalahin. Walang nakakaalam kung tanging ang pagkakataon na iyon ay siyang magliligtas sa taong yaon o hindi. Mas mahirap dalhin ang pagsisi na hindi mo ginawa ang dapat mo sanang nagawa. Dito ay sumang-ayon si Jury at VenSom sapagkat maging sila ay dumanas nito. Kaya naman lumakas ang loob ni Ram Ram para saklolohan si Mer at Rocco. Dumating nga sa kanila ang isa sa sinugong kaluluwa at nag-ulat ng kalagayan sa dako ni Mer at Rocco. Ayon dito ay maraming alagad na robot si Allen at matindi ang pagkasira ng bayan. Si Mer at Allen ay nagtatago at si Allen ay nagpatuloy sa kaniyang lakad.

Habang nakatago nga ay inalala ni Mer kung paano niya napalabas ang matinding lamig na nagpapayelo sa buong paligid nang maglaban sila ni Jury. Kung magagawa niya ang bagay na yaon ay mapagyeyelo niya ang mga robot ni Allen at maging ito ay matatalo niya. Nagpatuloy naman si Allen sa kaniyang lakad patungo sa kanilang tahanan upang maisagawa ang kaniyang paghihiganti. Minamasdan naman ni Rocco si Mer sapagkat natutuwa siya na kasama niya ito na makipaglaban at napakatapang na hinahirap si Allen kahit tila mas malakas ito. Kaya naman lumabas ito sa kaniyang pagkakatago at sumugod kay Allen. Lumikha din siya ng maraming halimaw na bato para labanan ang mga naglalakihang robot ni Allen. Nagtataka naman si Mer sa nararamdaman niya kay Rocco. Hindi siya mapalagay ngunit sa tuwing nakikita niya ito ngayon para ba siyang nahuhumaling at nakikita si Rocco gaya ng pagtingin niya kay Princess. Dahil sa pagkalito sa kaniyang nararamdaman ay nanatili ito sa kaniyang pinagtataguan habang minamasdan si Rocco na nakikipaglaban. Ngunit nahuli si Rocco ng isa sa mga robot ni Allen at iniharap sa kanilang emperor. Hindi rin kinatuwa ni Allen na maging si Rocco na gaya din niyang mahirap ay nais rin siyang apihin. Dahil dito ay lalong umigting ang paniniwala ni Allen na lahat ng tao ay gusto siyang saktan kaya dapat niyang ipagtanggol ang kaniyang sarili at mga gaya niyang inaapi sa mga masasamang tao at kung kinakailangan ay wasakin niya ang buong bayan para mawala na ang lahat ng mga ito ay gagawin niya. Umusbong naman ang matinding galit sa puso ni Mer nang makita niya si Rocco na nasa panganib. Muli niya nailabas ang matinding lamig sa kaniyang katawan at napagyelo ang paligid. Gumawa siya ng tulay ng yelo papuntang kay Allen. Nilingon ni Allen ang parating na si Mer at muling nilingon si Rocco na natagpuan niyang nakangiti. Pagtinging niya sa mga alagad niyang robot ay hindi na ito makagalaw at unti unting nagiging bato. Kaya naman nakaalis sa pagkakahawak ng robot si Rocco. Sa pagbulusok ni Mer sa malaking Robot ay agad nagyelo ang tinamaang bahagi nito na kumalat sa buong katawan ng robot. Tumalon si Allen sa tuktok ng pinakamalapit na gusali para makaiwas sa pagiging yelo. Sa pagkawasak ng nagyelong robot ay lumitaw doon si Mer at isang kadenang isda ang lumitaw sa kaniyang palad na bubutas sana kay Allen ngunit dahil sa kaniyang bakal na katawan ay gumawa lamang ito ng maliit na galos. Sa paglapag ni Mer sa tuktok ng gusali kung saan naroon si Allen ay agad siyang pinatamaan nito ng bolang bakal. Mabilis naman nakaiwas si Mer na umuusok sa tindi ng lamig at pinagyeyelo ang anomang kaniyang madampian. Sinusubukan ni Allen na tumawag ng iba pang robot ngunit sa loob ng kaniyang sakop ay wala nang makina o electronics sapagkat napaging robot na niyang lahat at ang mga ito ang napaging bato ni Rocco at nagyeyelo nang madaanan kanina ni Mer. Nagulat din si Allen nang makita niya na ang kaniyang mga paa ay unti unting nagyeyelo kahit na malayo ang pagitan niya kay Mer. Sinabi ni Mer na dahil sa katawan niyang bakal ay mabilis itong lumamig at magyelo kaysa sa paligid na gawa sa bato. Nataranta si Allen at nagsisisigaw sapagkat hindi niya matanggap na hindi niya maipaghihiganti ang kaniyang ina ni hindi niya mauubos ang lahat ng nang aapi sa mundo. Sinabi ni Mer sa kaniya na siya ang unang una mapang-api sa mundo. Pinatalastas ni Mer kay Allen ang kaguluhang kaniyang ginawa sa bayan at kung paanong ang mga mahihinang tao ay nadamay sa kaniyang pangwawasak. Dahil sa matinding kaguluhang ito sino ba ang unang magiging biktima kundi ang mga mahihina at walang laban kaysa sa mga tinutukoy niyang malalakas na mapang-abuso. Ang matinding galit ay nagdudulot ng karahasan na sisira maging sa ating iniingatan. Nanglumo si Allen sa kaniyang napagtanto at bago magyelo ang buong katawan ay tinanong niya si Mer kung bakit siya nabuhay sa pang-aapi at nagyelo na nga ang buo niyang katawan. Sumagot si Mer sa nagyelong si Allen na dahil siya ang unang nang api sa kaniyang sarili. Nagliwanag si Allen hudyat ng paghiling ni Mer. Kaniyang hiniling ang kawalang bisa ng lason sa katawan ni Princess na agad dumalisay sa nanghihinang katawan ni Princess. Nang makita ito ng nagbabantay na kaluluwa ay agad itong pumunta sa kinaroroonan nila Ram Ram. Bumagsak si Mer sa panghihina at sinalo siya ni Rocco. Dinala siya nito sa isang silid ng gusaling yaon ngunit iginapos siya sa pader ni Rocco at ngumiting may binabalak na masama at nagpalabas ng mga halimaw na bato upang bantayan ang buong gusali. Nang makita ito ng natirang kaluluwa ay agad itong lumabas ng silid at narito, nasaksihan niya ang malaking pagkawasak ng buong bayan. Sa dakong itaas kung saan sila naninirahan ay nababalot na ng kadiliman at sa dakong ibaba ay tila nagbabagang apoy. Makikita ang emperyo ni Yeng na nababalot ng kadiliman at ang emperyo ni Leonard na nagbabaga sa apoy. Walang kamalay malay sila Mer na habang sila ay nakikipaglaban ay nagpapalawak ng kaharian ang dalawa upang ihanda ang sarili sa pananakop.

Ang pang-aapi sa mahihina ay nagdudulot nga ng matinding pinsala hindi lamang sa katawan kundi maging sa damdamin at isipan. Ngunit sa sandaling ang api ay nang api din ng kapwa ay hindi na mabibilang sa api kundi sa mapang-api na rin. Ang pagkaapi ay hindi sapat na dahilan para mang-api din ng kapwa na mas mahina sapagkat ang masama ay mananatiling masama at kung minsan inaapi tayo sapagkat sa loob ng ating puso, una nating inaapi ang ating sarili na nagbibigay kadahilan upang makita tayong kaapi api na siyang pinagsasamantalahan ng mga mapang-aping tao.

-11- HANGAD / DESIRE

Natalo nga nila Mer si Allen at humiling na mapawalang bisa ang lason sa katawan ni Princess kaya ito ay gumaling. Ngunit sa hindi malamang dahilan ay iginapos ni Rocco si Mer kaya dali daling nagtungo ang nagmamasid na kaluluwa kay Ram Ram upang iulat ang kaniyang nasaksihan. Walang kamalay malay ang lahat na may nagaganap din labanan sa ibang dako ng bayan.

Nang malaman nga ni Leonard na tunay ngang may taglay silang kapangyarihan ay inalam niya kung papaano niya napalabas ang mga nagbabagang leon sa kaniyang balikat. Ang buhay nga ni Leonard ay naging limitado dahil sa pagiging mahina niya. Kahit anong tapang niya ay nauuwi siya sa pagkatalo dahil sa maliit siya kumpara sa ibang kalalakihan. Hindi nabibigyan halaga ang kaniyang mga mungkahi dahil mas pinakikinggan ng marami ang mas mukhang magaling, mas mukhang malakas at mas mukhang mahusay. Ang tao nga ay tumitingin una sa anyo bago sa kakayahan. Ngunit maging sa palakasan ng katawan ay mahina si Leonard, sa anomang pangpisikal na paligsahan o patimpalak ay umuuwing talunan kaya kahit gaano pa katindi ang pagnanasa niyang magtagumpay at mapakita na malakas siya, dahil sa mga kabiguang ito ay wala siyang nakukuhang suporta. Sino nga ba naman ang susuporta sa taong mahina at talunan. Kaya narito, nang malaman niya ang kaniyang taglay na kapangyarihan ay lumabas ang tinatago niyang pagmamalaki sa sarili. Na kaya niyang maghari at pasunurin ang lahat ayon sa kaniyang nasa. Mahina siya sa katawan ngunit malakas ang kalooban. Natutunan niya na mula sa kaniyang buhok ay nakagagawa siya ng nagbabagang leon, ang anyo nito ay ayon sa uri ng buhok na pinagbago. Kaya naman maging ang dati niyang buhok na nagkalat na sa buong bayan ay napaging leon niya sa kaniyang utos. May maliliit na leon na nagliliyab, may babaeng leon na nagbubuga ng apoy at ang nagbabagang leon na tila kumukulong putik, may iilan na maitim na leon na siyang mas malakas sa lahat. Nakapaglalabas din siya ng apoy mula sa kaniyang sarili at napagiging kumukulong putik ang lupa. Natutunan din niyang mapalabas ang kaniyang sandata na kalasag na mukha ng isang leon. Sa sandaling panahon ay natutunan ito ni Leonard at mas hinigitan pa niya ang lahat sapagkat napaging baluti niya ang kaniyang kalasag sapagkat nalalaman niya na ang kaniyang kahinaan ay kaniyang katawaan kaya ito ang kailangan niyang mapalakas.

