Saturday, May 11, 2019

Daan na Nilakaran

Edukasyon ang mag aahon sa buhay ng isang mahirap. Ang bilin ng matatanda ay mag aral ng mabuti para maiahon ang pamilya sa hirap. Ngunit paano aahon ang mahirap sa hirap kung hindi makapag aral dahil sa hirap?

Sa malapit na pagtatapos ng sekondarya, kanya kanya na silang hanap ng kolehiyong papasukan. Ang iba ay kumukuha ng exam, ang iba ay may kakayanan na makapag aral. Ngunit narito ako na walang alam dahil wala pa sa pamilya ang nakapagtapos ng pag aaral. Kaya kahit humingi lang ng pang exam para maging scholar ay hindi mabigyan dahil hindi nila makita ang saysay kung hindi nila maintindihan. Kaya ang pagtatapos ng sekondarya ay pagtatapos ng pangarap dahil mamumulat na sa buhay na dapat kumita ng pera para sa pamilya.

Ngunit ano ang alam ng gaya ko na ang tanging nalalaman ay ang itinuro sa eskwelahan. Ako na ang buhay ay umikot sa bahay at paaralan. Walang nalalaman sa labas ng aking natutunan. Kaya narito, hindi na umasa na makakapag aral pa para matupad ang hangarin nila na maiahon ko sa hirap ang pamilya.

Ngunit kay palad ko sapagkat nagkaroon ng pagkakataon na makapag aral sa kolehiyo. Sa awa ng Dios ay naging scholar bagaman mayroon parin binabayaran. Subalit kami ay walang anuman kaya madalas ay nahihirapan at nasasabi ng ina na tumigil na ako sa pagaaral, ang katulad kong mahirap ay hindi dapat mataas mangarap. Madalas wala akong nakukuhang suporta dahil sa halip na ipangkakain na lang namin ay mahahati pa sa pamasahe ang maliit na kita ng aking ama, at hindi gusto ng aking ng ina ang palaging walang pera sa bulsa. Pinapaniwala ko na lang ang aking sarili na nasasabi niya ito dahil sa hirap ng buhay, sino ba naman ang makapagtitiis sa araw araw na isang kahig at isang tuka? Mas magaan pa ata sa kalooban ang gamitin ang pera pambili ng makakain kaysa ang magtiis ng hirap para magpaaral sa walang kasiguraduhan na makapagtatapos. Saksi ang unan at kumot ko sa aking tahimik na pagluha. Ang mga hibik na sa panalangin ko lamang naidadaing, ayos lang yan, sabi ko sa aking sarili, at itinitiwala ko sa Amang mahabagin ang aking mga isipin. Naniniwala na sa kinabukasan ay may maiuuwi ang aking ama na salapi para may maipamasahe ako sa pagsapit ng umaga. Makapangyarihan ang Dios para gawin yaon, at gayon nga madalas ang nangyayari. Sa bawat daing ko ay madalas ay may sagot na kahit paano na pamasahe papuntang eskwela.

