Friday, September 25, 2009
Tuesday, August 25, 2009
Pinaka Kumpara
Mula sa hindi kilalang angkan ay isang paslit ang isinilang na walang galing sa anoman. Sapagkat sa bawat pagkukumpara palaging hindi ang pinaka. Mas mabait ang anak ni ganito, mas maswerte ang anak ni ganun. Mas matalino ang kaibigan ko at mas magaling ang mga kakilala nito. Hangad ko na marinig na ako naman ang panalo.
Purihin ng iba, iba ang papuri ng pamilya siguro dahil sa mas mahal ko sila. Baka ang halaga ng papuri ay nasa halaga ng pumuri. Kaya sabihin man ng iba na magaling din ako, ay hindi gayon kahalaga. Sapagkat ang salitang magaling din ay mula sa kumpara na may mas magaling.
Mabuti na mabuti pa ang iba ay nakakakuha ng papuri sa aking pamilya. Mabuti pa ang anak mo kasi ang anak ko ay ganito. Maging kasarian ay hindi nakalampas sapagkat mabuti pa ang anak ni kumare, babae, may mag aalaga at makakatulong sa kanila pagtanda. Mabuti pa ang magka anak na magandang babae, maaaring magka asawa ng mayaman o taga ibang bansa. Hindi magwawagi sa bagay na ako ay wala. Ituring man na isa sa kanila ay hindi magiging gaya nila sapagkat ipinanganak na akong ganito kaya hindi na magiging gayon
Kaya naman nagsikap ako sa kung ano ang mayroon ako. Talento sa pagguhit ang nilinang ko. Ngunit nang isinali sa palaro ay natalo. Sa halip na papuri ay umuwi silang dismiyado. Akala nila magaling ako gumuhit pero bakit ako talo. Kaya nag aral na lamang ako baka dito maipagmalaki ako. Ngunit pumasa man sa eskwela kung walang medalya ay hindi parin ang pinaka. Mas magaling parin si kakilala na laging may medalya.
Hanggang sekondarya patuloy ang kumpara sapagkat sa mga samahan ng kabataan ay isa lang ako sa kasakasama hindi ang lider na mas kilala. Bawat salihan ay duda ang kanilang bigay. Hindi ka naman magaling sumayaw. Hindi ka naman marunong kumanta. Maging sa teatro, sandali lang akong pinakita at hindi rin ako ang bida.
Palaging hindi ako. Magsikap man ako laging ako ang talo. Kaya tinanggap ko na hindi ako mananalo. Hindi na ako ang pinaka o magiging una. Ang inasam ko ay ang maging pangalawa o basta huwag lang ang pinakamababa. Sa ganito ay nagkaroon ng hangganan ang magagawa ko. Hindi ako magiging una, ako lang ay pangalawa.
May talino man kung ikukunpara sa mga kapatid ay talo pa din. Sapagkat talo ng madiskarte ang matalino. Walang patutunguhan ang tahimik kaysa palakaibigan. Maging sa lakas ng katawan ay hindi rin maaasahan. Kaya doon na lang ako sa sunodsunuran. Baka sakaling maging pinakamabait sa magkakapatid. Ngunit dahil tahimik ako ay nagmukhang masungit.
Ayaw ko na makumpara sapagkat alam ko kung saan ako mapupunta. Kaya lumayo ako sa mga ito. Lumayo ako sa mga tao. Malayo sa magkukumpara sa akin. Malayo sa madidismaya sa akin. Dito na lamang ako, nakatago sa sulok ng aking kwarto. Dito hindi ako talo, hindi rin panalo. Walang tao na titingnan ako sa hubog ng ibang tao.
Pero baka sakali may dumating at ako ay hanapin. Baka mayroon dyan na ako ay kailanganin. Baka may nakapansin na mayroon din akong galing. Baka may makatanggap na iba ako sa iba kaya ang husay ko ay iba. Kung mayroon man husay na taglay baka may isa na makaalam. Baka dumating ang isang araw ay hindi na ako makumpara dahil may sarili na akong mukha. Iba sa kanila.