Sa kabilang dako naman, kung saan naroon si Yeng at ang anino ni Yang. Kanilang sinakop ang dakong yaon sa pagtapak sa mga anino ng lahat ng mga tao doon. Gumawa siya ng napakaraming alagad mula sa taong bayan. Bukod dito ay nagtataglay siya ng kapangyarihan ng anino kung saan nakapaglalakbay siya sa pamamagitan nito. Kaya naman nalalaman niya ang mga nangyayari sa kaniyang paligid. Ang paglalaban nila Mer, ang kalagayan ni Princess, ang kinaroroon ni Ram Ram at pananakop ni Leonard, at binabatayan ang kilos ng iba pang emperors. Dahil dito, napagpasyahan nila na sakupin ang nagsisimulang kaharian ni Leonard. 

Dumating nga sa kinaroroonan ni Ram Ram ang mga sinugo niyang kaluluwa. Napag-alaman niya na natalo na nila si Allen at magaling na si Princess ngunit ginapos ni Rocco ang nanghihinang si Mer na may masamang balak. Kaya naman nagmadali si Ram Ram patungo sa kinaroroonan ni Mer.

Dinala ni Yeng ang kalahati ng kaniyang hukbo sa kaharian ni Leonard upang sakupin ito. Nagkaharap ang dalawang emperor na may pagnanasang maghari. Ang mahinang si Leonard na ngayon ay nasa matayog nang kalagayan ay bumati sa biglaan paglitaw ni Yeng mula sa kadiliman at inutusan niyang magbigay galang sa kaniya. Nagalit si Yeng sa mayabang na pag-uutos sa kaniya ni Leonard at sinabi sa kaniya ang kaniyang pakay na sakupin ang kaniya kaharian. Humalakhak si Leonard dahil sa kaniyang narinig sapagkat nalalaman niya na ang kaniyang taglay na lakas ay higit kaysa kaninoman kaya agad siyang nag alab sa pananabik na ipamalas ito. Oo, ang buo niyang kaharian ay nag alab at nag-init ng husto ang paligid. Nabigla si Yeng sa di inaasahang pangyayari at sa paglusob ng mga nagbabagang leon. Nilamon at tinupok ng apoy ang dinala niyang hukbo at walang nagawa ang mga dala nitong armas. Nagmapuri si Leonard sa kaniyang taglay na kapangyarihan at hinamak si Yeng. Hinamon niya ito at hinayaan na sumugod sa kaniya. Ginamit ni Yeng ang lahat ng armas na kanilang dala ngunit lahat ng ito ay walang nagawa sa baluti ni Leonard. Muling nagmalaki si Leonard at nilibak si Yeng na ipinamumukha ang pinagkaiba ng kanilang lakas. Hindi na siya ang mahinang Leonard na minamaliit. Siya ang pinaka makapangyarihan sa lahat ng emperors kaya nga sinoman ang makagapi sa kaniya ay makahihiling ng kapangyarihan din, ngunit kung magagapi nga lang siya. Nagpalitaw ng nag-aalab na apoy si Leonard sa kaniyang kamay para tupukin si Yeng ngunit bigla siyang inagaw ni Yang mula sa kadiliman at nakatakas. Humalakhak muli ng malakas si Leonard dahil nalalaman niya na naabot na niya ang pinapangarap niyang kalagayan, ang maging pinakamalakas.

Isang lalaki naman ang nagising dahil sa ingay ng kaguluhan. Ito ay si Bowie, isang magiting na tamad na nagkaroon ng tanda ng Sagittarius ♐. Matatandaan na siya ang batang hindi nagmungkahi ng anoman sapagkat ayaw makibahagi sa anomang bagay. Ang batang pinagagalitan ng kaniyang magulang dahil sa katamaran noon. May taglay man siyang kakayahan ay hindi ito nalilinang dahil mas pinipili niyang magpahinga at ang mas madadaling bagay. Mahusay siya sa pamamana at madalas na bahagi sa pambansang patimpalak. Kahit na tamad sa pagsasanay ay hindi nawawala ang husay niya sa larangang ito. Sa kaniyang paggising ay nagtaka siya sapagkat natatandaan niya na natutulog siya sa kaniyang silid ngunit nagising siya sa silid ng isang hotel malapit sa Kiyo's Aquarium. Natagpuan niya si Princess na nakahiga kaya naman agad niya itong tinulungan at inilagay sa maayos na lugar. Sa pagmulat ni Princess ay nakita niya ang kamay ni Bowie na may tanda ng Sagittarius ♐. Kaya agad na bumangon ito at lumayo kaunti dito. Sinabi ni Bowie na wala siyang masamang ginawa bagkus tinulungan siya nito sapagkat natagpuan siyang nakahandusay sa daan. Itinuro ni Princess ang kaniyang tanda na nangangahulugan na isa siya sa kanila na may taglay na kapangyarihan na maaaring manlinlang upang magawa pa ng masama. Natawa naman si Bowie sa sinabi ni Princess at hindi siya pinaniwalaan. Ipinakita niya ang tanda ng virgo ♍ upang maalala ni Bowie kung sino siya. Sinabi din niya na ang mga nakasama niya noon na nabigyan din ng kapangyarihan ang may kagagawan ng kaguluhang ito dahil sa taglay nilang kapangyarihan at kakayahang tumupad ng hiling. Kaya naman tumayo si Princess at lumayo pa kay Bowie na kaniyang pinaghihinalaan. Muli siyang pinagtawanan nito sapagkat anong mapapala niya sa pagsali niya sa gulo at bakit niya sasaktan ang isang magandang dilag para matupad ang kaniyang hiling kung tungkol sa pag-ibig lamang ang kaya niyang tuparin. May halaga ba ang pag-ibig lalo na sa gitna ng kaguluhang ito. Ang hangad lang niya ay madaling buhay para malaya siyang gawin ang nais niya at makapagpahinga siya kung kailan niya ibigin. Namangha si Princess sa sagot nito at napaghalataan na nagpapanggap lamang ito na walang alam. Tunay ngang walang nalalaman si Bowie sa nangyayari ngunit may kaalaman siya sa bahagi ng kanyang kapangyarihan. Ito ang dahilan kung bakit mahusay siya sa pana kahit hindi siya mahusay. Dahil dito ay naging mas madali ang kaniyang buhay sapagkat hindi na niya kailangan magsanay at naging hanapbuhay niya ang larangang yaon. Nadismaya si Princess sa kaniya at binalaan na huwag siyang magpakakampante sapagkat sa taglay niyang kapangyarihan na tumupad ng kahilingan sa pagwawagi ay hahanapin din ang kaniyang buhay. Sa madaling salita, sinomang makatalo sa kaniya ay tatanghaling panalo sa digmaang ito. Kung magkagayon, bakit pa tatalunin ang lahat ng Emperors kung sapat ng talunin siya para magtagumpay. Wala parin pakialam si Bowie sapagkat walang makapagsasabi kung kailan mangyayari yaon at haharapin na lamang niya yaon sa sandaling dumating ang panahon. Sa inis ni Princess sa kaniya ay iniwan siya at nagpakalayolayo.

Sa gusali naman kung saan naroon si Mer na nakagapos at nanghihina ay hinawakan siya ni Rocco sa mukha at hinalikan ang kaniyang noo. Sinabi sa kaniya na matagal na niyang hinahangad si Mer, bago pa niya nakilala si Devon ay gusto na niyang sakupin ang buong pagkatao ni Mer. Ibang klaseng paghahangad ang nararamdaman ni Rocco para kay Mer na tila bang may nag-uudyok sa kaniya na maghangad pa ng higit at dahasin ito. Tinikman niya ang pisngi ni Mer at sinira ang kaniyang damit upang isagawa ang kaniyang pagnanasa. Kaniyang naalala ang mga pagkakataon na hinangaan niya si Mer, na sa kabila ng kaniyang kahirapan ay malakas ang kaniyang loob para ipaglaban ang kaniyang usap at baguhin ang kaniyang kapalaran. Ang samahan nila ng kaniyang ama upang itaguyod ang kanilang pamilya na hindi niya nakita sa kaniyang ama na nang-iwan sa kanila at maging ang pagtutulungan nila ng kaniyang kaibigan na si Adrian ay hindi niya natagpuan sa kaniyang mga kaibigan. At kahit mahirap sila Mer ay nakapagtapos parin ito sa pag-aaral dahil sa pagsisikap at pagtutulungan. Nasaksihan niya na ang kaniyang mga nais ay na kay Mer kaya hinangad niyang sana siya na lamang ito. Ngunit ang pagnanasang ito na taglay ni Rocco ay hindi matatawag na pagkagusto bagkus pagkainggit.

Malapit na si Ram Ram sa gusali kung saan naroon si Mer. Ang pagkawasak ng bayan at mga daanan ang naging dahilan kung bakit nagtagal sa pagsaklolo si Ram Ram bukod sa mabigat niyang katawan. Kaya naman inutusan niya sila Adrian, Jury at VenSom na pigilan si Rocco sa anomang masama niyang plano kay Mer. Pagdating nila ay nakita nila na nasira na ni Rocco ang pang-itaas ni Mer at dahil sa utos ni Ram Ram na kanilang emperor ay gumawa sila ng paraan para pigilan si Rocco. Sumanib silang tatlo sa katawan ni Rocco at tuluyan itong tumigil. Si Mer naman sa kabila na may malay ay hindi makagalaw sa pagkakagapos dahil sa panghihina. Inalis ni Rocco si Mer sa pagkakagapos ngunit pumipiglas ito. Sinabi niya dito na hindi si Rocco ang kaharap niya kundi sila, si Adrian, Jury at VenSom. Ngunit hindi ito naniwala at pumipiglas sa paghawak sa kaniya. Muling nagsalita si Rocco ngunit sa ibang tinig, nagpakilala ito na si Jury. Sinabi sa kaniya na sa pamamagitan ng kapangyarihan ni Ram Ram ay naingatan ang kaniyang kapurihan kaya pinatigil siya sa kaartehan at magpatulong siya. Kaya naman natiwasay si Mer at hinayaan niyang mapakawalan siya.