Nagsisikap akong mag-aral hindi para sa aking sariling kinabukasan kundi nagtitiis ako at nagsisikap para itong mga mahal ko sa buhay ay maiahon sa hirap, makita ko man silang nagagaanan sa buhay at makakain ng masarap kahit hindi man nila ako tulungan ay isa nang kasayahan. Baka hindi lang nila nauunawaan na para sa kanila ang aking ginagawa. Kaya nag aaral ako para maging ang mga tumulong sa akin ay masuklian ko din naman ng mabuting gawain. Nagpatuloy ako sa pag-aaral gamit ang binigay na karunungan bitbit ang hangarin na makatulong sa pamilya at sa mga tao na malapit sa akin. Wala man kaming ilaw hindi nagdilim ang aking pag asa na makapagtapos ng pag aaral. Sa hirap nga ay pinagkakasya ang isang pritong itlog sa amin magkakapatid at nangunguha na lang ng kabote at talbos ng kamote sa U.P. para may makain. Gumigising ako ng maaga para maglakad papuntang paaralan baon lamang ang isang litro ng tubig. Madalas mag-isa sa eskwela sa gayon hindi nila mahalata na ako ay walang wala. Mag-isa ko itong dinala at wala akong madaingan ni mahagkan kahit na mayroon akong mga kaibigan. Sino bang tutulong sa tulad kong aba o sino ang makikinig sa kwento kong madrama, kundi ang Dios na pinaniniwalaan ko na matapos ko lang ang pagsubok na ito, ibibigay Niya ang kasaganaan na hinihingi ko. Kaya kahit na P500 lang ang naibayad pang matrikula ay nagpatuloy ako sa pag aaral at nagsumikap na pumasa, ngunit sa likod ng isip ko ang aking plano ay bigla na lang akong mawawala at hihinto sa pag-aaral nang hindi nila namamalayan. 

Ngunit hindi ko maunawaan, may kalungkutan akong nadarama ngunit para bang hindi malungkot dahil hindi naman ako nawawalan ng pagasa, kaya kahit na alam kong wala naman akong inaasahang pera na ipambabayad sa aking matrikula ay nagpatuloy lang ako sa kung ano lang ang magagawa ko, ang mag-aral at ganapin ang tungkulin ko. Isang buwan bago matapos ang sem, nang ako ay nakahanda na para tumigil at sumuko ay isang biyaya ang dumating. Sa pamamagitan ng aking matalik na kaibigan ay naipasok ako sa isang trabaho na naging daan para makapagpatuloy ako sa pag-aaral. Dumating ang tulong sa pagkakataong bibitaw na ako. Minsan pala, mabuti ang huwag agad susuko hanggat wala pa sa dulo. Kaya hindi ko makakalimutan ang mga taong nagbigay ng kahit pampamasahe lang para lang ako makapasok, ang minsan tulong ay nagiging walang hanggang utang na loob. Iingatan ko ang damdaming ito bilang inspirasyon para makapagtapos. Marami akong nais suklian at tulungan.

Ngunit ang paghihirap ay patuloy lamang maging hanggang sa aking pagtatapos kung saan ang lahat ay nasasabik sa pagdaos. Pinaghahandaan maging ang kanilang kasuotan, samantalang ako, narito, ang sapatos na mula pa nang elementarya hanggang doon ay dala dala ng aking mga paa. Mga damit galing sa ukay ukay, mga binigay at pinaglumaan ang aking naging kasuotan. At ang ina na ayaw sumama dahil walang pera, walang suporta kung hindi lang napilit ng aking tita. Magtatapos sana ako na nag-iisa suot suot ang nakangiti kong maskara.

Kaya naman sa aking pagtatapos ang unang sumagi sa isip ko ay ang magkaroon ng hanapbuhay para yaong mga paghihirap ay hindi na namin maranasan. Ngunit paano maghahanap kung walang panghanap. Ubos na ang natirang pamasahe at lakas ng loob para tanggapin na hindi ako nakapasa. Sinuong ko ang hirap ng pag-aaral ngunit narito, wala parin akong trabaho dahil hindi ako mahusay. Mahiyain at mahina sa Ingles. Anong sumbat na lamang ang uulan sa akin, na yaong mga ginastos para sa akin ay nabalewala, mainam pa sanang ipinangkain na lamang kaysa ginastos sa wala. Ngunit may awa talaga ang Dios nang muntik na akong sumuko doon dumating ang trabaho. Ngunit hindi madali ang naging paghahanap buhay lalo na kung ito ang iyong kahinaan, ang makipag usap ng ingles tungkol sa gadyet na wala naman ako. Nariyan na binubully ako ng aking mga katrabaho, minamaliit at kinukutya ang mga pagkakamali ko pero kailangan kong magpatuloy dahil sa dala kong pananagutan at hangarin na makita ang aking pamilya na makaranas ng saganang buhay. Umiiyak ako sa pagtatrabaho sa loob ng C.R. dahil hindi ako makasuko kahit hirap na hirap na ako sa mga sigaw at galit ng aking mga kausap. Ang naging sandalan ko ay ang manalangin sa araw araw na sana maging maayos ang buong gabi ng pagtatrabaho at malayo sa mahihirap na tawag. Tanging ang sarili ko ang kakampi ko, kaya mo yan sarili ko, ang sabi ko. Naging pampagaan ng loob ko ay ang magampanan ang tungkulin ko at makatulong sa mga kaibigan ko dahil binubura nito sa isipan ko ang bawat gabi na gusto ko nang sumuko. Ngunit sa huli, ako ay bigo. Natanggal at ibinalik pero natanggal parin sa trabaho. Lilitaw at lilitaw na hindi ako magaling.