Thursday, August 6, 2009
BLUE HERO
Friday, March 13, 2009
Wag kang mawalan ng pag-asa
Huwag kang mawalan ng pag asa kaibigan. Inuulit ko, huwag kang mawalan ng pag asa. Kahit tila wala na tayong magagawa sa anomang pinagdaraanan natin ay huwag ka parin susuko. Kung minsan panahon na lamang ang magsasaysay kung tayo ba ay magtatagumpay o mananatiling lumalaban. Hayaan mo munang yumaon ang mga araw at maghintay. Manatili sa kung anoman ang iyong ginagawa at pagtiisan pa ang hirap at sakit na nadarama baka sa isang sandali, sa hindi natin nalalamang kinabukasan, ang mga pighati natin sa buhay ay isa isang hihiwalay. May mababaon sa limot, may bigla na lang maaayos at may kalutasan na bigla na lang dadapo sa iyong kaisipan matapos mong umasa at maghintay. Dahil kung minsan sa isang laban hindi mo kinakailangan agad lumaban o agad sumuko. Kinakailangan mong maghintay ng oras at darating din ang tamang panahon kung kailan mo isasagawa ang lahat ng iyong pinagplanuhan. Maghintay ka kaibigan. Maghintay na may pag asa.
Kung tila ang buhay ay mahirap at ang kalungkutan ay umaapaw, huwag mong pigilan na umiyak. Idaing mo kung kinakailangan. Idalangin mo ang inaasam. Mayroon kang mga kaibigan na handang makinig sa anomang iyong pinagdaraanan o kung di man, ay narito ang iyong lingkod, handang makinig at dalhin ang bigat ng iyong saloobin. Dahil gaya mo, gaya ng iba pang mga tao, may pagdurusa ako. Kaya yaong mga may tinitiis ang siya rin makakaunawa ng iyong pagtitiis. Kaya't lumapit ka at iyong idaing ang mga bagay na hindi masambit ng iyong saloobin. Ngunit huwag mo lang iiyak, hayaan mo lang dumaloy ang lahat at pagkatapos ay bumangon ka at isagawa ang mga plano mo sa buhay na may pag asa. Iwan mo na ang kalungkutan pagkatpos mong iyakan at abutin ang tagumpay sa pamamagitan ng gawa hindi ng luha. Kung ano ang iyong plano ay doon ka lumakad at huwag kang lumingon pa sa dako ng iyong pinagkatisuran baka matisod kang muli kung lalakad ka na hindi nakatingin. Huwag ka munang iyakan ang iyong iniyakan na; huwag mo nang balikan ang simula. Kung nagpasiya kang magpatuloy at gumawa ng paraan, magpatuloy ka na ginagawa ang lahat ng iyong makakaya para maisagawa ang naging pasiya sapagkat hindi mo malalaman ang kahihinatnan kung hindi mo susubukan; sa gayon wala ka din pagsisisihan. Huwag kang mawalan ng pag asa kaibigan. Panahon ang magsasaysay kung kailan titigil ka. Kung kailan wala na ang kirot para iwan ang mga bagay na dati ay mahalaga. Wala ng pag aalala sa mga dating isipin at suliranin. Magpatuloy ka habang naghihintay sapagkat ang gawa ay hindi agad nagbibigay ng resulta. Huwag kang mawalan ng pag asa at hayaan mo ang sarili mong makahinga. Lumingon ka at masdan ang iyong mga kasama, may nag aalala, may nag aabang sa iyo na magsalita, mag nagmamahal at may nagdarasal. Magpakaligaya ka kasama sila habang naghihintay sa bunga ng iyong mga gawa. Idaing ang saloobin at ilapit ang mga hangarin sa pamamagitan ng panalangin sapagkat may mga problema na wala na sa ating kapangyarihan ang solusyon kaya iaasa natin sa mas makapangyarihan sa atin. Iyong iasa at ipasa ang bigat ng iyong saloobin. Palayain mo ang iyong sarili sa tali ng dalamhati sapagkat gaano man tayo mabalisa ay hindi ito ang tatapos sa ating mga problema. Huwag kang mawalan ng pag asa kaibigan, inuulit ko, huwag kang mawalan ng pag asa.