Pagdating ni Ram Ram sa silid ay nakahinga siya ng maluwag nang makita niya na ligtas si Mer. Napakagaan sa pakiramdam na may isa siyang taong natulungan. Tila nagkaroon ng saysay ang kaniyang abang buhay. Naunawaan na niya ang pakiramdam ng kaniyang ama kung bakit handa itong tumulong sa kapwa. Natuwa sa kaniya ang mga kaluluwa na napagwagian niya ang kaniyang sarili at naging mapagmalasakit sa kapwa. Isang tagumpay na matatawag ang pagbabago niya para sa kaniyang ikabubuti. Nagpasalamat sa kaniya ang nanghihina na si Mer nang biglang isang tungkod ang tumagos sa katawan ni Ram Ram mula kaniyang likod.

Iba iba ang nasa ng tao na siyang nag-uudyok sa atin para magpatuloy, magbago at umunlad. Sa pamamagitan ng hangarin nagagawa ng taong lampasan ang kaniyang hangganan at suwayin ang sarili niyang alintutunin. Mapasama man o mabuti, tayo ay nagsisikilos dahil mayroon tayong hangarin na nais nating matupad.

-12- IKA-13 / 13TH

Nasaklolohan ni Ram Ram si Mer sa pamamagitan ng kaniyang mga kasamang kaluluwa na sumanib kay Rocco para mapigilan ito. Ngunit gaya ng kaniyang ama na matapos magligtas ng buhay ay nawalan naman nito. Nagulat ang lahat maging ang mga kaluluwa na nasa loob ni Rocco sa pagkasaksak ng isang tungkod mula sa kaniyang likod. Isang mas nakababatang babae ang nakita nila na may kagagawan nito kay Ram Ram. Ngunit sino ang babaeng ito at bakit niya ginawa ito? Papaano niya nagawang masaksak ang isang malaking tao sa pamamagitan ng isang tungkod na kahoy? Samantalang sila ay mga emperors na may taglay na kapangyarihan, sino ang maglalakas loob na kalabanin sila kung hindi kapwa nila emperors na may kapangyarihan din. Si Devon ang Capricorn ♑, si Adrian ang Aquarius ♒, si Mer ang Pisces ♓, si Ram Ram ang Aries ♈, si Rocco ang Taurus ♉, si Yeng ang Gemini ♊, si Allen ang Cancer ♋, si Leonard ang Leo ♌, si Priny ang Virgo ♍, si Jury ang Libra ♎, si VenSom ang Scorpio ♏ at si Bowie ang Sagittarius ♐.

Nagpakilala ang babae na si Ophiel ang kapatid ni Phil, ang ika 13 bata na siyang inalay sa nilalang na apoy. Nagulat si Mer, Ram Ram, Adrian, Jury at VenSom sa narinig. Sapagkat walang nakakaalam ng nangyaring yaon. Sinabi ni Ophiel na naroon siya at nasaksihan kung paano nila pinagtulungan ang kaniyang kuya para ibigay nila sa nilalang na apoy. Kaya pinagplanuhan niya ng mabuti ang kaniyang paghihiganti. Unang una na sa babaeng tumulak sa kaniyang kuya na si Jury. Inilantad nga ni Ophiel ang kaniyang lihim sa kaniya. Hindi nagpakamatay sa kaniyang sarili ang ama ni Jury kundi pinatay ito sa loob ng kulungan. Na marapat lamang upang maranasan ni Jury ang mawalan ng mahal sa buhay. Hindi lamang yaon kundi karapatdapat siya sa pagkasira ng buhay. At nasaksihan ni Ophiel ang pagkagunaw ng mundo ni Jury lalo pa nang hindi lamang ang kaniyang ama ang nawala sa kaniya kundi ang buo niyang pamilya at kayamanan. Sa galit ay agad siyang pinagbulaanan ni Jury na nasa loob ni Rocco at hindi naniniwala sa kaniyang katha. Sapagkat papaanong ang isang bata noon ay makakapasok sa kulungan para patayin ang kaniyang ama. Sumagot si Ophiel na sa pamamagitan nila, at naglabasan ang mga ahas na kasama niya, na pumalibot pa sa kanila. Ipinakita niya ang kaniyang kamay na may tanda ng Ophiuchus ⛎ na mas kinagulat ng lahat. Ayon sa kaniyang salaysay matapos maibigay ang tanda kay VenSom ay tinanggap niya ang kaniyang tanda at kapangyarihan sa dakong hindi kalayuan sa kanila. Naniwala siya sa sinabi ng nilalang na apoy patungkol sa kanilang kakayahang maghari kaya naman sinikap niyang malaman ang kaniyang kapangyarihang taglay. Kinalaunan ay nalaman niya na kaya niyang pasunurin ang mga alaga niyang ahas at natuklasan niya na ang mga makagat nito ay napapasailalim ng kanyang kapangyarihan sa pamamagitan ng pamamanipula ng kanilang damdamin. Sa katunayan, siya ang may kagagawan ng biglang pagwawala ng mga kaibigan ng ama ni Ram Ram. Ang mga yaon ay hindi lango sa alak kundi nagwawala dahil sa bugso ng damdamin. Sa pamamagitan ng pangyayaring yaon ay naunawaan ni Ophiel ang lakas na maibibigay ng matinding damdamin sa isang nilalang. Kung magkagayon, siya din ang may kasalanan sa pagkamatay ng ama ni Ram Ram kaya nadamay ito sa kaguluhan at naging dahilan pa kung bakit lumayo ang loob ni Ram Ram sa pagmamalasakit sa ibang tao. Higit sa sakit ng katawan ang naramdamang sakit ng kalooban ni Ram Ram sapagkat siya pala ang naging dahilan ng pagkamatay ng kaniyang ama. Hindi lamang yaon, si Ophiel din pala ang may kagagawan ng pagkakasakit na malubha ng lolo ni Adrian nang ito ay kagatin ng ahas ni Ophiel. Sa pagkakataon iyon ay hindi pa gamay ni Ophiel ang kaniyang kapangyarihan kaya naman nalason ang matanda sa halip na maisailalim sa kaniyang kapangyarihan. Tinangka din niyang manipulahin sila sa pamamagitan ng kaniyang ahas at ang una niyang naging biktima ay si Rocco ngunit hindi gayon katindi ang epekto sa kanila dahil sa taglay nilang kapangyarihan. Marahil ito ang dahilan ng matinding paghahangad ni Rocco kay Mer. At sa huli, binigyan ni Ophiel ng hindi makakayang kalungkutan at pagsisisi ang ama ni Jury na nag-udyok dito para magpatiwakal. Lahat sila ay paghihigantihan niya dahil sa ginawa nila sa kaniyang kuya. May pangambang tinanong ni VenSom si Ophiel kung paano siya pinaghigantihan nito at hindi ninais na marinig na siya din may dahilan ng pagkakasakit ng kaniyang kalatid. Ngunit sinabi ni Ophiel na ramdam na niya ang tindi ng hinagpis ni VenSom dahil sa kaniyang karamdaman kaya naman sapat na iyon para sa kaniya bagkus tinutulungan pa niya siya madugtungan ang kaniyang buhay ngunit napagtanto niya na dahil sa sumpa ay hindi siya maaaring mamatay sa sakit dahil walang magtataglay ng kahilingan. Malubhang nagsisi si VenSom sapagkat kumuha siya ng buhay para mapahaba ang kaniyang buhay gayon hindi naman pala siya mamamatay sa sakit. Nabalewala ang kaniyang pagpapakasama at lahat ng kaniyang ginawa ay umikot lamang sa wala. Inalis ni Ophiel ang kaniyang tungkod sa pagkakatusok sa natulalang Ram Ram at agad itong binawian ng buhay. Hiniling ni Ophiel na taglayin niya ang lahat ng kaalaman tungkol sa kanilang kapangyarihan. Sumigaw sa pagkamuhi si Jury sa loob ni Rocco at hinangad na saktan si Ophiel ngunit dahil sa kamatayan ni Ram Ram ay unti unti silang naglaho mula sa katawan ni Rocco. Dumating nga kay Ophiel ang buong kaalaman patungkol sa kanilang kapangyarihan at napasabi nito na kaya pala. Tumingin si Ophiel sa hindi makapaniwalang si Mer at nagsabi na mayroon din siyang inihanda para kaniya. Nagbalik ang diwa ni Rocco na agad bumaling ang tingin kay Mer. Nataranta si Mer sapagkat wala pa siyang sapat na lakas para labanan si Rocco ngunit mula sa kadiliman ay lumabas si Yeng at binaril si Rocco. Nagulat ang lahat sa paglitaw ni Yeng at sa kaniyang ginawa. Malala ang naging pinsala ni Rocco sa pagbaril sa kaniya ni Yeng. kaya naman ginamit niya ang natitira niyang lakas para gamitin ang kaniyang kapangyarihan. Dahil sa malalang sitwasyon ay nagamit ni Rocco ang isa pa niyang kapangyarihan, ang mapagalaw ang anomang anyong lupa. Kaya naman agad nilamon ng sahig na bato si Mer at bumaba mula sa kanilang baitang hanggang sa mapasa ilalim ng lupa upang mailayo sa kanila. Sinabi ni Yeng na wala siyang pakialam sa lalaking yaon sapagkat hindi niya kailangan ng kahilingan sa pagkatao kundi ang kahilingan sa bagay na kinakailangan niya para matalo si Leonard. Nang maramdaman nga ni Rocco na malayo na sa kapahamakan si Mer ay nangiti siya sapagkat nagawa na niya ang dapat niyang magawa at nalagutan siya ng hininga. Hiniling nga ni Yeng na magkaroon siya ng armas laban sa baluti ni Leonard. Lumabas nga ang dalawang bumerang ng Gemini ♊ na siya niyang sandata at ito ay lumaki at lumakas upang masira ang baluti ni Leonard. Inihanda ni Ophiel ang kaniyang sarili sa panganib na maaari siyang labanan ng pinakamasama sa lahat ng Emperors na si Yeng. Kaya naman nagbanta si Ophiel kay Yeng na hindi siya mananalo kung lalabanan niya siya sapagkat taglay niya ang lihim ng kanilang kapangyarihan ngunit kung magpapatuloy siya sa kaniyang lakad para matalo ang emperor ng Leo ♌ ay lalakas pa siya at magiging pinakamalakas sa kanilang lahat. Sumagot si Yeng na hindi siya natatakot sa dalagitang gaya niya ni magpapasindak sa banta niya ngunit gaya ng sinabi niya, kinakailangan muna niyang tapusin ang naudlot niyang laban kay Leonard kaya naman siya ay nawala sa kadiliman at bumalik sa kaniyang kaharian. Ngumiti naman si Ophiel sapagkat umaapaw sa kaniya ang buong kaalaman patungkol sa kanilang kapangyarihan at kahinaan ng bawat isa. Ang dahilan kung bakit sila nagkaroon nito, kung ano at paano gamitin, palakasin at pahinain, ang kanila mga servants at kung paanong palakasin ang mga ito at ang kanilang kakayahang tumupad ng hiling. Lahat ng mga ito ay nagbukas sa kaniya at binalot ng kaniyang halakhak ang katahimikan ng buong paligid.