Ang Dios ay gumagawa sa ikabubuti ng mga nagsisiibig sa Kanya, napagkalooban ako ng trabaho na kinabagayan ko dahil pag usapan banko, may math kung saan magaling ako. Naging kasangkapan ang bago kong trabaho para mas makatulong sa pamilya, sa Iglesia at sa iba. Kaya sa tuwing may pagkakataon na tumulong ay tumutulong ako sapagkat ako man ay tinulungan din ng Dios unang una at ng ibang tao. 

Dito ay naipakita ko ang husay ko. Sa galing ko sa numero at mabilis kong pagtanda ng proseso. Hindi man ako ang pinakamagaling ay isa ako sa naaasahan mapagtanungan. Kaya noon ang pinakamagaling ay may ibang gawain ay isa ako sa naging kapalit para magturo sa mga baguhan at magtuturo sa lilipat. Nakakapagod, oo, pero masaya na may nakikilalang tao ay may natutunan ako. Hindi ko na naisip ang dagdag trabaho o ang maliit konh sweldo. Napagkakasya naman kahit paano ang kinikita ko at kontento sa baon na itlog at itlog at itlog o kung minsan ay delata sa kasamaang palad, dumarating parin ang pagkakataon na wala na din uulamin. 

Akala ko kaya ko na ang trabaho dahil sa nagagawa ko na ito ngunit dahil ang pagtuturo pa lang yun ay hindi pa opisyal ay kailangan pang aplayan, doon nagsimula ang kaba. Sapagkat alam ko na mahina ako sa Ingles kaya hindi ko maipapasa ang interview. Gayon nga ang nangyari, pinahiya ko ang aking sarili at pinamukha ko sa sarili na napakalayo ko pa sa mga kasama kong nang apply. Ngunit sa kasamaan palad, nagawan ako ng usap usapan na hindi ako naging masaya sa naging resulta. Sapagakat ang dating tinuran ang nakapasa para magturo. Dahil sa usap usapan na mas magaling ako kaysa dito ay inakala ng iba na masama ang loob ko. Kahit na alam ko kung bakit hindi ako nakapasa, iba naman ang unawa ng iba kaya nasira ako sa kanila. Dahil dito ang masayang buhay sa trabaho ay unti unting nag iba. Nariyan na nag alisan na ang mga naging kaibigan ko at may abiso na naabuso ako. Sapagkat nauna pang napataas ang sahod ng mga tinuran ko kaysa sa akin na nagturo. Bagamat mas magaling ako dahil angat ako sa karanasan ang sahod mas mababa pa sa mga baguhan. Nakaramdam ako ng awa sa sarili ko na wala palang nagpapahalaga sa ginagawa ko. Mataas man akong metrics ko ay hindi kusang itataas ang sahod ko. Siguro dahil mag isa lang ako sa aking mundo bagaman tumutulong sa ibang tao.

