Mula sa hindi kilalang angkan ay isang paslit ang isinilang na walang galing sa anoman. Sapagkat sa bawat pagkukumpara palaging hindi ang pinaka. Mas mabait ang anak ni ganito, mas maswerte ang anak ni ganun. Mas matalino ang kaibigan ko at mas magaling ang mga kakilala nito. Hangad ko na marinig na ako naman ang panalo.
Purihin ng iba, iba ang papuri ng pamilya siguro dahil sa mas mahal ko sila. Baka ang halaga ng papuri ay nasa halaga ng pumuri. Kaya sabihin man ng iba na magaling din ako, ay hindi gayon kahalaga. Sapagkat ang salitang magaling din ay mula sa kumpara na may mas magaling.
Mabuti na mabuti pa ang iba ay nakakakuha ng papuri sa aking pamilya. Mabuti pa ang anak mo kasi ang anak ko ay ganito. Maging kasarian ay hindi nakalampas sapagkat mabuti pa ang anak ni kumare, babae, may mag aalaga at makakatulong sa kanila pagtanda. Mabuti pa ang magka anak na magandang babae, maaaring magka asawa ng mayaman o taga ibang bansa. Hindi magwawagi sa bagay na ako ay wala. Ituring man na isa sa kanila ay hindi magiging gaya nila sapagkat ipinanganak na akong ganito kaya hindi na magiging gayon
Kaya naman nagsikap ako sa kung ano ang mayroon ako. Talento sa pagguhit ang nilinang ko. Ngunit nang isinali sa palaro ay natalo. Sa halip na papuri ay umuwi silang dismiyado. Akala nila magaling ako gumuhit pero bakit ako talo. Kaya nag aral na lamang ako baka dito maipagmalaki ako. Ngunit pumasa man sa eskwela kung walang medalya ay hindi parin ang pinaka. Mas magaling parin si kakilala na laging may medalya.
Hanggang sekondarya patuloy ang kumpara sapagkat sa mga samahan ng kabataan ay isa lang ako sa kasakasama hindi ang lider na mas kilala. Bawat salihan ay duda ang kanilang bigay. Hindi ka naman magaling sumayaw. Hindi ka naman marunong kumanta. Maging sa teatro, sandali lang akong pinakita at hindi rin ako ang bida.
Palaging hindi ako. Magsikap man ako laging ako ang talo. Kaya tinanggap ko na hindi ako mananalo. Hindi na ako ang pinaka o magiging una. Ang inasam ko ay ang maging pangalawa o basta huwag lang ang pinakamababa. Sa ganito ay nagkaroon ng hangganan ang magagawa ko. Hindi ako magiging una, ako lang ay pangalawa.
May talino man kung ikukunpara sa mga kapatid ay talo pa din. Sapagkat talo ng madiskarte ang matalino. Walang patutunguhan ang tahimik kaysa palakaibigan. Maging sa lakas ng katawan ay hindi rin maaasahan. Kaya doon na lang ako sa sunodsunuran. Baka sakaling maging pinakamabait sa magkakapatid. Ngunit dahil tahimik ako ay nagmukhang masungit.
Ayaw ko na makumpara sapagkat alam ko kung saan ako mapupunta. Kaya lumayo ako sa mga ito. Lumayo ako sa mga tao. Malayo sa magkukumpara sa akin. Malayo sa madidismaya sa akin. Dito na lamang ako, nakatago sa sulok ng aking kwarto. Dito hindi ako talo, hindi rin panalo. Walang tao na titingnan ako sa hubog ng ibang tao.
Pero baka sakali may dumating at ako ay hanapin. Baka mayroon dyan na ako ay kailanganin. Baka may nakapansin na mayroon din akong galing. Baka may makatanggap na iba ako sa iba kaya ang husay ko ay iba. Kung mayroon man husay na taglay baka may isa na makaalam. Baka dumating ang isang araw ay hindi na ako makumpara dahil may sarili na akong mukha. Iba sa kanila.