Samantala, naghiwalay ng lakad si Princess at Bowie. Ngunit si Bowie ay nag-aalala sa dalaga kaya tinatanaw niya ito mula sa malayo at naiinis sapagkat nagkaroon pa siya ng pananagutan para bantayan ito sa halip na makahanap siya ng ligtas na dako para mapagpahingahan. Sapagkat malaki ang naging pinsala ng buong bayan, marami sa mga gusali ang nangawasak. Maging ang mga daan ay nangasira dahil sa pagyanig ng lupa sa pagdaan ng mga robot ni Allen. Malaking bahagi ng isang mataas na gusali ang nalaglag kay Princess ngunit bago pa siya madaganan nito ay isang mabilis na pana ang dumurog dito. Mula sa malayo ay makikita si Bowie hawak ang kaniyang mahiwagang busog na naging seryoso sa pagpana ng nalaglag na bato. Napansin ni Bowie na may isang bagay na nasa ilalim ng lupa ang papalapit kay Princess, patatamaan niya sana ito ngunit ito ay huminto at ang naipong tumpok ng bato ay gumuho upang masilayan ang nasa loob nito na si Mer. Agad siyang tinulungan ni Princess at inilabas sa tumpok ng mga bato. Tumakbong lumapit si Bowie sa kanila upang makita kung ano ang nangyari. Napaisip na lamang si Princess na may masamang nangyari sa kanila kaya naman tanging si Mer lamang ang nakabalik. Binuhat siya ni Bowie papunta sa nasirang clinic para gamutin at naiinis sa kaniyang loob sapagkat panibagong atang ang nadagdag sa kaniya at tila matagal pa siya makapagpapahinga.

Sa pagbalik ni Yeng sa kaniyang kaharian ay iniabot niya ang isang bumerang sa kaniyang kanang kamay na anino ni Yang. Ipinahayag niya sa kaniyang nasasakupan na humanda sa isang malaking sagupaan sapagkat lulusob sila sa kaharian ni Leonard. Naghanda nga ang buo niyang hukbo at nagbitbit ng kanikanilang mga armas. Sinukuban ang buong hukbo ni Yeng ng kadiliman at lumitaw sa kaharian ni Leonard. Hinarap sila ni Leonard at nasabik sa kanilang laban upang ipamalas ang kaniyang lakas.

Kung minsan ang pinakamabisang sandata ay ang mga bagay na hindi natin nakikita. Ang isang lihim ay nagiging matalas na tabak at ang kawalan ng kaalaman patungkol sa kung ano ang iyong kinakalaban ay mapanganib. Sapagkat kung lalaban ang sinoman ay marapat munang alamin kung ano ang sasagupain upang hindi tila sumusuntok sa hangin.

-13- DIGMAAN / WAR

Nagsimula na nga ang digmaan sa pagitan ng mga emperors at ikanagulat ng lahat ang paglitaw ng ika-13 emperor na si Ophiel, ang Ophiuchus ⛎ at kapatid ni Phil, ang batang inalay sa nilalang na apoy. Kaniyang pinatay si Ram Ram, ang emperor ng Aries ♈ na doon lang tumulong, upang humiling ng buong kaalaman patungkol sa kanilang kapangyarihan. Ipinaalam sa kanila ni Ophiel ang kaniyang paghihiganti at nalaman nila na siya ang may kagagawan sa kamatayan ng ama ni Jury, lolo ni Adrian at ama ni Ram Ram. Siya din ang dahilan sa matinding bugso ng damdamin ni Rocco. Mayroon siyang kakayahang manipulahin ang damdamin ng sinomang makagat ng kaniyang mga kampon na ahas at ang kaniyang kagamitan ay isang tungkod na kahoy na animo'y isang ahas na mga dahon. Dumating rin si Yeng ang emperor ng Gemini ♊ mula sa kadiliman pagkatapos makawala mula sa pagsanib ng mga kaluluwang lingkod ni Ram Ram at kinitil ang buhay ni Rocco ang emperor ng Taurus ♉ upang humiling na magkaroon ng sandata laban sa baluti ni Leonard na siyang emperor ng Leo ♌. Bago pa man malagutan ng hininga si Rocco ay nailayo niya si Mer, ang emperor ng Pisces ♓, mula sa dalawang masamang Emperors upang tubusin ang kaniyang sarili sa masama niyang tangka kay Mer. Matapos makuha ni Yeng ang kaniyang kailangan ay iniwan niya si Ophiel at dinala ang buo niyang hukbo sa kaharian ni Leonard.

Lumusob nga si Yeng sa kaharian ni Leonard kasama ang buo niyang hukbo. Hindi na niya binigyan ng pagkakataon na magsalita pa si Leonard bagkus agad siyang tumakbo patungo sa kinatatayuan nito upang masubukan ang bago niyang armas. Ang mga kasama naman niyang hukbo ay nagsimula din sa pag atake sa mga alagad na leon ni Leonard. Sa pamamagitan ng malalaking pampasabog at tubig ay pinagtutulungan nila ang mga nagbabagang leon. Ang ilan sa mga tauhan ni Yeng ay natupok ng apoy sapagkat ang maliliit na leon ay nagiging apoy pagkadikit sa kanila habang nagbubuga ng apoy ang babaeng leon. Ang mga lalaking leon naman ay gaya ng kumukulong putik na mas matatag kaysa ibang leon na nagpapahirap sa buong hukbo lalo na ang maiitim na nagbabagang Leon, kaunti man lang ang bilang ng mga ito ay higit na makapangyarihan sa lahat ng mga leon. Ang anino ni Yang na may gamit din na bumerang ang naging katulong ng buong hukbo sa paggapi sa mga nagbabagang leon. Siya lamang ang may kakayahang matalo ang pinakamalakas na uri ng nagbabagang leon. 

Sa pagsugod ni Yeng kay Leonard ay natigilan siya sa biglang pagbukal ng kumukulong putik sa kaniyang daraanan. Hindi man malakas ang pisikal na katawan ni Leonard ay mahusay siya sa paggamit ng kaniyang taglay na kapangyarihan. Nakapagpapalabas siya ng apoy sa kaniyang kamay at kumukulong putik mula sa lupa kaya naman nahihirapan si Yeng na lumapit sa kaniya. Si Yeng naman ay may matipunong katawan ngunit hindi naman dalubhasa sa pisikal na pakikipaglaban at napapagod na sa pagiwas sa binabatong apoy ni Leonard at biglaang pagbukal ng kumukulong putik sa lupa. Inihagis ni Yeng ang kaniyang bumerang kay Leonard. Sinubukan itong pigilan ni Leonard sa pagsirit ng kumukulong putik mula sa lupa ngunit dumaan lang ang bumerang dito at hindi natunaw. Ni hindi din napigilan ng apoy mula sa kaniyang kamay ito kaya tumuloy ito sa pagtama sa kaniya. Sa pamamagitan ng baluti ni Leonard ay hindi napinsala ang maliit niyang katawan ngunit napansin niya ang galos sa kaniyang baluti. Doon niya napansin na ang bumerang ay may kakayahan na sirain ang kaniyang baluti. 