Dumating ang pagkakataon, ang tinuruan ko ay naging boss ko. Sa mahihirap na tanong ako ang ipambabato. Masaya akong tumulong pero iba na ang aking pakiramdam, pakiramdam ko na sa likod ko ay ako ay pinagtatawanan. Dahil sa naging ganito ang sitwasyon ko. Mayabang pero nasa mababang posisyon. Nahusgahan nang hindi man lang nabigyan ng pagkakataon para magpaliwanag. Sa huli, ay iniwan ko ang trabaho na dati kong minahal.

Narito, nabuhay na naman na may kaba dahil wala na naman trabaho ang nakapagtapos. Takot na naman sa sumbat at kumpara na bakit ang iba ay malaki na ang sahod at naging maginhawa na. Samantalang ako, naka dalawa nang trabaho pero hirap pa din sa pag asenso. Muli, ipinasuyo ako ng ama para makapasok sa government ngunit dismaya lang ang inabot dahil di rin ako nakapasa. Umuulit ulit na ang sisi ko sa aking sarili na hindi kasi ako magaling. Baka masyado mataas ang isipin na mahusay ako kung di naman ako inglisero. 

Ngunit sa isang bagay ako magaling, ang manalangin. Kaya naman gaya ng dati, kung kailan malapit na akong sumuko ay doon dumating ang trabaho. Ang una kong inaplayan, matapos ang ilang buwan ay tumawag sakin. Laking pasalamat ko sa Dios na dumidinig ng aking panalangin. Sa bago kong trabaho sa banko kahit taga sagot ng tawag ay masaya na ako. Ngunit hindi parin maipagmalaki ng magulang dahil hindi gaya ng mga kaibigan ko na mas magandang trabaho at mas asenso. Nakukumpara pa ang sahod sa sahod ng ibang hindi nakapagtapos. Gayon pa man, pinili ko na lang gampanan ang kinakailangan. Basta may pagkain may maiaabot ay kontento na ako. Dahil sa dismaya sa pamilya naging kontento na ako sa kung anong meron ako.

Naging plano ko sa bagong trabaho ko ay ang itago ko ang nalalaman ko. Ayaw ko na magaya sa dati na masabihan na nadagdagan ng trabaho pero hindi ng sweldo. Umiiwas na masabihan pa ng kung ano ano. Kaya ang mahalaga ay maipasa lang ang metrics na kinakailangan para hindi matanggal at hindi maulit sa una kong karanasan. Dahil sanay na sa sigaw ay hindi na ako nahirapan. Dahil sa ang mga kausap ko ay hindi rin gayon kahusay sa ingles ang kahit paano ay may kompiyansa ako. Masaya na ako natutulungan ko ang mga tumatawag sa telepono. 

Subalit hindi ko naisip na kahit ako ay tahimik ay may makapapansin ng may kaunti akong galing. Handa na akong tumaggi na mailagay sa Premier kahit may dagdag sa kikitain dahil sa kaba na baka hindi ko kayanin. Nalalaman ko na iyon ay para sa magagaling. Ngunit hindi ako nabigyan ng pagkakataon na tumaggi kaya wala din akong nagawa kundi ang tanggapin ang bagong gawain. Kaya sa unang sabak ay hangad ko ay maibigay ang lahat sa gayon hindi ako bumagsak. Ngunit gawin ko man ang lahat naroon lang ako sa marka na sakto lamang. Naalaala ko na ang hangad ko lang ay maging sakto lang. Hindi ko nga pala hangad maging una at plano ko lang maging tahimik sa isang banda. Kaya nung hindi ko ginalingan ay gayon parin ang nakuha kong marka. Kung gayon, galingan ko man o hindi ay makakakuha ako ng parehong marka. Kaya hindi ko na pinahirapan ang sarili basta ako ay pasa.

Ngunit nalipat sa ibang team kung saan ang boss ay magaling kaya ang marka ay pang hindi magaling. Dahil sa hamon na ito lang ba ang kakayanin ay binigay ang dating galing.


No comments:

Post a Comment