Naubos ang buong hukbo ni Yeng sapagkat katulad lamang din sila ng mga normal na tao na walang kalaban laban sa lakas at init ng mga nagbabagang leon. Ang nalabi na lamang sa mga nagbabagang leon ay isang maitim na leon sapagkat may husay din si Yang sa pisikal na pakikipaglaban. Samantala ginawang kumukulong putik ni Leonard ang buong paligid, sa taranta ni Yeng ay hindi niya alam ang gagawin sapagkat malulubog na siya sa kumukulong putik nang bigla siyang inagaw sa kadiliman ni Yang. Napapalutang ni Yang ang kaniyang bumerang sa himpapawid na kaniyang tinatapakan habang karga ang kakambal. Si Yeng naman na nakatitig sa kaniyang kuya ay tila napapahanga dito. Natutunan ni Yeng na napapalutang ang bumerang kaya tumapak din siya dito. Ang natirang itim na nagbabagang leon naman ay sinakyan ni Leonard para mapadali ang kaniyang paggalaw laban sa magkapatid. Tumingin naman si Yang kay Yeng bilang hudyat na lalabanan nila si Leonard ng magkasama, kaya agad silang lumipad gamit ang kanilang bumerang sa magkabilang dako kaya naman hindi alam ni Leonard kung sino ang uunahin niyang atakihin. Kaya naman pinaapaw niya ang bahagi ng kumukulong putik para maging sanggalang sa dalawang palapit na kalaban. Nakahanda si Leonard sa pagtawid ng kalaban sa nakaharang na kumukulong putik at kung makakatawid sila sa tindi ng init nito. Ang kaniyang mga kamay ay nakatutok sa kaliwa at kanan na nahahandang maglabas ng apoy sa sandali may pumuslit na kalaban doon. Sa kanan nga ay biglang lumabas ang bumerang kaya agad niyang pinatamaan ng apoy mula sa kanan niyang kamay habang nakatutok ang kaliwa niyang kamay sa kabilang dako. Ngunit walang nakasakay sa bumerang na yaon kaya agad siyang bumaling sa kaliwa baka naroon sila nakasakay at umatake. Ngunit walang lumabas doon kaya lumingon muli siya sa kanan ngunit wala rin doon kaya nagulat siya na nasa taas si Yang na sisipain na sya mula doon. Kaya naman tumalon siya mula sa likod ng leon paatras para makaiwas sa paparating na sipa ni Yang, doon niya nakita na papalapit na ang bumerang sa kaliwa na naroon si Yeng. Matatamaan sana ang kaniyang tagiliran ng bumerang ni Yeng ngunit napigilan ito ng nagbabagang leon sa pagkagat nito. Ngunit dahil sa lakas ng pwersa ay nasira ang bibig ng nagbabagang leon at nawasak ang panga nito ngunit nakaligtas naman si Leonard sa biglaang pag-atake. Muling naghanda ang dalawa sa pag-atake mula sa ibabaw. Lumubog naman ang nagbabagang leon kasama si Leonard sa ilalim ng kumukulong putik kaya naman hindi alam ng dalawa kung saan lilitaw ito. Habang lumilibot si Yang ay tumalon mula sa kumukulong putik ang nagbabagang leon sa kaniya ngunit sinipa siya ni Yeng para makailag sa naayos na bibig ng leon. Makakagat sana ang paa ni Yeng ngunit mabilis na nahawak ito ni Yang at inihagis si Yeng sa kabilang dako. Pagtilapon ni Yeng sa kabilang dako ay pinagalaw niya ang kaniyang bumerang para tumama sa nagbabagang leong, gayon din ang isa pang bumerang na tinatapakan ni Yang ay bumunggo sa katawan ng nagbabagang leon. Bago pa man tumama sa mainit na pader si Yeng ay lumitaw mula sa kadiliman si Yang at sa kaniya bumunggo si Yeng at si Yang ang bumunggo sa mainit na pader. Nalusaw ang damit sa likuran ni Yang kaya hinubad na lamang nito. Natanaw ni Yeng ang kakisigan ng katawan ng kakambal sapagkat doon lamang niya nakita ito ngunit mapapansin ang pinsalang natamo nito sa mainit na pader sa kaniyang likod at hindi lamang yaon, nagtaka si Yeng sapagkat maraming latay si Yang sa katawan at may mga sariwang pasa pa na naisip niyang mula sa pakikipaglaban niya sa mga nagbabagang leon kanina. Bumalik sa kanila ang kanilang bumerang at tumapak doon nang biglang bumukal ang kumukulong putik papunta sa kanila. Agad sila umiwas at mabilis na lumipad sa himpapawid ngunit hinahabol sila ng kumukulong putik na tila sawa na tumatalon sa dagat. Isang malaking alon ng kumukulong putik ang bumulaga sa harapan ni Yang upang tabunan ito. Ngunit dahil naglikha ito ng anino ay lumitaw si Yeng doon at mabilis na inagaw si Yang kaya ang natabunan ay ang bumerang na tinatapakan nito. Pagbalik nila sa tinatapakan na bumerang ni Yeng ay napansin nito na natuluan ang pisngi ni Yang ng kumukulong putik kaya tinanong niya ang kalagayan nito. Seryosong sinagot siya nito na huwag siyang alalahanin sapagkat anino lamang siya ang mahalaga ay ang maingatan siya. May kurot na naramdaman dito si Yeng at muli silang naghanda sa pagharap kay Leonard. Muli silang sumugod kay Leonard na tila nagpapadulas lang sa mga alon ng dagat. Nalito sa mabilis na paglipat lipat ng kambal si Leonard kaya ikinagulat niya ang biglang paglitaw ng dalawa sa kaniyang likuran at sabay nitong sinipa siya. Hindi man gaano napinsala si Leonard ay nainis ito sapagkat hindi dapat siya matalo dahil malakas siya. Sa tindi ng galit ay muling umapaw ang kumukulong putik at nagliwanag si Leonard. Humiwalay sa kaniya ang lahat niyang balahibo at buhok sa katawan upang maging nagbabagang leon. Nagkaroon muli siya ng maraming iba't ibang uri ng leon na higit ang bilang kaysa sa naunang grupo. Pinapanood naman sila ni Ophiel sa di kalayuan at bumulong sa kaniyang sarili na malapit nang matapos ang laban.

Sa dako naman nila Princess, Mer at Bowie ay mayroon din nakarating na mga nagbabagang leon dahil sa malawak na labanan ng hukbo ni Yeng at ng mga leon. Ang mga nalabing nagbabagang leon na ito ang kinakalaban nila Bowie ngunit hindi sapat ang pagpana niya para matalo ang mga nagbabagang leon na ito. Nagbangon si Mer mula sa kaniyang pagkakatulog at nagtaka na nakasama na niya si Princess at isang hindi kilalang lalaki. Ngunit hindi na siya nagkaroon ng pagkakataon para kamustahin sila dahil sa apat na nagbabagang leon na nasa kanilang harapan. Hindi sigurado si Mer kung mapagyeyelo niya ang mga ito sapagkat ang katawan ng mga leon ay nagbabaga. Nagliwanag ang mga leon na tila lumakas kasabay ng paglitaw ng iba pang leon sa dako ni Leonard. Naghanda si Mer sa nalalapit na pagsugod ng mga leon at pinapunta sa likuran niya si Princess. Napayuko naman si Princess nang maalaala ang narinig niya kay Ram Ram na matagal na siyang sinisinta ni Mer kaya nga mas pinili siyang iligtas nito kaysa sa kaniyang kaibigan na si Adrian. Nagbuntong hininga naman si Bowie na para bang wala na siyang pagpipilian kundi lumaban alang alang sa dalagang kasama niya at nanghihinang lalaki. Nagbago ng anyo ang busog ni Bowie at kaniyang tinutok sa kalangitan. Isang malaking palaso na gaya ng kidlat ang pinakawalan niya papuntang kalangitan. Sa pagtama nito sa kalangitan ay nagpaging labing dalawa ito na gaya ng kidlat at ang apat ay tumama sa mga nagbabagang leon na nasa kanilang harapan samantala ang walo ay tumama sa mga nagbabagang leon sa dako nila Yeng. Kinagulat nga nila Leonard at Yeng ang pagbagsak ng kidlat sa kanilang dako na agad dumurog sa walong nagbabagang leon. Ang nagmamasid na si Ophiel ay napabulong na lamang na ang pinakamagaling sa lahat ng emperors ay nakisali narin sa labanan. Sinamantala naman ni Yang ang pagkagulat ng lahat sa pangyayari kaya agad niyang inatake ang mga nagbabagang leon at ng mapansin siya ni Leonard ay inihagis niya ang kaniyang bumerang na pumaikot at dumaluyong sa mga nagbabagang leon. Marami parin ang natira sa mga nagbabagang Leon ngunit nagtulungan ang kambal sa paggapi sa mga ito kasabay ng pagiwas sa mga binabatong bolang apoy ni Leonard at pagbukal ng nagbabagang putik sa kanilang lapag. Parang sumasayaw lamang ang kambal na animo'y nababasa nila ang isip ng isa't isa kung saan sila magpaparoon at parito. Nagtaka si Leonard na para bang humuhusay ang kalaban niya kahit na mas marami at malakas siya sa dalawang ito at nang kaniyang pagmasdan ang kambal ay tila masaya ito sa kanilang ginagawa. 

Sa hindi kalayuan ay sumagot sa kaniyang sarili si Ophiel na tunay ngang si Leonard ang may pinakamalakas na kapangyarihan ngunit dahil sa kinalbo niya ang kaniyang sarili na siyang naging dahilan kung bakit siya napili ng nilalang na apoy para maging emperor ng Leo ♌. Nang dumating kay Ophiel ang kaalaman tungkol sa kanilang kapangyarihan ay naunawaan niya na hindi basta naibibigay ang taglay nilang kapangyarihan sa kung sinoman. Bagkus yaong may katangiang hanap at kalidad ng pagiging emperor lamang ang magmamana ng putong ng pagkahari. Ang unang kinakailangan para maging emperor ng Leo ay ang pagkakaroon ng makakapal na buhok gaya ng isang leon ngunit dahil sa nawala na ito kay Leonard ay naging tila hindi siya karapatdapat sa pagiging emperor ng Leo. Ang pagkakaroon ng lihim ay isa pang dahilan kung bakit nagtataglay ng pambihirang lakas ang isang emperor, ngunit ang mataas na tingin ni Leonard sa kaniyang sarili ay nailitaw na, kaya naman humina pa siya kaysa sa kambal. Ang kambal naman ay hindi pa naglalabas ng kanilang natatagong saloobin kaya naman nananatili ang kanilang kalakasan at ang kanilang armas ay napalakas pa ng dahil sa kahilingan patungkol sa bagay nang matalo nila si Rocco, ang emperor ng Taurus ♉. Ngunit wala na sa kinakailangan na katangian ng emperor ng Gemini ♊ si Yeng kaya darating ang panahon na matatalo ito. 

Dahil nga sa pagtutulungan ng kambal ay naubos nila ang mga nagbabagang leon ni Leonard, nagkaroon man sila ng pinsala at paso sa katawan sa kanilang ng laban ay tila hindi nila naramdaman ito. Para bang nagbalik sila sa dati noong sila ay bata pa, noong hindi pa sila naipagkukumpara ng kanilang mga magulang at masaya pang naglalaro sa kanilang tahanan. Nagkatinginan ang kambal at ngumisi sa isa't isa at sabay na sumugod sa nag-iisang Leonard. Nawasak ni Yang ang baluti ni Leonard kaya malayang nahiwa siya ng bumerang ni Yeng sa kaniyang likod. Hindi makapaniwala si Leonard na matatalo siya. Hindi niya matatanggap na mahina parin siya sa kabila ng lahat. Bago siya malagutan ng hininga ay sinabi sa kaniya ni Yeng na malakas siya ngunit gaya niya hindi lamang nakita ng mga tao ang katangiang nila o mas dapat sabihin na ayaw mamasdan ng mga tao ang kahusayan natin sapagkat may nabuo na silang hatol sa mga tulad nilang mahihina. Muling sinabi ni Yeng kay Leonard na malakas siya. Nakangiting nagpahinga si Leonard at natanggap ang kaniyang pagkatalo. Natalo man siya ay napatunayan niya sa kaniyang sarili at sa nakalaban niya na malakas siya. Nagliwanag si Leonard at hiniling ni Yeng na maging malakas pa.

Kung minsan, nagnanasa ang tao na kilalanin siya ng kaniyang kapwa: ang mayroon siya, ang makakaya niya at kabuoan niya. Ngunit dahil sa pagbubulagbulagan ng mga taong hinangad nilang makakita nito sa kanila ang pagdismaya sa kanilang kalooban ay lumalago at nagiging pagkapoot na siyang humihila sa kanila para magpakasama at gumawa ng masama. 

-14- IMPERYO / EMPIRE

Natalo ni Yeng si Leonard sa tulong ng anino ni Yang dahil humina ang kapangyarihan ni Leonard nang pinapaging leon niya ang lahat ng kaniyang buhok na siyang pangunahing pamantayan para maging emperor ng Leo ♌ at nang ilantad niya ang tinatago niyang pagmamalaki sa sarili. Hiniling ni Yeng na lumakas pa kaya naman nagbago ang kanilang kasuotan at nagkaroon ng putong sa kanilang ulo. Nagdilim ang buong paligid at lumawak ang sakop ng kaniyang kaharian. Napansin nila Mer, Princess at Bowie ang pagdilim ng paligid habang naghahanap sila ng matataguan upang makaiwas sa gulo. Ang mga natalong hukbo naman ni Yeng ay nilamon ng kadiliman at muling ibinalik nito na buhay. Sapagkat ang mga ito ay anino lamang kaya may kakayahan si Yeng na ibalik sila sa dating ayos. Sinabi niya sa kaniyang hukbo na dalhin sa kaniyang harapan ang mga natitirang emperors. Agad silang sumunod sa kanya at nagpaging anino na naglakbay sa lupa upang hanapin sila Mer. Nang matagpuan nila sila Mer na nagtatago ay nilamon ng kadiliman silang tatlo at inuluwa sa harapan ni Yeng, gayon din si Ophiel. Batid ni Ophiel ang paglakas ni Yeng dahil sa naging kahilingan nito nang matalo niya si Leonard at ibinalita niya ito sa tatlo. Habang nakagapos ng anino ang apat ay nakatayo sa kanilang harapan si Yeng na inaalaala ang kahilingan na kaya nilang tuparin. Si Mer ay hiling sa pagkatao, si Princess hiling sa pagibig, si Bowie hiling sa pagtatagumpay at si Ophiel, hindi niya alam kung ano ang kahilingang kaya nitong tuparin. Sinabi ni Ophiel na ang kaniyang kamatayan ay katuparan sa pagkabuhay ngunit kaniyang naunawaan na hindi ito para makahiling na muling mabuhay ang isang tao kundi para mabuhay muli ang lahat ng kapangyarihan. Ang kapangyarihan ng mga natalong Emperors ay mabubuhay muli at mapupunta sa taong nagtataglay ng pamantayan at katangian ng pagkahari. Gayon ang magiging ikot ng sumpang ito. Mamamatay ang mga emperors at may magmamana muli. Uulit ang ganitong digmaan ng mga Emperors hanggang sa may isang hirangin bilang emperor ng lahat. Napaisip si Yeng sa sinabi ni Ophiel, dito niya nabigyan halaga ang kahilingan sa pagtatagumpay. Kung magkagayon, sinoman makatalo sa emperor ng Sagittarius ♐ ang tatanghalin panalo sa digmaan ng mga hari. Ngunit ito rin ang dahilan na ang emperor ng Sagittarius ♐ ang pinakamahusay sa kanila. Ngunit nilingid ni Ophiel na ang sinomang tanghaling emperor ng mga Emperors ay magkakaroon ng pagkakataon na humiling ng kahit anong bagay, na siyang hangad ni Ophiel upang maibalik ang kaniyang nasirang pamilya. Napabuntong hininga na naman si Bowie sa pagkatanto na nasa alanganin ang kaniyang buhay kahit na ayaw niyang makibahagi sa kanilang digmaan ni wala siyang kahilingan na gustong matupad. Tinatamasa na niya ang madaling buhay. Hindi man marangya ngunit hindi naman niya kailangan magpakahirap ng husto. Sapat na ang may makain siya sa araw araw sa pamamagitan ng mga nakukuha niyang gatimpala at salapi tuwing nananalo siya sa mga patimpalak. Tamad man siya, hindi naman siya nahihirapan. Wala man siyang pangarap, hindi naman niya kailangan magsumikap. Pinili niya ang madaling buhay ngunit narito, kahit na kampante na siya sa kaniyang kalagayan ay nadadamay siya sa mga suliranin ng iba na nagpapahirap sa kaniyang buhay. Sapagkat hindi niya kayang tiisin na hindi tumulong kung may kakayanan naman siyang tumulong kaya nga mas pinipili niyang matulog na lang magdamag para makaiwas sa mga ito. Kapag siya ay tulog hindi niya malalaman ang mga sulirinan ng tao at makakaiwas siya sa mga pananagutan. Sa gayong pagkakataon ligtas ang walang alam. 

Iniunat ni Yeng ang kaniyang kamay, gayon din ang anino ni Yang upang sabay kitilin ang natitirang emperors. Ngunit narito, pagkatapos bumuntong hininga ni Bowie ay nagkikislapan ang mga mumunting kuryente na lumalabas sa kaniya. Tinawag at pinalabas niya ang kaniyang mga mandirigma. Ang bato na pinana niya kanina ay naging mandirigmang halimaw na bato at maging ang mga nagbabagang leon na tinamaan ng kaniyang pana ay naging kaniyang mandirigma. Lahat ng kaniyang napana ay naging kaniyang magdirigma at makikita pa ang maliwanag na pana na nakatama sa mga ito. Nagbago din ang kaniyang kasuotan at nagkaroon ng putong sa kaniyang ulo. Ang kalakasan na inabot ni Yeng ay naabot na ni Bowie, kaya naman nagliwanag ito at nalusaw ang mga aninong nakagapos sa kanila. Mabilis itong napunta sa tabi ni Yeng para sipain siya ngunit naging anino ito ni Yang at ang tunay na Yeng ay napunta sa lugar nu Yang. Kaya naman ang nasipa ay ang anino ni Yang at tumilapon sa batuhan. Matapos masipa si Yabg ay agad nakalipat sa dako ni Yeng at nasipa din ito. Kapwa sinipa papalayo ang kambal. Kaya naman tumingin sa isa't isa ang kambal hudyat na magtutulungan na naman sila para talunin si Bowie. Ngumiti sila kapwa at agad naging anino na naglakbay sa lupa. Samantalang ang kanilang mga hukbo ay hindi na lang gaya ng tao kundi nagiging tulad ng isang anino upang makaiwas sa mga atake ng mga mandirigma ni Bowie. Mula sa anino ni Bowie ay lumitaw ang kambal at sumapak sa kaniya sa magkabalian. Tumalon ng mataas si Bowie oara makaiwas kasabay ng pagtutok ng kaniyang busog na may nagliliwanag na palaso. Ngunit wala na ang kambal sa kaniyang pinagtalunan kaya agad siyang lumingog sa kaniyang likod. Mula sa madilim na bahagi ng kaniyang damit at katawan ay naglabasan ang mga aninong kamay na nagtakang gumapos sa kaniya. Naglabas siya ng kislap ng kuryente sa kaniyang katawan na nagpalusaw sa mga aninong kamay. Mabilis siya bumaba sa lupa at agad siyang yumuko sapagkat dumaan ang umiikot na bumerang ni Yeng. Muling tumalon si Bowie para iwasan naman ang paparating na bumerang ni Yang. Sa pagtalon niya ay sinalubong siya ni Yang para atakihin sa himpapawid ngunit mas mahusay sa pisikal na labanan si Bowie kaya napabagsak si Yang. Sumunod agad ang pagtapon ni Yeng ng kaniyang bumerang kay Bowie ngunit nagpakawala ng maliwanag na palaso si Bowie na tumama sa bumerang ni Yeng at bumalik sa kaniya. 

Namamangha naman ang tatlo sa kanilang nasasaksihang laban. Nakita ni Ophiel ang tunay na kapangyarihan ng isang emperor kapag naabot nito ang pinakatuktok ng kalakasan na maaari din nilang maabot. Nagtangkang tumulong si Mer ngunit pinigilan siya ni Ophiel dahil walang magagawa ang nagliliparang isda niya bagkus sinabi sa kaniya na pag-aralan na lamang kung paano niya mapapalakas ang kaniyang kapangyarihang yelo at kadenang isda. Minasdam naman ni Ophiel si Princess at sinabi sa kaniya na may magagawa ang kaniyang mga alagad na halimaw sa hukbo ni Yeng at kung kaya niyang gamitin ang kapangyarihang hangin ay mas masusuportahan niya si Bowie sa pakikipaglaban. May kakayahan si Ophiel na malaman ang nararamdaman nila kaya naman lumayo ito sa kanila at nagdahilan kung bakit hindi siya pakikinggan ng dalawa. Siya nga pala ang pumatay kay Ram Ram kaya namumuhi sa kaniya si Mer at kinagulat naman ni Princess ang pagkaalam nito ng kaniyang kapangyarihan. Pinagtanggol naman ni Mer si Princess na hindi niya alam kung paanong gamitin ang kaniyang kapangyarihan. Muling naalala ni Princess ang nalaman niyang pagmamahal ni Mer sa kaniya kaya napayuko ito. Natawa naman si Ophiel sa pagtatanggol ni Mer kay Princess na masyadong nagpapahalata sa kaniyang nararamdaman kaya agad itong nanahimik sa kaniyang kinatatayuan. 

Samantala, naging magulo ang labanan nila Bowie at Yeng sapagkat sumali din ang kanilang mga alagad sa malaking sagupaan. Nariyan na muntik nang matamaan ng palaso si Yang ngunit sinalo ng kanilang alagad. Ang mga mandirigma din ni Bowie ang sumasalag sa mga pampasabog na ibinabato ng mga hukbo ni Yeng. Bawat kanilang alagad ay tumutulong sa kanila na magapi ang kanikanilang kalaban. Ngunit ang hukbo ni Yeng ay nagiging anino at nakakaiwas sa pinsala habang ang mga mandirigma ni Bowie bagaman malakas ay unti unti natatalo ng mga anino. Kaya naman sa tuwing nagiging anino ang mga tauhan ni Yeng ay nagpapakawala si Bowie ng maliwanag na palaso na nagpapawala sa mga anino kapag tinatamaan. Dumating ang pagkakataon na naubos ang hukbo ni Yeng at nagpakawala ng palaso para palagpasan si Yeng. Ngunit sinalo ito ni Yang at siya ay tinamaan sa balikat. Sa galit ni Yeng ay sumugod ito kay Bowie nang hindi nag-iisip kaya winawasiwas lamang niya ang kaniyang hawak na bumerang na parang nagwawalang bata. Sinipa siya ni Bowie kaya siya ang napahiga sa lupa. Patatamaan na sana siya ni Bowie ngunit isang malaking gagamba ang dumaan sa paanan nito kaya siya ay natigilan. Namutla si Bowie at hindi makagalaw. Napansin ng lahat ang biglaang pagtigil ni Bowie kaya naman sinamantala ito ni Yeng at inihagis niya ang kaniyang bumerang kay Bowie. Isinangga ni Bowie ang kaniyang busog ngunit dahil hindi siya nakahanda sa pagdaluhong ng bumerang ay siya ay tumilapon sa malayo at tumamang malakas sa isang malaking pader kaya nawalan ng malay. Nagulat sila Mer, Princess at Ophiel sa biglang pagkabaliktad ng laban at nangamba sa paglingon sa kanila ni Yeng na inihagis agad ang kaniyang bumerang sa kanila pagkasalo nito. Nakaiwas agad si Mer at gayon din si Ophiel ngunit si Princess na walang alam sa pakikipaglaban ang tinamaan ng umiikot na bumerang. Nakita ni Ophiel at Mer ang pagtatalsikan ng dugo mula kay Princess habang patuloy na umiikot ang bumerang sa kaniya. Sa galit ni Mer ay naglabasan sa kaniyang lukuran ang apat na kadenang isda na pumigil sa umiikot na bumerang at inihagis kung saan. Nagsimulang magyelo ang tinatapakan ni Mer at nagbago din ang kaniyang kasuotan at nagkaroon ng putong sa kaniyang ulo. Lumamig ang buong paligid at naramdaman ang galit at paglakas ni Mer. Ang kaniyang mukha ay nababalot ni dilim at kaniyang diwa ay napapaligiran ng pagnanasang maghiganti. Dahil sa bugso ng damdamin ay naabot ni Mer ang taluktok ng kalakasan ng kaniyang kapangyarihan.

Tunay ngang walang sukat ang damdamin lalo na ang pagibig at walang nakakaalam kung anong lakas ang maibibigay nito sa atin. Ngunit gaano man kalakas ang tao kung napaghaharian ng takot ay magagapi parin ito. Sapagkat hindi natatakot ang may tunay na pagibig at nahahandang haraping may pananampalataya ang anomang panganib ng buhay alang alang sa minamahal.

-15- PAGHAHARI / SOVEREIGNTY

Natalo ni Yeng si Bowie nang mamutla ito sa takot sa nakitang gagamba sa kaniyang paanan at inatake ang natitirang Emperors. Tinamaan ng umiikot na bumerang si Princess kaya naman nagwala sa galit si Mer at ang kaniyang mga kadenang isda ay pinagsisira ang paligid. Pnagalaw naman ni Yeng ang bumerang ni Yang at inihagis sa kaniya. Ngunit hinampas lamang ito ni Mer sa pamamagitan ng kaniyang kadenang isda at tumilapon ito sa malayo na nagyelo pa. Patuloy na sumisigaw sa galit si Mer ngunit nananatili sa kaniyang kinatatayuan at pinaghaharian ng galit kaya naman anoman ang maabutan ng kaniyang mga kadenang isda mula sa kaniyang likuran ay winawasak pagkatapos gawin yelo. Dahil sa pagsapit ng gabi ay naging magaan kay Yeng ang pagpagalaw ng anino na siyang gumapos kay Mer at kaniyang mga kadenang isda. Pumipiglas ang sumisigaw pa si Mer ngunit hindi siya makawala. Pinagalaw ni Yeng ang kaniyang bumerang na tumama kay Princess at kaniyang pinaikot para palagpasan si Mer. Ngunit bago pa ito tumama kay Mer ay tumigil ito at tila mga ugat na tumitibok ang mga dugong nabalot dito. Tumayo ang duguan na si Princess sa kaniyang pinagkabagsakan na tila walang pinsala ngunit nananatiling tulala sa pagkabigla at nang maramdaman ni Mer na nasa maayos na kalagayan si Princess ay kumalma din ito. Kaya naman ginapos din si Princess ni Yeng sa pamamagitan ng anino. Ngunit hindi tuluyan magapos ni Yeng ang dalawa dahil pumipiglas ang mga ito nang sila ay matauhan. Kaya naman si Ophiel na nasa banda niyang likuran ay nagsalita sa kaniya na hindi niya matatalo ang dalawa sapagkat buo pa ang kapangyarihan nila hindi katulad niya na nahahati na ang kapangyarihan sapagkat wala na sa kaniya ang pamantayan na kinakailangan sa pagiging Emperor ng Gemini ♊. Sinabi ni Ophiel na nalaman niya na kaya niya nakuha ang kapangyarihan dahil sila ay kambal. Oo, sila. Si Yeng at Yang, kapwa sila emperor.

Mababalikan ang pangyayari noong bata pa sila. Nang magkaroon ng tanda ng Gemini ♊ si Yeng sa kaniyang kamay ay nagkaroon din nito si Yang sa kaniyang kabilang kamay. Narinig din ni Yang ang tinig ng nilalang na apoy nang sinabi kay Yeng na magkakaroon siya ng kapangyarihang maghari at tumupad ng kahilingan sa pagpaparusa kapalit ng kaniyang buhay. Subalit pinatay ni Yeng si Yang kaya hindi na sila matatawag na kambal. Kung magkagayon hindi na buo ang kapangyarihan ni Yeng. Naging malakas lamang siya dahil pinalakas ang kanilang bumerang nang matalo nila si Rocco at lumakas ang kapangyarihan nang matalo nila si Leonard. 

Sinamantala ni Ophiel ang kaniyang kakayahan na makabasa ng nararamdaman ng kapwa kaya sinabi niya kay Yeng na pinatay niya ang kaisa isang nagmamahal sa kaniya. Si Yang ang kaniyang kuya na laging nakahanda na magsakripisyo sa kanya. Pinagbulaanan ito ni Yeng at tinangka siyang gapusin ng kaniyang anino. Ngunit nagkalat ang mga ahas ni Ophiel sa paligid at sumakay siya sa pinakamalaking ahas upang makapagpatuloy sa pagsasalaysay. Kung mapapansin ang makisig na katawan ni Yang ay nababalot ng pasa at latay, ito ay kagagawan ng kaniyang mga magulang na nagpaparusa sa kaniya tuwing may pagkukulang siya. Noong bata pa lamang sila ay sinasanay na si Yang na maging mahusay upang maging pinakamahusay na tagapagmana ng kanilang negosyo. Sa tuwing nagkakamali siya ay nakakatikim siya ng pananakit sa kaniyang mga magulang. Walang malay dito si Yehg sapagkat nakikita lamang niya kung ano ang gustong ipakita ng kaniyang pamilya hindi kung ano ang totoong mukha nito. Laging sinisiraan ni Yang ang kapatid sa kaniyang magulang, na hindi nito kayang magpalakad ng kanilang negosyo at siya ang mas magaling sa lahat ng larangan sapagkat ayaw niyang madanasan ng kaniyang kambal ang pagmamalupit ng kaniyang magulang. Sa sandali na malaman nila na mahusay din si Yeng ay kapwa sila pagmamalupitan para lang maabot ang hinahangad ng kanilang magulang at mapagpatuloy ang katanyagan ng kanilang pamilya sa negosyo. Dahil dito ay tinago ni Yang ang kaniyang nararamdaman at laging pinapatunayan sa kaniyang magulang na siya ang magaling at si Yeng ay hindi dapat magkaroon ng bahagi sa negosyo sapagkat ibabagsak niya lamang ito na siyang pinaka ayaw ng kaniyang mga magulang. Kaya nang malaman ni Yang na si Yeng ang naging manunulat ay nagpanggap ito bilang tagahanga at laging sinusulatan ang kapatid na magpatuloy sa pagsusulat. Sa pamamagitan nito ay masusuportahan niya ang kaniyang kambal at maipararating ang kaniyang lihim na pagaalala dito. Ngunit habang tumatagal ay mas humihigpit ang kaniyang magulang sa kaniya kaya naman nawalan siya ng pagkakataon na masulatan pa si Yeng. At nang minsan napasa panganib si Yeng nang dahil sa inakala siyang si Yang ay laking pag-aalala nito sa kakambal. Dito nila natuklasan ang kanilang kapangyarihan na anino. Walang kamalaymalay si Yeng na hindi mga pulis ang sumaklolo sa kaniya kundi ang kaniyang kakambal. Sa huli, kaya nagmadaling pumunta sa kanilang tahanan si Yang dahil sa pag-aalala niya kay Yeng nang masaksihan niya ang kaguluhan gawa ng mga robot ni Allen at biglang pagbalik nila sa nakaraan na hindi agad napansin ni Yeng sapagkat laging nakakulong sa kaniyang silid.

Hindi makapaniwala si Yeng o dapat sabihin ayaw niyang tanggapin ang katotohanan. Naniniwala siyang hindi siya mahal ng kaniyang kapatid. Walang nagmamahal sa kaniya dahil mahina ang tingin sa kaniya ng lahat at si Yang lamang ang magaling. Lumapit ang anino ni Yang na gumagapang at sinabi nga niya na tunay na mahal niya ang kaniyang kapatid. Kaya nga ito humingi ng tawad sa kaniya bago ito tuluyan mawalan ng hininga sapagkat hindi na niya mapagtatanggol ang si Yeng sa kaniyang mga magulang. Humihingi ng tawad ito na hindi siya lumaban sa pamamaslang ni Yeng dahil napapagod na rin siya sa kaniyang buhay na walang kasiyahan kundi nabubuhay na lamang ayon sa kagustuhan ng kanilang magulang na ang tanging iniisip ay ang kapakanan ng kanilang negosyo. Matagal na niyang nais sabihin kay Yeng na magaling ito at mahal niya ito. Kaya bago din malusaw ang anino ni Yang ay inulit niya na mahal niya ang kaniyang kakambal na si Yeng, dahil siya ang kuya nito. Sumagot si Yeng at nagsabi na mahal na mahal niya rin si Yang. Ibang kasayahan ang naramdaman niya nang makipaglaban sila na magkasama kahit na anino lamang ang kasama niya ay naramdaman niya ang pagkakaraoon ng kapatid. Ngunit napangunahan siya ng masamang akala na minamaliit siya nito. Ang hangad niya ay maibalik sila sa dati noong bata pa sila, na magkakampi sila sa anomang bagay. Hangad lamang niya na maalagaan uli siya ng kaniyang kakambal.

Matapos ito ay tuluyan ngang naglaho ang anino ni Yang. Ngumiti si Ophiel sa maramdaming pagbukang bibig ng saloobin nila Yeng at Yang sapagkat nalalaman niya na ang bawat Emperors ay may tinatagong lihim na sa sandaling mailantad nila ito ay hudyat ng kanilang paghina at pagkatalo. Gaya na lamang ng pagsalysay ng matagal nang kinikimkim na palma Adrian, ang tunay na hangarin ni VenSom, ang lihim na pagkatao ni Devon, ang pagsisisi ni Jury, ang nakatagong galit ni Allen, ang nakaraan ni Ram Ram, ang pagnanasa ni Rocco, ang malaking pagtingin sa sarili ni Leonard at ang saloobin ni Yeng at Yang sa isa't isa. Nang kanilang mailitaw ang kanilang lihim ay naging pasimula ng kanilang paghina kaya naman nagawa silang matalo ng ibang Emperors.

Inilabas nga ni Ophiel ang kaniyang tungkod at pinalagpasan si Yeng. Nagulat si Mer at Princess sa ginawa ni Ophiel kaya nang nakawala si Mer sa kaniyang pagkakagapos ay agad siyang lumipat sa harap ni Princess para ipagtanggol ito. Hinamak naman ni Ophiel ang ginawa ni Mer at hinamon na sabihin kung bakit niya pinagtatanggol si Princess. Sinagot niya siya na humahanga na siya kay Princess noong mga bata pa lamang sila. Hanga siya sa katapangan ipinapakita nito na sa kabila ng hirap ng buhay at mga masasamang salita ng mga taong nakapaligid sa kanilan ay makakapagpatuloy siya at ngumingiti parin. Hindi siya nagkagusto kay Princess dahil lang sa taglay na kagandahan nito kundi naakit siya sa katatagan ng kaniyang pagkatao. Nais niyang makatulong sa pagiging matatag nito at maingatan ang nakita niyang ngiti. Nanlisik ang mata ni Ophiel at sinabi kay Mer kung ayon ba ang dahilan kaya niya nagawang manlinlang ng kapwa. Tinago ang katotohanan at tinakpan ng tila mabuting gawa ang tunay niyang saloobin. Nalaman ni Ophiel na masama ang loob ni Mer sa kaniyang kapatid na si Phil dahil palagi itong napupuri ng kaniyang ama sa halip na siya sa tuwing nagkakasama sila sa pangingisda. Ngunit ginamit ni Mer ang pagkaturo kay Princess para ibaling ang pagiging alay sa kaniyang kapatid. Hindi lamang iyon, nagpakunwari pa siya na maghihiganti kay VenSom dahil sa pinatay nito ang kaniyang kaibigan na si Adrian samantalang matagal nang nais ni Mer na mawala ang kaibigan sa kaniyang buhay sapagkat siya ang naging paborito ng kaniyang ama. Hindi lang niya matanggap na hindi siya ang nakatalo kay Adrian kundi si VenSom. Si VenSom na nakita niyang minsan na nakapagpangiti kay Princess na hindi niya kailanman nagawa sapagkat malayo ang loob sa kaniya ni Princess. Kaya nga mas pinili niyang iligtas si Princess kaysa kay Adrian sapagkat wala naman talagang halaga sa kaniya si Adrian. Itinuring ni Mer siyang kaagaw sa atensyonng kaniyang mga magulang kaysa kaibigan. Tinatakpan niya lamang ng ibang dahilan ang tunay niyang motibo. Kaya naging kadudaduda ang pagmamahal niya kay Princess dahil sa mga kasinungalingan na ito.

Lumiwanag si Yeng hudyat na paghiling ni Ophiel, hiniling niya na parusahan ng kamatayan ang mga may kasalanan sa pagkamatay ng kaniyang kapatid. Napasigaw si Mer sa biglaan pagkirot ng kaniyang puso dahil sa kahilingan ni Ophiel. Ngunit nagtaka ito sapagkat walang masamang nangyari kay Princess at Bowie. Sinagot siya ni Princess na wala silang kinalaman sa kamatayan ng kaniyang kapatid. Sa katunayan ang kuya ni Ophiel ang unang nagnasang ialay si Princess sa nilalang na apoy, si Bowie naman ay humihikab at walang imik sa nangyayari at si Yeng ang kaniyang pinatay ang bukod tanging kumampi sa kaniyang kapatid. Sa madaling salita, pinatay ni Ophiel ang kaisa isang naghangad ilagtas ang kaniyang kuya kung magkagayon, karapatdapat din sa kamatayan ang sinomang pumatay sa tagapagligtas sana ng kaniyang kuya. Nagsising mainam si Ophiel sa pagkakamaling nagawa at ginatungan pa ito ni Princess at sinabi sa kaniya na hindi matutuwa ang kaniyang kuya sa kaniyang ginawa bagkus ay kamumuhian pa siya sapagkat pinatay niya ang nag-iisang kumampi sa kaniya. Sa galit ni Ophiel ay sumugod ang kaniyang mga ahas kay Princess at siya pinagkakagat. Ngunit ang walang emosyon na mukha ni Princess ay muling nagsalita kay Ophiel na may panghahamak, kung ito ba ay gumaganti dahil sa kamatayan ng kaniyang kapatid o nagnanasa lamang siyang gumawa ng masama at gumagamit lamang ng dahilan para mabigyan daan ang kaniyang maling gawa. Walang epekto kay Princess ang kamandag ng mga ahas bagkus ang mga kumagat sa kaniya ang nagsibagsak dahil sa kaniyang dugo. Sinabi ni Princess na lubos na niyang nauunawaan ang kaganapan, dahil sa sumpang ibinigay sa kanila ay nagkaroon din sila ng pangnanasang abutin ang kanilang mga hangarin kahit na ito ay mali upang sila ay magmalabis at tumiwala sa kanilang kapangyarihan. Ang tunay na waginay hindi ang nagwagi sa laban na ito kundi yaon may matinding pagpipigil sa sarili na magnasa ng higit sa kinakailangan. Anoman kalabisan ay sa masama gaya na nga ng ginawa ni Ophiel. Sa labis na pagsisisi ni Ophiel sa kaniyang ginawa ay nagpakalayo layo ito kasama ng kaniyang mga ahas. 

Natalo na nga nila si Yeng na naghahangad na maghari sa buong bayan at wala narin si Ophiel na hangad ay maghiganti. Wala na ang kaguluhan sa bayan dahil wala na ang mga gumagawa nito. Mapayapang hinarap ni Priny ang malamig na simoy ng hangin sa gitna ng gabi.

Lumapit naman sa kaniya ang nanghihinang si Mer dahil sa kirot. Sinabi sa kaniya na tapos na ang lahat at makakabalik na sila sa dati nilang buhay. Hinarap naman siya ni Princess at hinawakan siya ni Mer sa kamay. Sinabi ni Mer na mahal na mahal niya si Princess. Tunay ngang marami siyang nagawa para dito at nagawang ialay para lang sa kaniya. Ngunit sumagot ng walang pasubali si Princess na hindi niya mahal si Mer. Nadismaya si Mer sa narinig na para bang ayaw niyang paniwalaan ang kaniyang narinig. Na sa kabila ng paghihirap, pagliligtas at sakripisyo niya para kay Princess ay hindi parin siya mahal nito. Sinabi ni Princess na kinaiinisan niya si Mer simula pa noong bata pa sila. Bakit kailangan niyang makialam. Kung hindi dahil sa kaniya tapos na ang kaniyang paghihirap. Kung siya ang naialay sa apoy wala sanang paghihiganting naganap dahil wala naman maghihiganti sa para sa kaniya. Hindi lamang iyon kundi kung ano ano pa ang hiniling niya para mailigtas ang kaniyang buhay samantala siya kabaliktaran nito ang kaniyang nais. 

Maalala ang sinabi ni Jury na ang mga halimaw na kagamitan ay nagwawala dahil ang kanilang Emperor ay nawalan ng pag-asa at nagtangkang tapusin ang sariling buhay. Gayon nga ang nangyari, nagtangka nga si Princess na tapusin ang kaniyang paghihirap ngunit sa sandaling madampian ng kaniyabg dugo ang patalim na hawak niya ay agad itong nagbagong anyo at naging halimaw na pumigil sa kaniyang masamang balak. Dahil kay Mer ay mananatili siya sa kaniyang paghihirap kaya naman kinamumuhian niya ito. Muling inulit ni Mer na nakayuko na mahal na mahal niya si Princess. Tumalikod si Princess at sinabi kay Mer na kung mahal niya siya ay ibibigay niya ang hinahangad niyang kamatayan. Nanahimik si Mer sa kaniyang kinatatayuan kaya naman lumakad na si Princess palayo kay Mer. Ngunit lumagpas sa dibdib ni Princess ang kadenang isda ni Mer at nagsuka siya ng dugo. Niyakap siya ni Mer mula sa likod at humiling na mahalin siya ni Princess. Pagkabulonh niya ito ay nagsuka din ito ng dugo hindi dahil sa hiling na parusang kamatayan ni Ophiel kundi dahil ang damit na nabahiran ng dugo ni Princess ay naging halimaw at sumaksak kay Mer. Hiniling naman ni Princess na bigyan siya ng bagong pagkatao. At nagliwanag ang kanilang dako hudyat ng katuparan ng kanilang hiling.

Natapos nga ang kaguluhan at digmaan sa pagitan ng mga Emperors. Ang mga kalapit na bayan ay tumulong sa kanila para makaahon. Maraming namatay ngunit mayroon din mga nakaligtas. Ngunit sa kabila ng pagkawasak ay hindi parin nawala ang pagtutulungan. Marahil hindi naubos ang masasamang tao ngunit hindi rin naman mawawala ang mabubuti. Ang mga ordinaryong mamamayan ay magpapatuloy sa kanilang buhay at nagsusumikap para maabot ang kanilang pangarap. At ang mga matatayog na hangarin ay nagiging hiling sa pamamagitan ng panalangin sapagkat may mga bagay na wala na sa kapangyarihan ng tao na ang tanging makakagawa ay ang mas makapangyarihan sa tao. Kaya makikita sa isang magandang silid ang masayang natutulog na si Bowie na walang dinadaing at walang inaalala sapagkat nakabalik na siya sa kaniyang tahimik na buhay na walang iniisip kundi magpahinga hanggang sa may biglang nalaglag na gagamba sa kaniyang mukha kaya nagkagulo ang buo niyang silid at kaniyang buong buhay.

-End


No comments:

Post a Comment